Hindi lang ang mga may “laude” ang nagtagumpay sa bawat pagtatapos 

Paano kung ang pinakamabigat na diploma ay hindi ang may pinakamataas na karangalan?

Paano kung ang pinakamatayog na tagumpay ay hindi nasusukat sa Latin honor, kundi sa dami ng pagkakataong muntik nang isuko ang pangarap ngunit piniling magpatuloy?

Sa humigit-kumulang isang milyong nagsipagtapos sa taong ito, iisang entablado ang kanilang tinatahak, ngunit hindi kailanman naging iisa ang kuwentong umaakyat dito. May diplomang nabuo kasabay ng pagkayod sa trabaho. May natutong mamaluktot sa ilalim ng kumot bago natutong magsuot ng toga. May pangarap na ilang ulit lumihis ng landas bago natagpuan ang nararapat na tahanan. At mayroon ding mga pangalang walang medalya, ngunit matagal nang pinararangalan ng tibay na hindi nakikita ng mga mata.

Pasaning dangal

Hindi lamang mga honor student ang umaakyat sa entablado. Kasabay ng mga pangalang naroon ay ang mga diplomang ilang ulit na naisantabi upang unahin ang paghahanapbuhay, ang mga kursong iniwan upang matagpuan ang mas angkop na direksiyon, at ang mga pangarap na muling sinimulan matapos ang mahabang paghinto. Hindi naging balakid ang pagiging irregular, transferee, o ang pagbagsak sa ilang asignatura; nagsilbi lamang itong panibagong pahina ng paglalakbay.

Kasama rin sa hanay ng mga nagtapos ang mga nagsimula sa kolehiyo nang mas huli kaysa sa karamihan, ang mga unang nakapagtapos sa buong angkan, ang mga nabuhay sa scholarship at takot na mawala ito sa isang mababang marka, at ang mga pumili ng kursong praktikal upang maiahon ang pamilya. Naroon din ang mga sumunod sa sariling hilig, kahit walang katiyakang naghihintay sa dulo. Magkakaiba ang direksiyon, ngunit iisa ang tapang na tahakin ang bawat pag-aalinlangan.

Hindi lahat ng diploma ay nalilimbag sa loob lamang ng silid-aralan. May mga papel na hinubog ng pagtindig sa harap ng kahera, ng amoy ng pawis mula sa pagkayod para sa pera, ng pagod mula sa construction site, tindahan, opisina, sakahan, o gabi-gabing pagkaluklok sa ilaw ng kompyuter para kumita ng kakarampot na sinsilyo. May mga palad na nasanay munang kumita ng pera bago pa makahawak ng diploma, at mga paang mas kabisado ang biyahe papunta sa trabaho kaysa sa daan patungo sa paaralan.

Kasama rin sa pag-akyat sa entablado ang mga breadwinner, ang mga magulang na nag-aaral habang nag-aalaga ng anak, ang mga estudyanteng pasan ang sariling tuition, at ang mga paulit-ulit bumabangon bago sumikat ang bukang-liwayway para hindi mahuli sa klase. Naroon ang mga lumaban sa karamdaman, kapansanan, pagdadalamhati, at mga laban na ikinikimkim na lamang sa sarili na hindi kailanman nasusukat ng anumang grado. Walang medalya para sa bawat gabing halos sumuko ang kaluluwa, ngunit bawat sakripisyo ang siyang tunay na nag-ukit ng halaga ng diploma.

Sariling landas

May mga nagtapos na may Latin honor. Mayroon ding walang anumang medalya ngunit baon ang mga aral na hindi matututuhan sa loob ng apat na sulok ng silid. May mga nakaranas ng online class, brownout, mahinang signal, at mga modyul na binasa sa pagitan ng gawaing-bahay. May mga dumating sa puntong halos isara na ang aklat magpakailanman, subalit piniling buksan itong muli.

Sa iisang litrato ng pagtatapos, hindi na mababanaag kung sino ang nauna, nahuli, lumihis, bumagsak, bumalik, nagtrabaho, nagpalaki ng anak, nawalan ng mahal sa buhay, o tahimik na lumaban sa sariling unos. Ang mananatili ay ang katotohanang bawat diplomang iniaabot ay may kuwentong hindi maaaring ihambing sa iba.

At kung may pinakamataas mang karangalang dapat ipagkaloob, marahil iyon ay para sa bawat gradweyt na piniling magpatuloy, gaano man kabigat ang landas na tinahak bago marating ang entablado.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Previous Post

Next Post

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...