
Romilen Santander
Nagbigay-paalala ang mga awtoridad sa publiko ukol sa pagbili ng hindi awtorisadong gamot sa pagpapalaglag matapos mahuli ang isang 65-anyos na babaeng nagbebenta umano ng abortion pills sa Quiapo, Maynila.
Ikinasa ang entrapment operation ng Plaza Miranda Police Community Precinct PCP (Sta. Cruz Police Station) sa Evangelista Street corner Carriedo Street nitong Hunyo 23, matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang confidential informant. Isang pulis ang nagpanggap na buntis upang makabili sa suspek.
Nasabat sa operasyon ang limang blister pack o limang banig ng gamot na hinihinalang abortion pills na naglalaman ng tig-10 tableta, at dalawang sachet ng mga tabletang walang label na ibinebenta umano ang bawat blister pack sa halagang ₱3,500.
Base sa pahayag ni Police Major (PMAJ) Fredwin Sernio, PCP Commander, matagal nang nagtitinda ng mga herbal at tradisyunal na gamot ang suspek sa lugar ngunit palihim nitong itinatago ang pagbebenta ng mga ilegal na pill.
Sa kasalukuyan, nakikipag-ugnayan na ang pulisya sa Food and Drug Administration (FDA) upang masuri ang mga nakumpiskang gamot, habang inaalam pa kung sino ang supplier nito.
Itinatanggi naman ng suspek ang mga akusasyon laban sa kaniya at tumanggi na ring magpa-interview.
Pinaalalahanan ni Sernio ang publiko na sa ilalim ng batas ng Pilipinas, nananatiling ilegal ang pagpapalaglag, at ang pagbili ng mga hindi sertipikadong gamot sa mga bangketa ay nagdudulot ng matinding panganib sa kalusugan at buhay ng mga iinom nito.
“Patuloy po nating hinihikayat ang ating publiko na bumili lamang po ng mga gamot na prescribed po ng doktor at sa mga lisensyado at awtorisadong establishmento lamang,” panawagan ni Sernio.
Nahaharap ngayon ang suspek sa mga reklamong paglabag sa Republic Act 10918 (Philippine Pharmacy Law), RA 9711 (FDA Act of 2009), at RA 3720 (Food, Drug, and Cosmetic Act).