Kakulangan sa guidance counselors, posibleng salik sa krimen; DepEd, paiigtingin ang guidance services

Explained PHExplained PHNews1 month ago

Photo Courtesy of EDCOM 2/ABS-CBN

Gianne Kahtlein Recilla

Isinulong ng Department of Education (DepEd) ang pagdaragdag ng mga guidance counselor upang tugunan ang kakulangan sa mga paaralan at makatulong sa pagpigil sa sunod-sunod na krimeng kinasasangkutan ng mga menor de edad sa bansa. 

Sa isang panayam nitong Hunyo 25, iginiit ni DepEd Undersecretary Malcolm Garma na mahalaga ang gampanin ng mga guidance counselor sa pagpapalakas ng komunikasyon sa pagitan ng mga mag-aaral.

Ayon kay Garma, makatutulong ang pagdaragdag ng mga guidance counselor upang maibahagi ng mga mag-aaral ang kanilang mga saloobin, damdamin, at pangamba bago pa mauwi sa karahasan o krimen.

“We think that when expression is more open, communication inside schools can minimize or mitigate the violence they may be thinking of doing, but because of counseling, [they] may not push through,” saad ni Garma.

Batay sa ulat ng DepEd, tinatayang 4,069 lamang na guidance counselor ang nagsisilbi sa 27.4 milyong mag-aaral sa antas elementarya at sekondarya.

Umaabot sa isang guidance counselor sa bawat 6,700 mag-aaral ang kasalukuyang bilang, na malayong-malayo sa pandaigdigang pamantayang isang counselor sa bawat 250 mag-aaral.

Kwalipikasyon, hadlang sa pagdami ng guidance counselors

Ayon kay Garma, nahihirapan ang DepEd sa pagkuha ng mga ganap na guidance counselor bunsod ng mahigpit na kwalipikasyon para sa posisyong ito. 

Sa ilalim ng Republic Act No. 9258, o Guidance and Counseling Act of 2004, kinakailangang magkaroon ng lisensya mula sa Professional Regulation Commission (PRC) ang isang guidance counselor  o master’s degree sa guidance and counseling upang hindi na sumailalim sa pagsusulit, bukod sa iba pang mga kwalipikasyon. 

Sa kabila nito, inilahad ni Garma na kukuha ang DepEd ng mga school counselor associate na tutulong sa paggampan ng parehong tungkulin ng mga ganap na guidance counselor.

Nakapaloob sa Republic Act No. 12080, o Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act of 2024, ang pagpapatupad ng posisyong school counselor associate, na kinakailangan lamang ng bachelor’s degree. 

Dagdag pa ni Garma, pinaigting din ng DepEd ang pagsusulong ng mga programang tumutugon sa mga usaping pangkalusugang pangkaisipan ng mga mag-aaral.

Sa kabilang banda, nakapagtala ng tatlong insidente ng krimen sa loob ng mga paaralan sa Tacloban, Leyte, at Cavite noong nakaraang linggo, na ikinabahala ng pamahalaan.

Dahil dito, inanunsyo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magpatupad ang mga ahensya ng mga kinakailangang hakbang upang maiwasan ang mga katulad na kaso.

Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng Philippine National Police (PNP) sa DepEd upang magsagawa ng malawakang pagsusuri sa mga hakbang pangkaligtasan sa loob ng mga paaralan.

5 Votes: 5 Upvotes, 0 Downvotes (5 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...