Kinarerang Responsibilidad

Mabilis ang takbo ng mga kotse sa Singapore ngunit mabagal ang hustisya sa Pilipinas. Nasa nasabing bansa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. mula Oktubre 7 hanggang 11. Dadalo siya sa Formula 1 Grand Prix. Ito ang ika-47 niyang biyahe sa ibang bansa bilang pangulo. Sabi ng Palasyo, trabaho ito. Sabi ng mga kritiko, insensitibo ito sa mga nahihirapan. Magkaiba ang kuwento. Iisa ang tanong. Hindi ito karera ng bilis. Karera ito ng prayoridad.

Hindi krimen ang manood ng karera. Pero may tamang panahon ang lahat. Ang pangulo ay hindi ordinaryong tao. Simbolo siya; may mensahe ang bawat hakbang niya. Inimbitahan daw siya ni Singapore Prime Minister Lawrence Wong. Hindi raw siya magbabayad ng ticket. Hindi iyon ang punto. Ang oras ng pangulo ay oras ng bayan. Libre ang ticket, ngunit hindi libre ang tiwala ng taumbayan, pati na rin ang responsibilidad niya sa atin.

Tingnan natin ang hapag ng karaniwang Pilipino. Sa survey ng SWS noong Hunyo 20 hanggang 29, 20.3 porsyento ng mga pamilya ang nakaranas ng gutom at walang makain. Isa ito sa bawat limang pamilya. Apatnapu’t siyam na porsyento ang nagsabing mahirap sila. Tatlumpu’t anim na porsyento ang nagsabing mahirap ang kanilang pagkain. Kapag halos kalahati ng pamilya ang nakadarama ng hirap, hindi na ito simpleng biyahe. Insulto na ito.

Mas malalim pa sa gutom ang sugat. Sugat ito ng tiwala. Hindi mo maihihiwalay ang karerang ito sa flood control scandal. Hindi mo maitatago ang timing. Habang may mga pamilyang naghahanap ng hustisya, may pangulong nasa grandstand. Hindi ka nagpa-party habang nasusunog ang bahay.

Malinaw at ‘di nagbibiro ang mga numero. Bumalik tayo sa mga nakaraang isyu. Umabot sa bilyun-bilyong dolyar ang nawala sa mga “ghost” na proyekto sa flood control. Noong Setyembre, sinampahan ng kasong plunder ng Ombudsman si Martin Romualdez, pinsan ng pangulo, kaugnay ng P7.4 bilyon. Itinanggi niya ang paratang. Ang plunder ay kasong walang piyansa at maaaring ikabilanggo habambuhay. Nilunod tayo ng baha. Nilunod din tayo ng mga pangako.

“Trabaho raw.” Pero nasaan ang resulta? Sabi ng Palasyo, mas maganda ang usapang harapan para sa pamumuhunan. Maaaring totoo iyon. Pero hindi sapat ang salita. Kailangan ng patunay. At hindi ito ang unang beses. Kapag paulit-ulit ang “coincidence,” ugali na ang tawag doon.

Tinawag ni Marcos na “happy coincidence” ang pagdalo niya sa karera habang nasa working visit. Pero hindi ito bago. Noong 2022, binatikos siya dahil dumalo siya sa Grand Prix habang may mga lugar na binabaha ng bagyong Karding. Apat na taon na ang lumipas. Iisang eksena pa rin. Ang tunay na lider ay hindi umaasa sa mga “coincidence” bilang palusot—siya ang gumagawa ng prayoridad.

Mali ang panahon, mali rin ang mensahe, ginusto man ng pangulo o hindi. [Hindi sapat na palusot ang “trabaho” upang mapaganda ang hindi kaaya-ayang naipahiwatig sa mga mamamayan. Hindi sapat na dahilan ang libreng ticket upang bigyang katwiran ang panahon ng pagdalo. At hindi pwedeng sabihing “wala namang masama” sa bansang nagugutom at nalulunod sa katiwalian]. Ang pinuno ay may tungkuling umunawa sa damdamin ng bayan. Ang pangulo ay hindi pasahero sa karera ng buhay natin. Siya ang nagmamaneho, at may pananagutan—ang may hawak ng manibela.

May magagawa tayo. Una, ilabas ng Palasyo ang pangalan ng mga nakausap, ang napag-usapan, at ang mga kasunduan pagbalik ng pangulo. Pangalawa, dapat may real-time na pampublikong tala ng bawat pisong ginagastos sa flood control at sa iba pang pinaglaanan ng pera. Humihingi ang gobyerno ng P107.4 bilyon para sa 2027, 4,200 porsyentong pagtaas, ayon sa ulat. Dapat mas mahigpit ang bantay. Pangatlo, tayo mismo ay dapat magtanong, bumoto nang tama, at magsumbong ng anomalya. Ang pondo ng bayan ay hindi premyo sa karera. Pinagkakatiwalaan ito.

Matatapos ang karera sa Linggo. May magwawagi, at may uuwing luhaan. Pero sa Pilipinas, hindi pa tapos ang laban. May kaso pang dinidinig. May baha pang babalik. May tiyan pang kumakalam. Hindi tayo pwedeng manood lang. Ang bayan ang tunay na nasa karera. Huwag nating hayaang tayo ang maiwan.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...