
Joshua Pasion at Shean Jeryza Alibin
Panahon na naman ng pagsibol ng mga Iskolar ng Bayan.
Ngayong muli na namang namukadkad ang mga seremonya ng pagtatapos sa Unibersidad ng Pilipinas (UP), tuluyan nang nabigyang-buhay ang mga tagpong minsang inasam lamang ng libo-libong mga kabataan. Bago pa man ito maani, walang bungang napipitas nang hindi muna nagbanat ng buto, naghintay, at nagtiis sa bawat unos na dumaan.
Sa kanilang balikat, marahang nakapatong ang isang telang sumisimbolo sa kanilang pagtatagumpay na malampasan ang mga pagsubok sa raan at ng panata nilang gamitin ang kanilang kaalaman sa paglilingkod sa bayan. Itinuturing man na magaan ang sablay, hindi nito kailanman naipakikita ang tunay na bigat ng paglalakbay na kinailangan bago ito tuluyang maipasan.
Sa bawat hibla nito ay nakaukit ang mga taong inilaan sa pag-abot ng pangarap, ang mga sakripisyong tahimik na pinagdaanan, at ang mga pagkakataong kinailangang magpatuloy sa kabila ng kawalang-katiyakan. Sapagkat bago pa man maging sagisag ng kanilang pagtatapos, naging saksi muna ang sablay sa bawat bigat na kinailangan nilang lampasan.
Pangarap na makapasok sa UP
Bago pa man maisuot ang sablay sa kanilang balikat, bahagi muna sila sa mga mag-aaral na naghahangad na makapasok sa itinuturing na isa sa mga pinakamahusay na pamantasan sa bansa.
Bawat taon, daan-daang libong kabataan ang naglalakas-loob na suungin ang University of the Philippines College Admission Test (UPCAT) — ang pagsusulit na magtatakda sa kanilang kapalarang makatapak sa unibersidad. Nitong nakaraang taon, umabot sa 147,437 ang kumuha ng UPCAT 2026, ngunit 18,350 lamang ang nakatanggap ng admission offer.
Sa numerong ito, hindi sapat ang mangarap na matawag na Iskolar ng Bayan dahil kinakailangang makipagsabayan sa libo-libong kabataang may parehong mithiin. Sapagkat ang UPCAT ay hindi lamang pagsukat ng kaalaman kundi pagsubok din sa tibay ng loob at kakayahang maniwala sa sarili kahit walang katiyakan sa kahihinatnan.
Gayunpaman, hindi nagtatapos sa pagsusulit ang laban dahil kaakibat din nito ang matagal na paghihintay. Halos isang taon ding nakasabit ang mga plano ng maraming aplikante sa resultang isa sa tatlo ang magiging kalalabasan: ang “Congratulations” o ang “Thank You” na kulay berde o pula.
Nang makapasa na sa tinitingalang pamantasan, nangangahulugan din ito ng paglayo sa tahanan.
May mga kailangang lisanin ang tahimik na buhay sa probinsya upang manirahan sa lugar na kailanman ay hindi sila pamilyar. May mga unang beses na sasakay ng eroplano, maglalakbay nang mag-isa, at mararanasang ikubli ang pangungulila.
Ang dating hapag-kainan na sabay-sabay pinagsasaluhan gabi-gabi ay mapapalitan ng mabilis na pagkain sa pagitan ng klase. Ang dating tahanang puno ng kilalang mga mukha ay magiging isang maliit na silid na kailangan nilang tawaging tahanan sa loob ng susunod na mga taon. Ang dating yakap ng pamilya sa pagtatapos ng bawat araw ay mapapalitan ng mga tawag at mensaheng magsisilbing tulay sa kabila ng distansya.
Marami ang nag-aakalang ang pinakamahirap na bahagi ng paglalakbay ay ang makapasok sa UP, ngunit simula pa lamang ito ng mas mahaba, mas mabigat, at mas mapanghamong paglalakbay.
Bigat ng pananatili
Sa admissions pa lang ay tila nakikipagbuno ka na sa maliit na butas ng karayom. Madugo ang proseso ng pagpasok ngunit hindi pa pala rito nagsisimula ang pinakamabigat na laban.
Dahil panimula pa lamang ito ng isa sa maraming kabanatang tatahakin at isusulat ng isang Iskolar ng Bayan. Dahil ani nga nila, ang UPCAT ang pinakamadaling pagsusulit na mararanasan mo sa UP.
Hindi lamang ito tumutukoy sa mga written exams o graded outputs. Mas malawak pa rito ang pagsusulit na ihahain ng pamantasan — mga pagsubok na unti-unting huhubog hindi lamang sa kakayahan bilang estudyante, kundi maging sa kung sino ka bilang tao.
Sa unang araw pa lamang ng klase, tila ipinapaalala na agad ng UP na hindi ka na lamang kabilang sa pinakamahusay sa inyong paaralan; ngayon ay kabilang ka na sa hanay ng pinakamahuhusay mula sa iba’t ibang sulok ng bansa.
May makikilala kang kampeon ng isang national research competition noong hayskul pa lamang. May magiging kaklase kang matagal nang may posisyon sa isang national youth organization. Mayroon ding valedictorian mula sa kanilang batch na tila kabisado na ang leksiyong katuturo pa lamang ng inyong propesor.
Isang pribilehiyo ngang maituturing na makakilala ng mga ganitong uri ng mga kaklase. Ngunit habang mas nakikilala mo sila, unti-unti ring sumusulpot ang tanong na pilit iniiwasan at tahimik na isinasantabi na lang ng maraming bagong iskolar: Paano ako makasasabay?
Dito marahil nagsisimulang bumigat ang bawat araw, buwan, at taon ng pananatili sa UP. Hindi lamang dahil sa dami ng kailangang basahin, isulat, ipasa, at ipresenta, kundi dahil halos araw-araw kang hinahamon na patunayan sa sarili mong karapat-dapat ka sa puwestong matagal mong pinaghandaan at ipinaglaban.
Sa bawat sunod-sunod na quiz, recitation, laboratory exercise, at deadline, unti-unting sinusubok hindi lamang ang talino kundi maging ang tiyaga, tibay ng loob, at paninindigan ng bawat estudyante.
Ang pagtulog nang madaling araw ay nagiging karaniwan na. Ang tatlo hanggang limang outputs na may deadline sa iisang araw ay nagiging normal na rin. Ang pagkakaroon ng delayed subjects o mababang marka ay nagiging isang realidad na kailangang tanggapin ng maraming iskolar na dati ay pawang mga may matataas na karangalan sa kani-kanilang paaralan.
Isa si Jiam, second-year BS Biology student sa UP Manila, sa maraming iskolar na nakaranas ng mabigat na karanasan sa kaniyang unang taon sa unibersidad.
Sa pagbabalik-tanaw niya sa kaniyang freshman year, inamin niyang nahirapan siyang suungin ang academic workload na ibinibigay ng mga propesor sa loob pa lamang ng unang mga linggo ng semestre.
“Parang before, first meeting [pa lang] sa isa naming prof, may around 100 pages na kaagad sa aming ipinapabasa,” aniya.
Dagdag pa ni Jiam, kasabay nito ang iba pang readings at sandamakmak na asynchronous lecture videos na kailangan ding panoorin. Lalo pang nadagdagan ang bigat ng kaniyang pinagdaraanan dahil kasabay ng pressure ay ang umaatikabong pakiramdam na wala siya sa kursong tunay na nais niyang tahakin.
“Sobra akong pumayat no’n. Isa sa routine ko noong first year, first sem ay matulog [nang] around 3 a.m. [at] gigising nang 5:30 a.m. kasi 7 a.m. hanggang 1 p.m., may laboratory class ako. Sa isang oras ko namang vacant, mas pipiliin ko nalang matulog kahit saglit so ‘di [na] ako kakain,” saad niya.
Dito rin nagsimula ang kaniyang pagka-burnout at pagkawala ng gana sa mga bagay na dati ay nagbibigay sa kaniya ng saya. Unti-unti niyang kinuwestiyon kung para ba talaga sa kaniya ang landas na tinatahak niya.
Sa kasalukuyan, nasa proseso si Jiam ng paglipat mula BS Biology patungong BA Behavioral Science matapos niyang mapagtantong mas nakikita niya ang sarili sa programang ito. Bagama’t hindi naging madali ang proseso ng pag-shift, pinili niyang magsimula muli sa kursong sa tingin niya ay mas makapagbibigay sa kaniya ng saysay at direksiyon.
Para sa ilan, ang bigat ng pananatili sa UP ay makikita sa walang katapusang deadlines, exams, at requirements. Para naman sa iba, ito ang pagbabadyet ng limitadong allowance, ang kapaguran mula sa pangungulila sa pamilya, at sa pagdududa kung nararapat ba talaga silang manatili sa unibersidad.
Para naman sa ibang katulad ni Jiam, ang bigat ay humahalili sa kagustuhang ipagpatuloy ang nais masimulan nang walang kasiguraduhan at may pangambang mahuli sa karera.
Pasaning kaakibat ng pangalan
Kung sa unang taon sa UP, ang tanong ay kung makasasabay ka ba, habang tumatagal ay unti-unti itong napapalitan ng mas mabigat na pangamba: Paano kung mabigo ako at mabigo ko sila?
Hindi na lamang sarili ang dala ng bawat iskolar ng bayan sa loob ng silid-aralan. Kasama nila ang pangarap ng kanilang pamilya, ang tiwala ng mga gurong naniwalang kaya nilang makarating sa UP, at ang pag-asang balang araw ay maiaahon nila ang kanilang buhay sa pamamagitan ng edukasyon. Kaya sa bawat mababang marka, naantalang semestre, o pagkakataong gusto na lamang sumuko, hindi lamang sarili ang pakiramdam nilang binibigo nila.
Kasabay ng pagpasok sa UP ay tila agad ding ipinapasan ang isang reputasyong matagal nang iniuugnay sa pamantasan. Sa oras na marinig ng ibang tao ang salitang ‘UP,’ tila may nakahanda na silang larawan kung sino ka at kung ano ang kaya mong gawin.
Sa unang tingin, tila papuri ang mga salitang ito. Subalit habang tumatagal, nagiging paalala rin ang mga ito kung gaano kabigat ang kailangan panindigan.
Ang pagkakamali ay tila mas mahirap patawarin. Ang pagkapagod ay tila hindi rapat ipakita. Ang pagsuko ay tila hindi kailanman naging opsyon.
Subalit hindi lamang magandang pangalan ang kaakibat ng pagiging Iskolar ng Bayan. Sa labas ng pamantasan, marami ring estudyante ang kailangang harapin ang mga bansag at maling pagtingin sa mga taga-UP.
Hindi na bago ang marinig ang mga biro at paratang na, “Huwag kang mamumundok,” o “Huwag kang magpapa-recruit sa NPA.” Para sa ilan ay biro lamang ito o paalala, ngunit para sa maraming iskolar, simbolo ito kung gaano kadaling husgahan ang isang komunidad batay lamang sa pangalan ng kanilang unibersidad.
Kasabay nito, ipinapakita rin ng mga ganitong pananaw na ang pakikilahok ng mga estudyante sa usaping panlipunan ay dapat patahimikin at busalan.
Sa loob ng pamantasan, maraming estudyante ang nahihikayat na maging mapanuri sa mga isyung kinahaharap ng bansa at gamitin ang kanilang edukasyon upang paglingkuran ang bayan at labanan ang pasista at imperyalistang sistema na gumigipit sa maraming Pilipino.
Ngunit sa kabila ng lahat ng inaasahan at maling pagtingin, unti-unti ring nauunawaan ng bawat iskolar kung bakit sila tinawag na “Iskolar ng Bayan.” Hindi lamang dahil sa edukasyong natanggap nila, kundi dahil sa pananagutang gamitin ang kaalamang iyon para sa kapakanan ng mas nakararami.
Sa loob ng pamantasan, natututunan nilang ang edukasyon ay hindi lamang para sa personal na tagumpay. Ito rin ay panawagang makialam, magtanong, at tumindig sa harap ng mga suliraning kinahaharap ng lipunan.
Marahil iyon ang tunay na bigat ng pagiging iskolar ng bayan. Hindi lamang ang pagpapanatili ng matataas na marka o ang pagtupad sa mga inaasahan ng iba, kundi ang araw-araw na pagpiling maging karapat-dapat sa pangalang dala nila — isang pangalang nagpapaalala na ang kanilang pinag-aralan ay hindi lamang para sa sarili, kundi para sa bayan.
Nang gumaan ang pagpasan
Sa wakas, dumaong na rin ang pagkakataon ng karamihan sa mga iskolar na makarating sa dulo ng paglalakbay. Isa-isang umakyat sa entablado, habang kasabay ng bawat hakbang ay ang palakpak ng mga taong matagal ding naniwala sa kanilang kakayahan.
Sa kanilang mga balikat ay marahang nakapatong ang sablay. Isang piraso ng telang halos walang bigat kung susukatin sa kamay, ngunit may dalang kuwentong hindi kailanman kayang sukatin ng anumang timbangan.
Marahil, iyon ang pinakakakaibang katangian ng sablay. Habang mas magaan itong maramdaman sa araw ng pagtatapos, mas mabigat naman ang lahat ng kinailangang malampasan bago ito maisuot.
Sa bawat pagkakataong marinig ang salitang “taga-UP,” mataas ang pamantayan na kailangan nilang abutin. Inaasahang mahusay. Inaasahang matatag. Inaasahang laging nagtatagumpay.
Subalit bihirang makita ng iba na ang mga Iskolar ng Bayan ay marunong ding matakot. Nagkakamali rin sila, napapagod, naliligaw ng direksiyon, at minsan ay tinatanong din ang sarili kung karapat-dapat ba sila upang dalhin ang pangalan ng unibersidad.
Marahil, iyon ang pinakamabigat na bahagi ng sablay. Hindi ang bigat ng telang nakapatong sa balikat, kundi ang bigat ng mga inaasahang hindi kailanman naitatahi rito.
Ngunit habang iniisip ng marami na ito ang simbolo ng tagumpay, marahil ay kabaligtaran ang totoo. Hindi ang sablay ang nagbibigay ng halaga sa mga nagsusuot nito; ang mga nagsusuot nito ang nagbibigay ng halaga sa sablay.
Kung wala ang mga gabing halos hindi na nila kinaya, isa lamang itong piraso ng tela. Kung wala ang mga kabiguang pinili pa rin nilang lampasan, isa lamang itong tradisyong inuulit taon-taon.
Hindi magaan ang telang bumabalot dito, dahil ang tunay nitong bigat ay matagal nang pinasan ng bawat Iskolar ng Bayan.
Sapagkat hindi lamang ang sablay ang pinakamakabuluhang gantimpala ng pag-aaral sa UP. Ang tunay na tagumpay ay ang mga taong nabuo habang unti-unti nilang binubuhat ang bigat nito — mga taong handang dalhin, hindi lamang ang sariling pangarap, kundi pati ang pananagutang kaakibat ng pagiging Iskolar ng Bayan.