Cool Smashers diniskaril ang Chery Tiggo, sinelyo ang ika-19 sunod na podium finish sa PVL

Photo Courtesy of Canva

John Aldrin Cullat

Muling umarangkada ang Creamline Cool Smashers matapos walisin ang Chery Tiggo Crossovers sa battle-for-third, 25-15, 25-13, 25-22, sapat para ibulsa ang ika-19 sunod na Premiere Volleyball League (PVL) podium appearance sa 2025 PVL Invitational nitong Linggo, Agosto 31, sa Smart Araneta Coliseum.

Hindi nalusaw ang podium streak ng Creamline matapos manguna ng reigning PVL Invitationals MVP na si Michele Gumabao na kumonekta ng 17 puntos mula sa 14 kills at tatlong blocks, swak para ibulsa ang ikalawang sunod na bronze-finish ng koponan.

“Excited din lahat kung makaka-podium ba kami and kami rin naman, ‘yon din naman yung pinipilit namin,” ani Gumabao.

Dagdag pa niya, bagama’t bronze medal ang nakataya, kinailangan pa rin nilang tumbasan ito ng parehong tindi at determinasyon tulad sa kanilang naging championship runs.

“Whether pinaglalabanan namin ‘yong championship o yung third place, kailangan pareho talaga yung intensity namin and I think nabigay naman ng lahat ng tao, ng buong team kahit yung mga hindi nakitang maglaro,”

Maagang bumandera ang Creamline matapos magtala ng 9-3 rally sa pagkumpas ni Gumabao na humadlang sa pag-alagwa ng Chery Tiggo, 16-12, para angkinin ang unang set, 25-15.

Muntik masayang ang itinayong two-set deficit ng kampo ni coach Sherwin Meneses nang mapahupa ang bentahe sa 15-14, subalit isang krusyal na overreach error ng middle blocker ng Chery Tiggo na si Sheena Toring ang nagpalapit sa Creamline sa third sweep-finish, 16-14.

Hawak ang manibela sa third set, naglista ng anim na puntos si Lorie Bernardo na nagdagdag sa huling tatlong puntos ni Gumabao para tuldukan ang pagharurot ng Crossovers at tuluyang ibulsa ang bronze medal, 25-22.

Sa kabilang banda, bigong mapahaba ng Chery Tiggo ang kanilang preseason runner-up finish matapos ang domianteng ganti ng Creamline ngayong Invitationals.

Tanging si Galang ang nakapuntos ng double figure sa Crossovers na may 10 kills at limang excellent digs, habang may siyam na puntos at limang excellent receptions si Cess Robles.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...