
Kailanman hindi mahirap ang pagtatapon ng basura, subalit nakapanliliit isipin kung mismong iyong tahanan ang siyang hayaang gawing tambakan. Ito ang mapait na katotohanang ipinaalingasaw sa dokumentaryong “Ibinasurang Paraiso” ni Kara David sa GMA 7 noong Hulyo 11—kung saan ang 1.5 ektarya ng ancestral forest sa Sitio Tibag, Brgy. Naugsol sa Subic ay unti-unting inilibing sa basura. Subalit, higit pa sa basura ang isyung ito, dahil ang bawat kalat ay saksi sa pagbusal ng mapagsamantalang sistema sa tinig ng mga katutubong pinagkaitan ng kanilang sariling karapatan.
Ayon kay Erlinda Capistrano, isang residenteng Aeta sa dokumentaryo, dati’y malinaw at ligtas na inumin ang tubig na dumadaloy sa kanilang sapa. Tiniyak rin sa kanila na pansamantala lamang ang pagtatambak ng basura—tatakpan ito ng trapal at lalagyan ng bakod upang hindi kumatas at mamaho. Subalit agad na nalusaw ang mga pangakong ito, gayong ang kanilang dating tahanan ay ngayo’y nilamon na ng masangsang na amoy at umaalingasaw na kabulukan—hindi lang ng basura pati na rin ng sistema. Sa bawat pangakong napako, mas lalong nalulunod ang tiwala ng mga katutubo sa isang sistemang dapat sana’y unang nagtatanggol sa kanila.
Sa kabila ng mga batas na naipasa upang pangalagaan ang kalikasan at ipagtanggol ang mga karapatan ng mga katutubo, kagaya ng Republic Act (RA) No. 9003 o ang Ecological Solid Waste Management Act of 2000 at RA 8371 o ang Indigenous Peoples Rights Act (IPRA) of 1997, nananatiling salat ang pagpapatupad ng mga ito. Malinaw na hindi ang kakulangan sa batas ang suliranin, walang saysay ang mga batas kung ang mismong kagubatang dapat ipinagtatanggol ay nagawang hamakin sa harap ng mga ahensyang dapat unang umaaksyon.
Kaya naman sadyang nakaiinsulto na habang ang mga Aeta ang siyang napilitang malagay sa bingit ng panganib at napilitang umalis sa mismo nilang tahanan—harapang binabaluktot ang katotohanan ng mga nakatataas. Sa pagbusisi ng dokyumentaryo sa pangyayari, ayon kay Mary Grace Molina, officer-in-charge ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO), wala silang alam sa komunidad kalapit ng tambakan. Isang pahayag na, sa sobrang kaduda-duda, ay nag-iiwan ng bakas ng katiwalian at pagmamaang-maangan. Dahil tanaw mula sa tambakan ang mga ngayo’y abandonadong kabahayan—mga tahanang iniwan matapos itaboy ng basura ang mga naninirahan dito. Hindi dahil walang konkretong dingding at bubong na yari sa bato ang isang komunidad ay wala na itong karapatang manatili, dahil ang kagubatan ang kanilang tahanan, kabuhayan, at kasaysayan. Ang lupang ninuno ay hindi basurahan ng nabubulok na sistema.
Isang malamig na sampal ng katotohanan sa masa na tuwing may proyektong ibinabandera bilang pag-unlad, ang mga katutubo ang unang isinasantabi at huling pinakikinggan.
Noong 2019, ₱10,000 kada buwang bayad ng Local Government Unit (LGU) sa mga Aeta ang mistulang naging panapal at kapalit ng kanilang katahimikan— hindi dahil pumayag sila, kundi bagkus alam nilang wala silang tunay na pagpipilian. Gayunman, mariing itinanggi ng LGU na nagkaroon ng gayong kasunduan. Di nalalayo sa pangyayaring ito ang lagay ng mga Dumagat-Remontado sa Kaliwa Dam, B’laan group sa Tampakan Copper-Gold Project, at, ngayon, ang ancestral forest ng Subic—magkakaibang tagpo subalit iisang habi ng pang-aabuso. Panggigipit sa mga katutubo hanggang sa sila ang magsakripisyo kapalit ng sariling interes at sa ngalan ng “pag-unlad.”
Marapat lamang na higpitan ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) ang tunay na pagpapatupad ng karapatan ng mga katutubo sa kanilang lupang ninuno, habang walang pag-aatubiling papanagutin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang sinumang lumalabag sa mga batas pangkalikasan. Hindi sapat ang paminsan-minsang inspeksiyon at mga pangakong nakasulat lamang sa papel. Gayon din ang LGU upang managot at muling ibalik sa mga katutubo ang kanilang karapatan sa lupang sinilangan. Ang pananagutan ay dapat makita sa aktuwal na pagpapatigil sa mga iligal na pagtatambak ng basura, rehabilitasyon ng mga nasirang kagubatan, at pagkilala sa boses ng mga komunidad na matagal nang isinasantabi. Sa ganitong paraan, ang siklo ng pananamantala ay tuluyan nang mawakasan.
Gayunman, nananatiling bukas ang mga usapin hinggil sa pananagutan, rehabilitasyon, at hamon patungo sa tunay na pangangalaga at respeto sa mga lupang ninuno.
Ang pag-unlad ay hindi kailangang nagsimula sa pang-aagaw. Tinatayang 85% ng mga pangunahing biodiversity areas ng bansa ay matatagpuan sa mga lupang ninuno—mga lupain at kagubatang matagal nang pinangangalagaan ng mga katutubo bago pa man sila makilala ng estado. Bunga ng kanilang mga palad ang pananatiling buhay ng mga huling gubat ng bansa. Pinatunayan ng paglagak ng Indigenous Peoples and Local Communities Conserved Areas and Territories (ICCAs) na sa pamamagitan ng diyalogo at pagkilala sa karapatan ng mga katutubo, ang isang konseptong minsang wala halos puwang sa sambayanan ay unti-unting naging bahagi ng pambansang pangangalaga sa kalikasan.
Kapag hinayaang tuluyang gawing tambakan ang pamana, kasabay nitong ililbing ang kanlungang malabong magisnan ng kinabukasan.