
May mga pangalang hindi kailangang ulitin, sila iyong laging una, laging binabanggit, laging ipinagdiriwang. At may mga tulad ko, na kabisado rin ng lahat, pero bilang kasunod, bilang pahabol, bilang siya, yung pangalawa.
Ako ang palaging isang hakbang sa likod, malapit, halos kapantay, pero hindi kailanman sapat para mauna. Parang hinahabol ko ang isang dulo ng liwanag, na tuwing aabutin ko, kusang lumalayo. Hindi naman ako tumigil, hindi ako nagkulang, pero tila may tadhanang paulit-ulit akong inilalagay sa lugar kung saan sapat ka lang para mapansin, pero hindi para piliin.
Naalala ko pa ang unang beses na tinawag ang pangalan ko bilang ikalawa, malakas ang palakpakan, may ngiti sa labi ko, may medalya sa leeg ko, pero ang puso ko, tahimik na nagtanong, bakit hindi ako. At mula noon, paulit-ulit na lang, iba-ibang entablado, iba-ibang laban, iisa ang resulta, laging may isang mas magaling, laging may isang mas sapat.
Sanay na raw ako, sabi nila, matatag, marunong tumanggap. Hindi nila alam kung ilang beses akong napaupo sa gilid, pinipigilan ang luhang ayaw magpakita, kung ilang beses kong kinuwestyon ang sarili ko kung hanggang dito na lang ba ako.
Masakit pala ang pagiging halos, dahil sa halos, nararamdaman mo kung gaano ka kalapit sa pangarap mo, at kung gaano ka rin kalayo. Hindi ka nabigo nang lubusan, pero hindi ka rin nagtagumpay nang buo, para kang nakaipit sa pagitan ng sapat at kulang, hindi mo alam kung saan ka lulugar.
May mga gabing hindi ako natutulog, hindi dahil sa takot matalo, kundi sa takot na baka kahit anong gawin ko, ganito pa rin ang kalalabasan, na baka may hangganan ang kaya ko, at narating ko na iyon, pero hindi pa rin sapat para maging una.
Unti-unti, may tanong na kumakapit sa dibdib ko, isang tanong na hindi ko matakasan, ano ang saysay ng palaging ikalawang pinakamahusay.
Ano ang halaga ng halos panalo, kung sa dulo, hindi ka rin pipiliin, ano ang saysay ng pagsisikap, kung palagi kang may kasunod na mas higit sayo, hanggang kailan ako mabubuhay sa pagitan ng malapit na at hindi pa rin.
At sa dami ng beses na itinanong ko iyon, unti-unti rin akong napagod.
Napagod akong habulin ang pamantayan ng iba, napagod akong gawing sukatan ang tagumpay ng iba para masukat ang sarili ko, napagod akong maramdamang kulang ako, hindi dahil totoo, kundi dahil may ibang mas nauuna.
Pero isang araw, sa gitna ng pagod na iyon, may sagot na dumating, hindi sigurado, pero totoo.
May saysay pa rin.
Dahil sa bawat beses na ako ang ikalawa, pinili ko pa ring sumubok muli, sa bawat pagkatalong hindi ko pinili, pinili ko pa ring bumangon, sa bawat pagkakataong hindi ako ang tinawag, hindi ko iniwan ang sarili ko.
At marahil, iyon ang saysay.
Hindi ang pagiging pangalawa, kundi ang hindi ko pagsuko kahit paulit-ulit akong hindi naging una.
At oo, masakit pa rin.
May mga araw pa rin na maririnig ko ang palakpak para sa iba, at may kirot pa rin sa dibdib ko, may mga gabing babalik ang tanong na bakit hindi ako, at wala pa rin akong sagot.
Pero ngayon, hindi na ako tuluyang nadudurog.
Dahil alam ko na, ang halaga ko ay hindi nakatali sa kung pang-ilan ako.
Kaya kung sakaling manatili man akong ikalawang pinakamahusay, hindi ko na iyon itatanong kung may saysay ba.
Dadalhin ko ito bilang patunay na naroon ako, lumalaban, sumusubok, hindi nawawala.
At kung hindi man ako ang unang pipiliin ng mundo, pipiliin ko ang sarili ko, araw araw, sa bawat halos, sa bawat sakit, sa bawat pagkakataong gusto ko nang tumigil.
Dahil sa huli, ang tunay na saysay ay hindi nasusukat sa kung sino ang nauna.
Kundi sa kung sino ang – sa kabila ng lahat – hindi tumigil.