
Christia Chloe Amarilla
Idineklara ng pamahalaang panlalawigan ng Camarines Sur ang state of calamity kasunod ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng dengue sa lalawigan, na nagresulta na sa 1,233 kumpirmadong kaso at 18 pagkamatay hanggang Setyembre 24, 2026.
Batay sa datos ng Camarines Sur Health Office, limang magkakasunod na linggo nang lumalagpas sa epidemic threshold ang bilang ng mga kaso ng dengue sa lalawigan mula Agosto 23.
Tumutukoy ang epidemic sa antas ng mga kaso na higit sa inaasahang bilang sa isang lugar at partikular na panahon. Pinakamataas ang naitalang bilang ng dengue cases mula Agosto 30 hanggang Setyembre 5, ayon sa provincial health records.
Pinakamaraming kumpirmadong kaso ng dengue ang naitala sa ilang bayan sa Camarines Sur.
Nanguna ang Bato na may 152 kaso, sinundan ng Nabua na may 123, habang nakapagtala naman ang Pili ng 110 kaso.
Sa mga lugar na may naitalang pagkamatay, pinakamataas ang bilang sa Bato na may limang dengue-related deaths.
Samantala, tig-dalawang pagkamatay ang naitala sa Baao, Presentacion, Libmanan at Pamplona. Tig-isa naman ang naiulat sa Balatan, Nabua, San Fernando, Goa at Iriga City.
Bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng kaso, nagdeklara ang pamahalaang panlalawigan ng state of emergency at inatasan ang Provincial Health Office at Disaster Risk Reduction and Management unit na palakasin ang surveillance, monitoring at assessment sa mga lugar na apektado.
Inatasan din ang mga kinauukulang tanggapan na maghanda para sa posibleng karagdagang pagdami ng mga kaso.
Ito ay nagsisilbing mga hakbang ng pagtugon ng pamahalaan sa patuloy na pagtaas ng dengue cases at sa mga pagkamatay na naitala sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan.
Itinala na ang Camarines Sur ang ikalawang lalawigan sa Bicol na isinailalim sa state of calamity dahil sa pagtaas ng dengue cases.
Nauna rito ang Albay, na nakapagtala naman ng 14 na pagkamatay at higit 1,785 kaso ng dengue.
Samantala, ang Naga City ay isinailalim na rin sa state of calamity mula Setyembre 8.
Patuloy namang mino-monitor ng mga health authorities ang sitwasyon sa Camarines Sur habang pinapalakas ang mga hakbang upang matukoy ang mga lugar na may mataas na bilang ng kaso at mapigilan ang patuloy na pagkalat ng dengue.