
Ivy Jhoy Briol at Mary Kate Francine Entia
Wala mang mga nagpuputukang baril at sundalong nagpapasiklaban, nagmimistulang digmaan pa rin ang simula ng bawat panuruang taon. Dahil ang kalaban ay ang sarili nating sistema…wala tayong magawa kundi sabayan ang mga pagbabagong ibinabato nito.
Sa mga pelikula, laging may kaba bago makipaglaban—iyon yata ang unang araw ng klase para sa aming mga estudyante. Ayon sa Department of Education (DepEd), may mga malalaking reporma gaya ng mas mahabang school calendar, bagong kurikulum, at pagtanggal ng grade transmutation na ipatutupad sa School Year 2026-2027 bilang tugon sa matagal nang learning crisis sa bansa. Layunin nitong tugunan ang mga kakulangan sa lumang sistema ng edukasyon—ngunit hindi namin alam kung tunay nga bang ito ang solusyon sa taon-taon naming laban o dagdag na naman ito sa aming pinapasan.
Magsisilbing Pag-asa o Dagdag Pinsala?
Kabilang sa pagbabago ng implementasyon ng bagong sistema ay ang paglipat sa three-term academic calendar na may 201 school days, na mas mahaba kumpara sa dating 197 days. Mas mabibigyang-pansin ang mga talakayin dahil hinahati ang school year sa tatlong termino na may magkakahiwalay na yugto para sa pagtuturo, assessment, at remediation. Subalit, ibig sabihin din nito ay mas malaki ang mga aralin na sasakupin ng bawat termino—lalong kaming madidiin sa alanganin tuwing panahon ng pagsusulit.
Nitong mga nakaraang taon, hindi na bago sa amin ang sunod-sunod na suspensyon ng klase dahil sa bagyo at iba’t ibang aktibidad sa paaralan, at dito pa lang ay nagagambala na ang aming pagkatututo. Sa halip na tuloy-tuloy ang aming diskusyon ay nauuwi sa minamadaling talakayin ng mga aralin o ‘di kaya’y tumatalon sa panibagong paksa kahit hindi pa nauunawaan ang nauna.
Kaya para sa mag-aaral na tulad kong parte ng pagbabago ng implementasyon, nakababahala na kahit inililipat sa three-term system ang kalendaryo, nananatiling ugat pa rin ito ng problema at hindi solusyon. Hangga’t wala pang malinaw na mekanismo ukol sa kung paano protektahan ang instructional days, mananatiling walang saysay ang bagong implementasyon.
Bagong Laban
Kung dati ay kadalasan kong naririnig sa aming paligid na karaniwan na lamang kaming napapabilang sa listahan ng honors, ngayong bagong pasukan ay mukhang mas magiging matarik ang daang tatahamin bago maabot ito. Isa rin sa mga panibagong hamon para sa aming mga estudyante ang ipinatupad na bagong grading system ng DepEd. Kung noon, ang 60 na score ay katumbas ng 75—ngayon ay kailangan nang makakuha ng 70 hanggang 72.99 na raw score upang maging 75 ang pasadong marka.
Hindi lingid sa aming kaalaman ang layunin ng pagbabagong ito. Ayon sa Second Congressional Commission on Education (Edcom 2), isa sa mga malalaking isyu sa kalidad ng edukasyon ay ang pagpapasa sa mga mag-aaral kahit hindi pa handa sa susunod na baitang. Maging ako man ay saksi sa daloy ng ganitong kalakaran sa ilang taon kong pag-aaral. Subalit para sa amin, hindi nito garantiya na mabibigyang-solusyon ang problema.
Gaya ng aming karanasan, ang hindi tuloy-tuloy na talakayan dahil sa bagyo o aktibidad ay nauuwi sa minadaling pagkatututo. Para sa amin, mas mararamdaman namin ang epekto nito sa bagong grading system, dahil kitang-kita ang kakulangan sa pagkatuto na hindi naman natutugunan sa loob ng klase. Nakadadagdag din ito sa posibleng presyur na nararanasan ng mag-aaral, lalo na’t kailangan nilang magsumikap nang higit pa sa mundong puno ng matataas na ekspektasyon. Nagiging pasanin din ito sa mga guro dahil sila ang madalas na sinisisi sa mataas na failure rate, kahit hindi nila kontrolado ang mga salik tulad ng kakulangan sa oras, suspensyon ng klase, at limitasyon sa remediation. Hindi sapat ang pagbabagong ito kung ang karanasan sa loob ng silid-aralan ay nananatiling hindi pantay.
Wasak na Pundasyon
Hindi rin nakailag ang Senior High School students sa bagong bomba. Kadalasan kong naririnig sa mga nakatatanda sa amin na mabigat ang kanilang pasanin noon dahil sa dami ng kanilang mga asignatura na kailangang kunin sa SHS. Ngayong ang apat na tracks ay ginawang dalawa na lamang, kasabay ng pagbabawas ng core subjects at pagpapalawak ng electives at work immersion, maaaring mabawasan ang academic workload. Ngunit posibleng hindi maimplementa ito nang maayos dahil sa mga problemang mas mabuti sanang nasolusyonan na bago maitaguyod ang bagong kurikulum.
Parang sasabak kasi kami sa giyera nang walang dalang armas dahil sa kakulangan sa mga silid-aralan na umabot na sa 165,443—damang-dama namin iyon lalo na at lagpas kuwarenta kami sa klase, minsan ay wala nang magawa ang iba kundi umupo na lang sa lapag. Kung sa pundasyon pa lang ay palpak na, wala tayong pagbabagong makikita. Hindi dapat maging normal ang aming pagtitiis, ito dapat ang paalala sainyo na kailangan na ng epektibong aksyon.
Hindi ko rin maiwasang manghinayang sa aming kalagayan dahil taon-taon namang nangunguna ang sektor ng edukasyon sa badyet ng Pilipinas. Ngunit taon-taon, lagi rin tayong binobomba ng sandamakmak na problema—mababang iskor sa PISA, kawalan ng learning materials, at iba pa. Mayroon na tayong bala; kailangan na lang natin mapaminabangan at ikasa.
Tunay na Sukatan ng Reporma
Upang hindi maging dehado ang mga estudyante at mga guro, nararapat siguraduhin na ang pagbuo ng mga bagong plano ay maisasabuhay sa aktuwal na karanasan ng mga paaralan. Huwag kayong mag-ilusyon na uunlad ang sistema sa pagbabawas o pagdagdag ng kurikulum; mas mahalaga kung paano ito maisasagawa sa totoong sitwasyon ng mga guro at estudyante sa loob ng silid-aralan.
Hindi natin maipapanalo ang laban kung hindi titiyakin na ang mga reporma sa edukasyon ay sasabayan ng sapat na paghahanda sa mga paaralan at guro, lalo na sa ganap na pagpapatupad. Kinakailangan din ng tuloy-tuloy na gabay mula sa DepEd upang magabayan ang mga bagong guro at mag-aaral sa sistema—upang matiyak na walang maiiwan sa gitna ng pagbabago.
Bawat pagbubukas ng panuruang taon, labanan ng katatagan agad ang inaasahan—imbis na dagdagan, bawasan naman sana ang aming pinapasan. Kung hindi matutuldukan ang siklong ito, habang buhay kaming magdurusa sa sarili naming sistema at ang digmaan—hindi matatapos kailanman.