
Madaling magmukhang makabayan kapag may kamera, mainit na kontrobersiya, at milyun-milyong matang handang pumalakpak. Sa pulitika, ang patriotismo ay hindi lamang paninindigan, maaari rin itong maging puhunan sa pagpapalakas ng pangalan. Kapag mas mabilis kumalat ang makabayang slogan kaysa sa mga konkretong hakbang, makatuwirang itanong: pagtatanggol ba talaga ito sa bayan, o pagkakataong palakasin ang sariling imahe?
Noong Oktubre 17, 2026, naglabas si Sen. JV Ejercito ng mensaheng “West Philippine Sea is ours! Go home!” para kay Chinese Ambassador Jing Quan, kasunod ng mga pahayag ng diplomat tungkol sa kakayahan ng China sa isang posibleng armadong komprontasyon. Ngunit noong Oktubre 19, ibinalik ng Chinese Embassy sa usapan ang dating pag-endorso ni Ejercito sa Linglong Tires, isang Chinese tire brand. Hindi awtomatikong nangangahulugan ng kawalan ng patriotismo ang pag-endorso sa produktong mula sa ibang bansa. Ngunit, inilantad ng sagutang ito kung paano nga ba mapapatunayan may laman ang makabayang paninindigan lampas sa pahayag na madaling kumalat sa social media?
Dito pumapasok ang posibilidad ng political opportunism o ang paggamit ng isang isyu upang makakuha ng pampulitikang pakinabang. Sa panahon ng viral na kontrobersiya, maaaring maging puhunan sa pagpapalakas ng pangalan ang pagsabay sa galit ng publiko at pagpapakita ng katapangan. Gayunman, hindi sapat ang isang matapang na post upang patunayang ganito ang motibo ni Ejercito.
Ang mas makabuluhang tanong ay kung ang kaniyang mga pahayag ay bahagi ng malinaw at tuloy-tuloy na paninindigan sa pambansang seguridad o nananatili lamang sa antas ng pagpapakita ng tapang. Hindi dapat ipagpalagay ang oportunismo nang walang ebidensiya, ngunit hindi rin dapat maging dahilan ang kasikatan ng isang pahayag upang makaiwas ang isang opisyal sa pagsusuri.
Lalong naging mahalaga ang usapin nang lumitaw ang panawagang ideklarang persona non grata si Jing. Ayon sa Philippine News Agency, inaasahang maghahain si Ejercito ng resolusyon kaugnay nito matapos magkasundo ang mga senador mula sa majority bloc na ituloy ang hakbang. Samantala, sinabi ni Sen. Erwin Tulfo na co-author siya sa panukala ni Ejercito o maghahain ng sarili niyang resolusyon kung hindi ito maisusumite. Iniulat naman ng GMA News na si Tulfo ang naghain ng Senate Resolution No. 739 noong Oktubre 19, na humihiling sa Department of Foreign Affairs na irekomenda ang pagdedeklarang persona non grata kay Jing. Mahalagang pag-ibahin ang panawagan ni Ejercito at ang resolusyong aktuwal na inihain ni Tulfo. Ngunit lampas sa kung sino ang unang kumilos, nararapat pa ring suriin ang layunin, posibleng epekto ng mga hakbang na ito. Ang panawagang palayasin ang isang diplomat ay madaling makakuha ng suporta sa gitna ng galit ng publiko. Gayunman, hindi dapat gawing sukatan ng pagiging makabayan ang tindi ng isang panawagan lamang.
Hindi kathang-isip ang hamon sa soberanya ng Pilipinas. Noong Oktubre 19, ipinatawag ng Department of Foreign Affairs si Jing upang ipahayag ang matinding pagtutol ng bansa sa kaniyang mga pahayag, na itinuring ng pamahalaan na nagpapahiwatig ng banta ng paggamit ng puwersa. Ayon sa Reuters, iginiit ng kalihim ng ugnayang panlabas na dapat tugunan ang mga sensitibong usapin sa pamamagitan ng mga itinatag na diplomatikong mekanismo.
Gayunman, hindi pantay ang kapangyarihan ng dalawang bansang sangkot sa sigalot. Mas malaki ang kakayahang militar at yamang pang-ekonomiya ng Tsina, gayundin ang impuwensiya nito sa pandaigdigang ugnayan. Nagbibigay ito sa Beijing ng mas malawak na kakayahang magpanatili ng presensiyang militar, gumamit ng impluwensiyang pang-ekonomiya, at ipagpatuloy ang mga hakbang nito sa kabila ng pagtutol ng mas maliit na bansa.
Para sa Pilipinas, mas nagiging mahirap ang pagtatanggol sa mga karapatan nito kapag kailangang harapin ang isang bansang may higit na kakayahan at impluwensiya. Ang agwat na ito ay hindi lamang usapin ng laki ng hukbo o lawak ng ekonomiya. Nakaaapekto rin ito sa kakayahan ng bawat bansa na magtakda ng mga kondisyon sa negosasyon, magpanatili ng presensiya sa pinagtatalunang karagatan, at impluwensiyahan ang tugon ng ibang bansa. Hindi nangangahulugang wala nang magagawa ang Pilipinas, ngunit ipinakikita nito kung bakit hindi sapat ang paligsahan sa matapang na pananalita.
Hindi lamang teritoryo sa mapa ang nakataya sa sigalot sa West Philippine Sea. Nakasalalay rito ang kakayahan ng mga Pilipinong mangisda na maghanapbuhay, ang proteksiyon sa mga komunidad sa baybayin, at ang karapatan ng bansa na gamitin ang yamang-dagat nito alinsunod sa batas. Kapag nahahadlangan ang mga mangingisda sa pag-access sa kanilang pangisdaan o nalalagay sa panganib ang mga komunidad sa baybayin, hindi lamang reputasyon ng bansa ang nakataya kundi pati ang kabuhayan at seguridad ng mga mamamayan.
Dito dapat nakaugat ang patriotismo, ito ay sa pamamagitan ng pagtiyak na ang soberanyang ipinaglalaban sa mga talumpati ay naisasalin sa proteksiyon at karapatang nararamdaman ng mga Pilipino. Walang saysay ang makabayang pananalita kung hindi ito sinasalamin ang pangangailangang pangalagaan ang mga mamamayang direktang naaapektuhan ng sigalot. Ang pagtatanggol sa bayan ay hindi lamang pagpapakita ng taong laban sa ibang bansa, kundi pananagutan ding tiyaking may kakayahan ang pamahalaan na pangalagaan ang sariling mamamayan.
Hindi kailangang mamili ang Pilipinas sa pagitan ng diplomasya at matatag na pagtatanggol sa soberanya. Maaaring magpatuloy ang pamahalaan sa paghain ng mga diplomatikong protesta, pakikipagnegosasyon, at ang paggamit ng international na batas upang igiit ang mga karapatan nito. Maaari rin nitong palakasin ang pakikipagtulungan sa mga bansang may kaparehong interes sa paggalang sa karapatan sa karagatan at malayang paglalayag.
Bukod pa rito, dapat din nating suriin ang papel ng mga mambabatas. Bilang halal na opisyal, maaari siyang tanungin tungkol sa kaniyag mga panukala at aktuwal na ambag sa pambansang seguridad. Kung nais ni Ejercito na kilalanin bilang tagapanggol ng bansa, makatarungang suriin ang kaniyang rekord batay sa parehong pamantayang ipinapataw sa iba pang mambabatas. Hindi kailangang magbintang upang maningil ng pananagutan; Dapat tingnan ng publiko kung ang mga panukala ay naisasakatuparan, kung may naidudulot na pagbabago ang mga ito, at kung tunay na napapangalagaan ang pambansang interes.
Sa huli, hindi lamang ito tungkol sa isang lumang endorsement o sa sagutan sa pagitan ni Ejercito at ng Chinese Embassy. Tungkol ito sa kulturang politikal na nagbibigay ng gantimpala sa pagpapakitang matapang, kahit hindi pa nasusukat ang katumbas nitong pagkilos. Kapag ang patriotismo ay nagiging kasangkapan sa pagpapalakas ng sariling pangalan, nanganganib na maging palabas ang paninindigan at tagapanood lamang ang mamamayan. Hindi sapat na magmukhang palaban sa harap ng kamera; dapat may mapanagot na rekord at konkretong resultang maipakita kahit wala nang kamera. Kung political opportunism ang ginagamit upang ilarawan ang ganitong uri ng politika, nararapat lamang na patunayan ang kritisismo sa pamamagitan ng masusing pagsusuri, hindi ng simpleng panghuhusga.
Madaling paandarin ang gulong ng kasikatan. Ngunit hindi lahat ng umaandar ay may direksiyon, at hindi lahat ng malakas ang busina ay marunong magmaneho. Kung patriotismo ang ipinakikita sa publiko, dapat itong patunayan sa bigat ng mga gawa, hindi sa ingay ng mga salita. Sapagkat sa huli, hindi ang politiko ang dapat makinabang sa palabas ng pagmamahal sa bayan; ang bayan ang dapat makinabang sa paninindigan ng politiko.