
Lebron James Lejano
“Sulit ba ang pagiging Journ?”
Isa ‘yan sa tanong na madalas tanungin ng aking mga magulang. Tila isang kontrata raw kasi ito na minsan, hinihigitan pa ang pagiging dyorno lang ng isang tao. Hindi ko akalain na ako mismo ang makakasagot sa tanong na ito.
Sa murang edad na pitong taon, namulat ako sa iba’t ibang mga isyung kinakaharap nating mga Pilipino. Mula sa simpleng buhay naming pamilya na kung saan, dating Jeepney driver ang aking papa at housewife naman ang aking mama. Natuto akong mangarap at tingnan ang aking sarili sa salamin na nakasuot ng isang mahabang itim na kasuotan bilang isang hukom sa loob ng korte o di naman kaya isang lab gown bilang isang siyentipiko. Ngunit, may puwang sa aking puso na nais ko ring marinig ng bawat tao sa radyo na naghahatid ng kuwento ng buhay o balitang dapat malaman ng masa.
Hindi ko sukat akalain na maitutuloy ko sa aking mahal na alma mater ang maliit na puwang na iyon nang hikayatin ako ng aking guro na ipamalas ang aking talento. Sa kinatagalan ng panahong hinubog ako ng pamamahayag, naabot ko ang posisyong “Editor-in-Chief” na alam kong sa una pa lamang ay isang mabigat na responsibilidad. Nasubok ito nang nagbukas ng isang oportunidad ang Explained PH para sa aming pahayagan.
Mga pag-uusap at iba’t ibang preparasyon ang naganap para matuloy ang programang “JournQuest” sa aming sintang paaralan. Nagagalak ang aking puso sa layunin ng programa na mabigyan ng libreng ensayo at workshop ang ilang mga mag-aaral at kapwa mamamahayag mula sa aming lungsod.
Matapos ang ilang linggong lumipas, dumating na ang araw ng JournQuest sa aming paaralan. Mula sa dating taong nakapokus lamang sa aking kategorya ay naging punong abala na rin ako sa iba pang mga gawain. Isa na rito ang paniniguradong natutugunan ng aming paaralan ang mga kinakailangan, pagkuha ng larawan para sa iba’t ibang mga kaganapan, at makipag-coordinate sa mga miyembro ng aking pahayagan katuwang ang aming english publication nang masigurado ang maayos na daloy ng programa.
Dito ko napagtanto na ang pamamahayag ay higit pa sa pagiging dyorno. Hindi lamang ito nagtatapos sa pagsulat, pagkuha ng anggulo, o paghahatid ng balita sa masa. Kasama na rin pala rito ang pagiging isang dyornong marunong mag-aruga, umunawa sa pangangailangan ng komunidad, at paglilingkod ng buong-puso nang walang hinihintay na kapalit.
Aminado akong may mga problemang kinaharap sa mga oras na iyon, tulad ng mga trabaho at alalahanin na sumubok sa aking pasensya at pagiging mahinahon sa pagpapatuloy ng programa, ngunit hindi ito naging hadlang para sa akin nang makita ko ang ngiti at kagustuhan sa mga kapwa ko dyorno na matuto at pumunta sa aming paaralan upang masigasig na makisali sa mga sorpresa at pasabog na dala ng JournQuest.
Sa mga sandaling iyon, dahan-dahang nasagot ang tanong sa aking isipan. Ang pagiging “Journ” ay higit pa sa mga parangal, medalya, o sa titulong nakakabit sa aking pangalan bilang Editor-in-Chief. Higit pa sa mismong propesyon o kasanayan, ito ay tungkol sa pagseserbisyo, pagiging boses ng mga walang boses, at pagbuo ng isang komunidad na handang ipaglaban ang katotohanan.
Baka nga hindi man ako pumasok sa korte bilang isang hukom ngayon, o humawak ng beaker sa loob ng laboratoryo bilang siyentipiko, nakita ko ang sarili kong lumalaban sa ibang paraan—gamit ang panulat, mikropono, at ang pusong handang maglingkod sa masa.
Kung tatanungin ako muli, “Sulit ba ang pagiging Journ?”
Nang walang pag-aalinlangan, buong-puso kong sasabihing: Sobra. Higit pa sa sulit. Dahil sa bawat kuwentong ating isinusulat at ibinabahagi, hindi lang natin ginigising ang kaisipan ng iba—binabago rin natin ang ating sarili para sa mas malaking layunin.