Bibbidi-Bobbidi-Views!

#CartoonOnPoint by Joash Barba

Itututok ang camera sa isang maralita. Kukunan ng larawan at bidyo. Iinterbyuhin. Donya sa isang araw. Pobre sa makalawa. Ito ay isa lamang sa mga content na tunay na kinahuhumalingan ng mga Pilipino ngayon.

Isang halimbawa ay ang usap-usapang “Rich vs Poor Life Swap” ni Donnalyn Bartolome na makikita sa Youtube kung saan ang isang pamilyang sanay sa hirap ay makararanas maging donya at donyo ng isang araw at ang vlogger naman ay mararanasan ang malimit at gipit na buhay.

Isa lang ito sa mga daan-daang vlog sa social media na nagpapakita ng poverty porn o ang pananamantala ng isang sitwasyon para sa sariling pakinabang na nakabalot sa huwad na simpatya. Maaaring ito ay isang sulat, litrato, o palabas—mga kwentong ibinebenta. Anuman ang porma nito, hindi ito dapat na maging katanggap-tanggap dahil inilalagay nito sa isang espektakulo ang karanasan ng isang maralita sa halip na tukuyin bilang isang krisis na nangangailangan ng tunay na pagbabago sa sistema.

Kadalasang ginagamitan ng mga melodramatic na tono at anggulo ang pagpapakita sa buhay ng mga dukha—mga eksenang nagbibigay-diin sa kanilang sira-sirang kagamitan, kumakalam na sikmura, at tagpi-tagping pangarap na naupos dulot ng hirap. Pinupunan nito ang naratibong sila ang mga nilalang na walang kakayahang isalba ang sarili. Dito pumapasok ang mga vlogger bilang mga “tagaligtas” na siyang uulanin ng kapurihan at galang, habang ang mga maralita ay walang ibang aanihin kundi awa mula sa mga netizen at perang mauubos din sa loob ng isang linggo.

Mabuti man sa unang tingin, isa itong garapal na pamamaraan ng eksploytasyon kung saan ginagamit ang mapapait na karanasan ng pamilyang Pilipino bilang isang kasuotang maaaring hubarin matapos patayin ang kamera. Hindi natin maipagkakaila na babalik sila sa komportableng buhay nila matapos ang bidyo at magpapakasasa sa limpak-limpak na views at kita. Habang ang mga pobre naman ay babalik muli sa isang kahig, isang tuka, at isang katiting na tirang dignidad.

Kadalasan, natatapos ang mga ganitong klase ng bidyo sa madamdaming mensahe mula sa vlogger kung saan ihahayag niya kung gaano kahirap maging mahirap at ang kahalagahan ng pagiging mabuti sa kapwa. Maaaring sa pagsuot nila sa sapatos ng mga nasa laylayan ng lipunan nakikita ng mga vlogger ang sitwasyong kinalalagyan nila. Ngunit, hindi tulad nila na babalik sa marangyang pamumuhay kinabukasan, ito ang katotohanang kailangan harapin ng mga mahihirap na Pilipino araw-araw.

Ang tunay na bigat ng paghihirap ay hindi lamang nanggagaling sa pisikal na hirap at pagpapasakit mula sa kani-kanilang buhay. Ito ay nararanasan sa araw-araw na pagkabalisa kung ano ang ilalapag nila sa hapag-kainan, kung saan sila kukuha ng pang-araw-araw na gastusin, at kung makakawala pa ba sila sa walang-hanggang siklo na ito. Ito ang mga tanong na hindi matatagpuan sa kokote ng isang vlogger na sinusubukan maging mahirap upang lalong yumaman.

Maaaring walang halong malisya ang mga content na ito. Baka totoong gusto nilang makatulong, magbigay ng inspirasyon, o mag-abot ng grasya sa mga taong walang-wala. Hindi rin naman natin masisisi ang masa kung patuloy silang naaaliw sa mga ganitong istorya. Lalo na kung makikita nila kung gaano kasaya ang isang mahirap na makatanggap ng ₱10,000 na para bang ito na ang sagot sa lahat ng mga problema nila.

Ngunit, dapat natin tandaan na ang kahirapan ay hindi isang simpleng suliraning maaaring malutas sa isang iglap. Ito ay ang realidad ng halos 9.2 milyong pamilya sa Pilipinas.

Ang pagpuna sa ganitong uri ng content ay hindi nangangahulugang mali ang pagpapakita ng kabutihan sa kapwa. Ang tinutukoy rito ay ang kaibahan ng tunay na pagtulong at ang paggamit ng istorya ng mga naghihikahos upang pumatok sa manonood. Kaya naisabatas ang Anti-Mendicancy Law, kung saan ipinagbabawal ang pagbibigay ng limos o pera, ay dahil iniiwasan nito ang pagiging palaasa ng mga dukha sa panandilang solusyon—na siya namang pinapalaganap ng mga poverty porn “stars.”

Hinihikayat ng batas ang mga donasyon at suporta sa mga lokal na programang naglalayong maghatid ng pangmatagalang solusyon tulad ng edukasyon at pangkabuhayan. Kaya marapat na gamitin natin ang mga istoryang ito upang ilantad at tukuyin ang ugat ng kahirapan sa bansa.

Ang tunay na solusyon ay hindi nadadaan sa puting sobreng naglalaman ng sampung libo, kundi ang pagbuo ng mga paraan upang makapagbigay ng mga disenteng trabaho, edukasyon, at reporma sa sistema na magsisilbing pangmatagalang solusyon at hindi lamang panandaliang pantapal.

Ang totoong pagtulong ay hindi rin ipinangangalandakan, lalo na sa social media. Dahil ang bunga nito ay makikita sa bilang ng mga pamilyang umaasenso sa buhay—isang prosesong hindi kayang pagkasyahin sa isang sampung-minutong bidyo.

Ibalik din natin ang awtonomiya ng mga maralita sa kung paano natin sila ipipinta. Dapat silang mabigyan ng malinaw na kaalaman kung sila man ay magiging paksa ng isang content. Ilarawan sila nang may dignidad at respeto, hindi mga kaawa-awang nilalang. 

Marapat na gamitin ang taglay na impluwensiya upang palakasin ang mga boses ng mga nasa laylayan ng lipunan, hindi para pagkakitaan ang kanilang luha, dugo, at pawis. Hindi sila nagsusunog ng kilay para kaawaan, kundi para mabuhay. Ang kahirapan sa Pilipinas ay isang mabigat at makabuluhang isyu. Hindi ito isang teleseryeng nagsisilbing libangan ng madla. Hindi natatapos sa isang bidyo ang problema ng mga pamilyang kumakalam ang sikmura. 

7 Votes: 5 Upvotes, 2 Downvotes (3 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...