
Francis Garcia at Russielle Taduran
Makukulay, Naggagandahan, Naghihiyawan.
Ganito mailalarawan ang mga larong Pinoy na tumatak sa isipan at puso ng bawat batang lumaki sa kalsada o bakuran. Mga larong hindi basta-basta binubura ng panahon, sapagkat kahit lumaki ka na, nananatili itong buháy sa iyong alaala. Pero ano nga ba ang mayroon sa mga larong ito, at bakit tila ba isa sila sa mga pinakamatibay na haligi ng ating kabataan?
Sino ba ang hindi nakaranas ng tumbang preso, pogs, tagu-taguan, luksong baka at iba pa? Tatak-Pinoy ang mga ito: pundasyon ng pagkakaibigan, samahan, at diskarte. Sa bawat laro, natututo tayong magplano, makipagtulungan, at minsan, matutong tumanggap ng pagkatalo. Bihirang mapansin, pero ang mga larong ito ay bahagi ng ating kultura—hindi kumpleto ang alaala ng kabataan kung wala ang marka ng larong Pinoy.
Bago pa man umusbong ang mga modernong libangan, walang makapapantay sa saya ng mga kalarong naghahabol sa ilalim ng araw.
“Tara, laro tayo tumbang preso!”
Isang katagang sumisindi sa hapon ng bawat bata. Sa bawat hagis ng pamatong tsinelas at pagbagsak ng lata, sumasabay ang hiyawan at tilian. Hindi alintana ang putik sa paa o pawis sa noo, maipagpatuloy lamang ang nasimulang laro.
“Nene, laro tayo tagu-taguan.”
Isa pa itong paborito—ang kilig at kaba habang nagbibilang at nag-iisip kung saan nagtatago ang mga kalaro. Sa paghahanap, tila binubuo rin natin ang mga hibla ng alaala—mga paminsang lihim na tagpo ngunit lagi’t laging masayang balikan.
Maging sa isang maliit na eskinita, buhay ang sigla ng langit-lupa.
“Saksak puso tulo ang dugo.”
Ang bawat hakbang pataas para makaligtas ay tila laban na may kasamang halakhak at sigawan.
“Ako na patotot ha”
At syempre, hindi mawawala ang patintero. Sa walang humpay na habulan at bantayan, nabubuo ang samahan at taktika. Isang “Bantayan mo!” lang mula sa kaibigan ay sapat para palakasin ang depensa ng grupo—walang nakakalusot.Sa simpleng anyo, napakaraming aral ang dulot ng mga larong ito. Natuto tayong mangapa sa dilim sa tagu-taguan, bumilis sa habulan, at magplano sa patintero. At oo, natutuhan din nating magtulug-tulugan para makaiwas sa utos ni Inay, makalabas ng bahay, at makipaglaro lamang pagsapit ng alas-tres.
Noon, parang napapako ang oras sa gitna ng mga simpleng palaro—puso’y umaapaw sa tuwa, habang ang pawis at guhit ng dumi sa paa ay para bang medalya ng isang batang nagwagi. At kahit sumasakit na ang binti at hingal na hingal sa kakatawa, mas nangingibabaw pa rin ang ligayang dulot ng larong kalsada.
Ngayon, kahit nauuso na ang mga mobile games gaya ng Mobile Legends, Roblox, at Honor of Kings, nananatiling buháy ang alaala ng mga larong kalsada—dahil sa mga kabataang patuloy itong nilalaro, at sa mga magulang, guro, at organisasyong pilit itong binubuhay.
Ngunit kung hahayaan nating mabaon sa limot ang mga larong ito, mawawala rin ang mahalagang bahagi ng ating pagka-Pilipino. Ang larong Pinoy ay hindi lamang alaala ng kabataan, kundi larawan ng pagkakaibigan, pagkakaisa, at kulturang dapat nating pangalagaan.