PMNFT wagi kontra Nepal, bigong nakapasok sa AFC U-23 Asian Cup main tournament

Photo Courtesy of One Sports

Tinuldukan ng Philippine Men’s National Football Team (PMNFT) ang kanilang kampanya sa 4-0 pagdispatsa sa Nepal, sapat para ibulsa ang ikalawa at huling panalo sa 2026 U-23 AFC Asian Cup Qualifiers nitong Miyerkules, Setyembre 10 sa Republican Center Stadium, Tajikistan.

Photo Courtesy of One Sports

Sa kabila ng dominasyon, bigong mapasakamay ng Pinoy booters ang tiket sa main tournament matapos makapagtala ng anim na puntos mula sa 2-1 kartada na nagkasya lamang para sa ikapitong puwesto ng second-placed teams na labas sa qualification standards.

Humugot ng pwersa ang Pilipinas mula sa maagang go-ahead goal ni Otu Banatao sa ika-33 minuto mula sa assist ng kapitan na si Sandro Reyes, 1-0.

Dinuplika naman ni Javier Morona ang abante ng Pilipinas makalipas ang anim na minuto mula sa kanyang spot-kick matapos siyang ma-foul ni Bishal Nepali upang isara sa 2-0 bentahe ang halftime.

Naunsyami ang unang clear-shot ng Nepali booters sa ika-75 minuto nang mailigtas ang 20-yard shot ni Abinash Syangtan ng Pinoy goalkeeper na si Nicholas Guimares.

Muntik masayang ang ikatlong goal ng Pilipinas nang higpitan ni keeper Amish Tamatta ng Nepal ang kanilang depensa ngunit agad nasalo ni Dov Cariño upang isalpak ang close-range rebound goal sa ika-81 minuto, 3-0.

Sinelyuhan naman ni Reyes ang bakbakan nang maikonekta ang 24 yardang free-kick sa ika-85 minuto sa hindi naabot ng diving save ni Tamatta, 4-0.

Mula rito ay hindi na lumingon pa ang Pilipinas.

Tangan ng PMNFT ang 2-1 standing at ikalawang pwesto sa likod ng Syria na walang bahid sa pagkatalo na siyang kumubra ng pasaporte ng Group K sa main event habang hawak naman ng Tajikistan at Nepal ang ikatlo at ikaapat na pwesto ayon sa pagkakasunod.

Bunsod ng ikapitong pwesto sa second-placed teams, hindi nakasama ang Pilipinas sa apat na kwalipikado sa main tourney, kasama rito ang China, Lebanon, Uzbekistan, at United Arab Emirates (UAE).

Sa kabilang banda, gaganapin ang 2026 U-23 AFC Asian Cup Qualifiers sa darating na Enero 7 hanggang Enero 25 sa Saudi Arabia.

2 Votes: 2 Upvotes, 0 Downvotes (2 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...