Ang samu’t saring mukha ng pag-ibig sa mga himig ng Over October

Shean Jeryza Alibin, Samantha Cristobal, & Grace-Ann Pitogo

Bawat buwan ng taon ay tila may sariling wikang nais iparating sa atin. 

May mga buwang nagdadala ng panibagong simula, may mga buwang nagpapaalala ng mga bagay na unti-unti nang lumilipas, at may mga buwang nag-iiwan sa atin ng mga kuwentong hindi natin agad matutunang bitawan.

Bawat isa ay may sariling himig, may sariling paglalakbay, at may sariling wakas. Ngunit sa mga kantang hinabi ng Over October, ang Oktubre ay nagiging higit pa sa isang buwan sa kalendaryo. Isa itong paanyayang damhin ang pag-ibig sa lahat ng anyo nito; ang pagkasabik sa isang taong hindi pa atin, ang ligayang dulot ng pananatili, ang sakit ng pagkabigo, at ang katahimikang naiiwan ng mga taong pinili nang lumisan.

Bitbit ng kanilang mga awitin ang mga bagay na madalas nating sarilinin. Ang paulit-ulit na paglingon sa isang taong minsan lamang nating nakasabay ang tingin. Ang paghiga sa kama sa kalaliman ng gabi, habang palihim na umaasang baka bukas ay suklian na rin ang damdaming matagal nang ipinagkakait sa sarili. Ang pagkapit sa mga alaala kahit alam nating may mga kwentong hindi na maibabalik sa kanilang simula. 

Sa bawat liriko at himig, tila ipinapaalala ng bandang ito na ang pag-ibig ay hindi lamang nasusukat sa mga sandaling masaya tayong kasama ang isang tao. Minsan, naroon din ito sa paghihintay, sa pagkawala, at sa pagkatutong mabuhay sa kabila ng mga bagay na hindi natin kayang panatilihin.

Marahil iyon ang dahilan kung bakit may mga kantang hindi lamang natin pinakikinggan, kundi inuuwian. Sapagkat sa mundong patuloy na nagbabago, may mga damdaming nananatiling mahirap pangalanan hanggang sa matagpuan natin ang mga salitang matagal na pala nating hinahanap.

Sa pag-ikot ng mga salitang hindi mabigkas | Ikot

May mga damdaming nagsisimula sa mga bagay na tila walang halaga—isang palihim na sulyap, isang ngiting hindi maipaliwanag, o mga sandaling hindi namamalayang nagiging espesyal. Hanggang sa isang araw, mapagtatanto na lamang nating ang taong dati ay nagbibigay lamang ng kaunting kilig ay siya na palang laman ng ating mga iniisip. 

Ngunit sa kabila ng pagnanais na malaman kung may pag-asa ba ang lahat, nananatili tayong nag-aalinlangan: paano kung sa sandaling aminin natin ang nararamdaman ay magbago ang lahat?

Inilalarawan ng Ikot ng Over October ang unti-unting pagkahulog sa isang taong matagal nang nagbibigay ng dahilan upang ngumiti. Mula sa simpleng pagkailang hanggang sa mga pangarap na magkasama nilang tatahakin ang hinaharap, ipinakikita ng awitin kung paano lumalalim ang isad damdaming hindi naman planong maramdaman. 

Gayunpaman, sa likod ng mga pangakong nais sabihin ay nananatili ang takot na umamin. Paulit-ulit na binubuo sa isip ang mga salitang gustong bitawan, ngunit sa bawat pagkakataon ay nauuwi lamang sa pananahimik.

Ang bawat tugtog sa awiting ito ay tila isang walang katapusang pag-ikot—patuloy na umaasa, patuloy na nagdadalawang-isip, at patuloy na naghihintay na mapansin. Sapagkat kung minsan, hindi ang kawalan ng damdamin ang pumipigil sa isang pag-ibig na magsimula, kundi ang takot na isugal ang lahat para sa isang sagot. 

At habang nananatiling hindi nabibigkas ang mga salitang matagal nang kinikimkim, patuloy tayong iikot sa pagitan ng posibilidad at pangangamba, umaasang balang araw ay magkakaroon din ng lakas ng loob na piliin ang pag-ibig sa halip na ang katahimikan.

Sa dahan-dahang pag-amin ng mga damdamin | Dahan

“Dahan-dahan, nahuhulog sa’yo.” Ngunit kapansin-pansin nga ba ang bawat sandaling unti-unti tayong nahuhulog sa isang tao? O sa hindi inaasahang pagkakataon, magugulat na lamang tayong may mas malalim na palang kahulugan ang mga dating simpleng interaksyon, biruang walang malisya, at mga lihim na sulyap? 

Sa kantang Dahan ng Over October, masining na naipapahayag ang unti-unting pag-usbong ng pag-ibig mula sa isang pagkakaibigang dating payak at walang bahid ng romantikong damdamin. Sa saliw ng malumanay na himig at mga lirikong puno ng pananabik at pag-aalinlangan, inilalarawan ng awitin ang isang damdaming hindi minamadali, bagkus ay hinahayaang kusang mamukadkad sa paglipas ng panahon. 

Ang mga dating ordinaryong tagpo ay unti-unting nagkakaroon ng panibagong kulay, ang mga tawanan ay nagiging dahilan ng pananabik, ang mga sulyap ay nagtataglay ng mga salitang hindi mabigkas, at ang dating pagkakaibigan ay unti-unting humahakbang tungo sa posibilidad ng pag-iibigan.

Sa hindi inaasahang pagkabighani | Kaakit-akit

Nagsisimula ang pag-ibig sa isang segundong magpapabago sa lahat—sa oras na bigla kang matamaan ng kanyang pagsulyap, ng kanyang atensyon, at ng kanyang oras.

Na ang isang nilalang na nilikha ng kalangitang ubod ng pagkadakila ay bigla na lamang kakausap sa iyo. Ang gayong kagandahan ay sapat upang ikaw ay mabaliw, mautal, mapahinto, at mapatulala na tila tinakasan ka ng bait. Ipinapahiwatig ng Kaakit-akit na ang buwan ng Oktubre ay para sa mga taong hindi inaasahang kikidlatan ng pag-ibig—mga pusong biglang mahuhumaling sa isang kaakit-akit na nilalang hanggang sila’y tuluyan nang mabigag. 

Subalit sa gitna ng matinding emosyon, mapapatanong ka na lamang: “Pag-ibig nga ba talaga itong nadarama?” Masyado bang mabilis? Masyado bang nagmamadali? Bakit ganito na lamang ang tibok ng pusong hindi mapigil at mapatahimik? 

Hindi lamang ito simpleng kwento ng isang mabilis na pagsulyap kundi pambihirang lakas ng isang sandaling kayang baguhin ang takbo ng iyong mundo. Isang uri ng pagkahumaling na hindi humihingi ng pahintulot—na sa kabila ng takot at bilis ng mga pangyayari ay kusang umaagos at pumupuno sa bawat patlang ng iyong pagkatao.

Sa tatlong salitang nangangakong mananatili | 123

May mga pag-ibig na hindi nangangailangan ng mga engrandeng pangako upang maramdamang totoo ito. 

Minsan, sapat na ang isang tasang kape sa gitna ng ulan, mga kamay na magkahawak, at presensya ng taong nais nating makasama sa bawat bukas. Sapagkat sa piling ng tamang tao, maging ang mga karaniwang sandali ay nagiging mga alaalang nais nating panghawakan.  

Inilalarawan din sa kantang ito na ang pag-ibig ay isang pangakong binubuo ng dalawang pusong handang harapin ang hinaharap nang magkasama. Sa kabila ng kawalang-katiyakan sa kung ano ang naghihintay bukas, nagiging sapat ang kaalamang naroon ang taong pinipili nating mahalin. Ipinapaalala ng awitin na hindi kailangang maging tiyak ang lahat upang piliing manatili.  

Sa huli, sa likod ng pangakong panghabambuhay ay naroon ang tatlong salitang kayang magbigay-kahulugan sa lahat: “I love you.” Dahil sa mundong hindi nangangakong magiging madali ang bukas, isa sa pinakamatamis na anyo ng pag-ibig ang makahanap ng taong handang harapin ang lahat kasama ka.

Sa bawat salitang pilit na kinimkim | Bitin 

Mahirap pakawalan ang mga buntong-hiningang may dalang mga damdaming hindi maipahayag at mga tanong na nagsisimula sa dalawang salitang “Paano kung?” Paano kung sumugal? Paano kung umamin? At paano kung sa kabila ng lahat, tayo rin pala ang masasaktan?

Katulad ng mga alinlangan na nananatiling Bitin, masining na inilalarawan ng Over October ang bigat ng mga tanong na nananatiling nakakubli sa ating isipan at damdamin. Ipinapakita ng awitin ang realidad ng pag-aalinlangan, ang pagnanais na sumugal sa isang damdaming walang kasiguraduhan, ngunit kasabay nito ang takot sa maaaring kahinatnan. 

Ang bawat pagkakataong pinipili nating manahimik, tila mas lalong bumibigat ang mga salitang nais nating bitawan. Sa huli, naiiwan tayong nakabitin sa pagitan ng pag-asa at pangamba, patuloy na inuusisa ang sarili kung mas masakit bang sumugal at masaktan, o manatiling tahimik habambuhay na dinadala ang mga “Paano kung?”

Sa mga pangakong nabura ng pamamaalam | Sandali Lang

May mga pamamaalam na mahirap tanggapin, lalo na kung nagmula ang mga ito sa taong nangakong hindi ka iiwan. Paano mo bibitawan ang isang pag-ibig na minsan mong inakalang panghabambuhay? Paano mo tatanggapin na ang mga pangakong pinaghawakan mo noon ay mawawala lang sa isang iglap?

Sa kantang Sandali Lang ng Over October, inilalarawan ang sakit ng isang pusong pilit pang kumakapit sa relasyong unti-unti nang nagiging bahagi ng nakaraan. Sa bawat araw na lumilipas, nananatili ang pag-asang maibabalik pa ang mga sandaling magkasama sila, kahit unti-unti nang tinatanggap ang katotohanang wala na ang dating pag-ibig. 

Ngunit sa kabila ng pangungulila, dumarating ang panahong kailangang pakawalan ang taong minamahal, hindi dahil nawala ang lahat ng damdamin, kundi dahil hindi na sapat ang pagmamahal ng isa upang manatili ang dalawa.

Marahil iyon ang pinakamahirap na bahagi ng pagpapaalam: ang tanggapin na may mga pangakong hindi natutupad at mga kwentong hindi na maipagpapatuloy. Gayunpaman, kahit hindi na magkasabay ang kanilang mga landas, mananatiling bahagi ng puso ang mga alaalang minsang nagbigay-kahulugan sa kanilang pagsasama. 

Kung minsan, ang tunay na pagpapaalam ay hindi ang paglimot sa pag-ibig, kundi ang pagpayag na lumaya ang taong minsan nating hiniling na manatili.

Sa mga unang nagmahal ngunit huling lumisan | Moved On Last

Huwag kang magpapaloko—ang mga kantang may masasayang tono ang kadalasang pumapatay sa’yo sa sobrang sakit ng bawat linya. 

Mapapatango ka na lamang sa kumpas ng musika, ngunit napapayuko rin sa sandaling tumama ang katotohanang: Sino ba talaga ang unang bumitaw sa inyong dalawa? Ikaw ba o siya? Bakit noong ikaw ang unang nagkagusto, ikaw rin itong naiwan sa dulo na nahihirapang bumangon at magpatuloy? Bakit nang sabihin mong pagod ka na, hindi man lang siya nagdalawang-isip na bitawan ka?

Kasama si Angela Ken sa kantang Moved On Last, muling ipinadama ng Over October na ang buwan ng Oktubre ay hindi lamang para sa pag-ibig—ito rin ay para sa mga pusong nalulunod sa saknong ng mga tanong at sa karagatan ng masasakit na alaala. 

Ipinapaalala ng kanta ang pait ng mabilis na pagbabago ng kaniyang nadarama, kung saan ikaw ay nakatali pa rin sa nakaraan habang siya ay malaya nang lumalayo. Ang kantang ito ay nag-iiwan ng isang matinding sampal ng katotohanan—na ang pinakamasakit na bahagi ng pagtatapos ay hindi ang mismong paghihiwalay, kundi ang madiskubreng ikaw na lang pala ang natitirang nagmamahal.

Sa piling ng taong kasama sa bawat bukas | Ating Dalawa

Ang tanging hangad ng isang pagod na kaluluwa ay ang makahanap ng pahinga, minsan sa katahimikan ng sariling tahanan, at kung minsan nama’y sa init ng yakap ng taong kabiyak ng puso. 

Malumanay na humihimig ang Ating Dalawa, siyang masining na naipapahayag ang kagandahan ng pag-ibig na nagsisilbing pahinga sa gitna ng magulong mundo. Isang pag-ibig na hindi lamang nakikita sa matatamis na salita, kundi higit na nararamdaman sa presensya ng taong handang maging karamay at kasangga sa bawat pagsubok ng buhay.

Ipinapaalala ng awitin na sa kabila ng bigat ng mga araw at pagod na dala ng mundo, may isang taong handang makinig sa ating mga hinaing, umalalay sa ating mga kahinaan, at humawak sa ating kamay upang sabay na harapin ang panibagong bukas. 

Hindi na kailangang tahaking mag-isa ang bawat landas, sapagkat may isang pusong handang sumabay sa bawat hakbang. 

Higit sa lahat, ipinapakita ng awiting ito na ang tunay na pag-ibig ay hindi lamang tungkol sa mga sandaling puno ng saya, kundi sa araw-araw na pagpiling manatili, umunawa, at magmahal, maging sa mga panahong hindi madaling gawin ito. 

Sapagkat sa mundong puno ng pagbabago at kawalang-katiyakan, may kakaibang kapanatagan sa pag-alam na may isang taong patuloy kang pipiliin, sa bawat araw at sa bawat pagkakataon.

Sa katiyakang hindi natitinag ng duda | Mananatili

At sa pagdating ng buwan ng Oktubre, habang unti-unting nalalapit ang pagtatapos ng taon, nananatili tayong umaasa at naghihintay sa katuparan ng mga panalanging matagal nang ibinubulong ng ating mga puso, na balang araw, matagpuan din natin ang taong matagal nang hinahanap ng ating puso’t kaluluwa.

Sa kanilang kantang Mananatili, ipinapaalala ng Over October na sa kabila ng mabilis na pag-ikot ng mundo, may mga sandaling nanaisin nating huminto ang oras, kahit sa isang iglap lamang, upang lubos na namnamin ang bawat biyaya at alaalang nabubuo kasama ang mga taong ating minamahal. Sa mundong tila walang humpay sa pagbabago, nagiging mahalaga ang presensya ng mga taong nagbibigay sa atin ng dahilan upang manatili, magpatuloy, at pahalagahan ang kasalukuyan.

Sa gitna ng libo-libong pagdududa at kawalang-katiyakan, binibigyang-halaga ng awitin ang lalim at kagandahan ng tunay na ugnayan ng mga tao, isang koneksyong hindi nasusukat sa tagal ng pagsasama, kundi sa mga sandaling buong-pusong piniling damhin at ipagpasalamat. 

Sapagkat ang bawat tawanan, yakap, titig, at simpleng pagkakataong magkasama ay hindi lamang mga alaalang dapat balikan sa hinaharap, kundi mga karanasang nararapat isabuhay, namnamin, at pahalagahan habang nangyayari ang mga ito. 

At marahil, sa kabila ng ating walang katapusang paghahanap ng katiyakan, hindi naman talaga natin kailangang malaman kung ano ang naghihintay sa dulo ng ating kuwento. Kung minsan, sapat nang malaman na sa kasalukuyan ay may mga taong handang manatili sa ating tabi. 

Sa mga piniling iharap sa dambana | Intertwine

Madalang lang dumating ang pagkakataon sa isang tao kung saan hindi na kailangang magtanong pa sa tadhana—ang pagkakataong ipinamumukha na sa iyo na ang taong nasa iyong kaharap ay ang siya mo nang makakasama hanggang sa huling hininga.

Na sa tuwing tumitingin ka sa kaniya, hindi na sapat ang pagsulat at pag-awit ng isang kanta upang ilarawan ang kaniyang kagandahan at kung gaano mo siya kamahal. Hindi sapat ang ilang minutong melodiya upang maipahiwatig ang lalim ng iyong pagsinta. Kung kaya’t ipinauubaya mo na lamang ang iyong puso upang marinig niya ang mismong tibok nito—tibok na isinisigaw ang kaniyang pangalan at ang kaniyang buong pagkatao.

Mahahanap mo ang pinakamatamis na sagot sa lahat ng tanong at alinlangan sa kantang Intertwine ng Over October at The Ridleys. Ito ay hindi lamang isang kanta, kundi isang panata sa harap ng dambana at isang pangako ng pag-iisang-dibdib. 

Higit pa sa pagsuot ng mga singsing at sa panata sa harap ng dambana ang pag-ibig na sadyang nakatadhanang magtagpo, kung saan ang dalawang magkaibang buhay ay tuluyan nang tinatahi at nagiging isa habambuhay.

Sa pagtangi na dala ng bawat himig 

Mula sa tahimik na paghanga hanggang sa pangakong habambuhay, ang pag-ibig ay puno ng mga simpleng sandaling nagbibigay-kulay sa ating mundo. 

Pero kasabay nito ang mga kwentong hindi naisawika, mga pangakong napag-iwanan, at mga pamamaalam na hindi napaghandaan. 

Sa bawat awitin ng Over October, nabibigyang-himig ang buong paglalakbay ng puso—mula sa unang tibok hanggang sa huling pagbitaw. Kaya napakalapit nila sa atin: sapagkat sa bawat liriko at himig, naroon ang sarili nating kwento at damdamin.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Previous Post

Next Post

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...