
Isabella Laraga
Ang ukay-ukay ang pundasyon ng istilong Pilipino. Nakaukit na ang segunda-manong mga kasuotan sa ating kultura. Pero sa mata ng batas, ilegal ang ukay-ukay.
Itinuturing ito na pagpupuslit o smuggling sa ilalim ng Republic Act No. 4653. Ipinagbabawal ito upang maprotektahan ang pampublikong kalusugan laban sa mga nakakahawang sakit. Layon din nito na hindi maging tapunan ng mga banyagang kasuotan ang Pilipinas upang mapanatili ang pambansang dignidad nito.
Ilegal man, masasabing parte na ng kultura at pagkakakilanlang Pilipino ang pag u-ukay.
Saan ba muna ‘galing ang ukay-ukay?
Ang ukay-ukay o wagwagan ay unang umusbong sa Lungsod ng Baguio at kalaunan ay naging pambansang sensasyon.
Anim na dekada matapos maisabatas ang RA 4653, ang ukay-ukay ay isa na sa pinakalaganap na paraan ng pagbili ng mga damit at kagamitan. Hindi lamang kasi abot-kaya ang presyo nito, maaari ka ring makahanap ng magaganda at dekalidad na kasuotan.
Sa Anonas mall na tinuturing pinakakilalang bilihan ng ukay-ukay sa Metro Manila, kasingbaba ng ₱10 ang mga presyo rito. Pwede ring sa Baguio Night Market, kung saan ang isang pares ng sapatos ay kasingmura ng ₱100. Kung nasa Cebu ka naman, huwag kakalimutang bumisita sa Carbon Public Market—ang mga kasuotan dito, bumababa ng ₱10–₱20.
Kapag ikukumpara sa bagong-bago na mga kasuotan, mas mura at abot-kaya ang mga galing sa wagwagan. Kung ang mga lokal na produkto naman ang titignan, 30% na mas mahal ang mga ito kaysa sa ukay-ukay. Kaya naman, hindi nakakapagtaka na mas pinipili ang ukay-ukay ng nakararaming mamamayan.
Ang ukay-ukay ay naiiba naman sa fast fashion—ang mabilisang produksyon ng mga mura ngunit hindi masyadong kaaya-ayang mga kasuotan. Madalas nitong sinusunod ang mga sikat o uso na estilo at ginagaya ang kilalang mga negosyo. Malimit ding inaabuso ang mga manggagawang nagtatrabaho para rito. Marami sa kanila ay nasa masasamang kalagayan kagaya ng mataas na temperatura, napapalibutan ng delikadong mga kemikal at mayroong mararahas na mga amo.
Pero sa kabila ng pagiging mura at kahit marami pa dito ang dekalidad, may hangganan pa rin ang industriyang ito.
Kailan hindi naging okay ang ukay?
Noong 2014, milyon-milyon ang nawala sa kita ng pamahalaan dahil sa mga ilegal na mga gawain ng Bureau of Customs (BOC). Sa modus operandi na lumaganap, lima sa mga pinapadala ang kinukuha ng ahensya habang ang natitirang 20 sa 25 ay ipinapadala sa kung sino mang tagatanggap nito pagkatapos makabayad ng tara—balbal para sa perang sinusuhol—o grease money.
Ayon sa Federation of Philippine Industries (FPI) kung saan napapangkat ang mahigit-kumulang 800 na mga kumpanya, noong 2001 hanggang 2011, nawalan ang gobyerno ng P1.33 trilyon na kita dahil sa pagpupuslit sa mga daungan ng bansa. Isang malawakang problema na malaking kawalan sa ekonomiya at pamahalaan.
Higit pa rito, ang ukay-ukay ay halimbawa ng waste imperialism—isang sistema kung saan ang mga mauunlad na bansa ay nagluluwas o nagtatapon ng mga damit at kagamitan sa mga mahihirap at umuunlad pa na mga bansa at mga rehiyon. Ipinapasa nito ang pasanin ng polusyon at panganib sa kalusugan sa mga bansang kulang sa pasilidad at kakayahan na labanan ang mga problema sa kalikasan.
Batay sa Stylist na si Lyn Alumno, pinapababa ng ukay-ukay ang pagtaas ng demand para sa bagong mga kasuotan dahil mas pinipili ng mga tao ang mga pirasong nananatili ang kalidad dumaan man ang panahon. Nakakatulong itong mabawasan ang carbon emissions, ang footprint of discarded textiles, at ang ginagamit na enerhiya sa produksyon ng mga damit.
Sa unang tingin, masasabing basurahan ang Pilipinas. Kagaya kasi ng ibang mga bansa sa Global South, ginagawa tayong tapunan ng mga mayayamang bansa sa Global North. Ngunit kahit na banyagang basura man, hindi maikakailang mas abot-kaya kaysa sa lokal na mga produkto at mas nakakatulong ito sa suliraning pangkalikasan.
Dapat na naman bang pumili ng “lesser evil”?
Basura man kung ituring ng mga banyaga ang pinapadala sa ating kasuotan, napakikinabangan pa rin ito ng maraming Pilipino. Hindi rin lahat ng mga mamamayan ay maalam sa pinagdadaanan ng mga manggagawa sa sistemang fast fashion. Isa pa, kahit na gustuhin man ng marami na bumili sa lokal na mga negosyo, hindi lahat may sapat na pera para rito.
Hindi perpektong etikal ang ukay-ukay. Ganoon din naman ang fast fashion. Kung mga lokal na produkto naman, hindi masyadong abot-kaya ng ordinaryong Pilipino. Pinipili ng karamihang Pilipino ang ukay-ukay o fast fashion dahil iyon lang din ang pagpipilian nila.
Sabi nga nila, ang taong gipit sa patalim kumakapit. Pero para sa karamihan, wala nang mas tatalas pa sa patalim ng kawalan. Kaya kung basura man sa mata ng madla, anong magagawa ng masa?