Ang kanilang Pasko ay karaniwan mong araw

Gabi Rizal

Habang ang kampana’y masayang tumutunog, may mga pusong hindi kayang sumabay. Habang ang ilaw ay kumikislap sa mga bintana ng tahanan, may mga matang matagal nang sinanay na sa dilim. 

Hindi pare-pareho ang mukha ng Pasko para sa lahat. May mga Paskong nag-uumapaw sa handa, at may mga taong handang magtiis at patuloy na nagtitiyaga pa rin sa gutom, pighati, at pangungilila. 

Para sa mga batang nasa lansangan, ang Pasko ay isa lamang araw ma kailangan nilang lampasan kahit sumasakit na ang tiyan. Kung ang hiling mong kainin ay salad o Mango float, ang hiling lamang nila ay kahit tinapay na sapat para sa buong pamilya,  kahit sa isang gabi lang.

Sa bilangguan, hindi regalo ang binibilang kundi ang bawat minutong makakasama ang pamilya. Maliit man sa paningin ng iba ang dasal na makatanggap ng prutas, hygiene kit, o simpleng laruan para sa mga anak, dito pa rin makikitang may pag-asang nananahan sa kanilang mga puso. Ang mga rehas na matigas at pader na malamig ay mga tahimik na saksi sa mga dasal na hindi nila maisigaw. 

Sa mga lugar naman na sinalanta ng bagyo at unos, baka hanggang Pasko ay pilit pa nilang inaayos ang kanilang mga bahay na winasak ng hangin at ulan, mga gamit na tinangay ng baha, at mga pangarap na lumubog sa putik. Paunti-unti silang bumabangon, nananalangin na sana ay mas payapa ang Pasko sa susunod na taon.

Sa kabundukan, malayo sa maingay na siyudad, payak ang selebrasyon. Kahit walang mamahaling palamuti sa mga bahay nila, kahit isang palayok lamang ang paghahatian, at kahit isang ulam ang maingat na sinasandok, may ngiti pa rin sa kanilang mga labi. Kahit danas pa rin ang kahirapan, marunong pa rin silang ngumiti.

Sa mga tahanang minsang puno ng halakhak na ngayon ay tahimik na, may mga upuang naging bakante, may mga pangalang hindi na binibigkas, at may ilaw ay hindi na kasingliwanag ng dati.

Ang kanilang mga Pasko ay karaniwan mong araw. At ang karaniwan mong araw ay panalangin ng iba, luha ng iba, at himalang hinihintay ng iba.

Sapagkat sa bansang ito, may Paskong nag-uumapaw at may Paskong nananatiling uhaw. 

At sa gitna ng lahat ng kakulangan, ang tunay na Pasko ay hindi kung gaano karami ang nasa mesa, kundi kung gaano pa rin tayong marunong makiramay, umunawa, at magmahal—kahit hindi pareho ang liwanag na tinatanggap ng bawat isa.

2 Votes: 2 Upvotes, 0 Downvotes (2 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...