
Silang naglalakas-loob na makapaglaro sa mumunting kuting ay makakalmot din.
Ngayong Setyembre 21, nagkaroon ng dagundong sa bawat lungsod, distrito, at probinsya. Libong paa ang nagsipagmartsahan para trilyong persong ginantso mula sa kabang ng bayan.
Hindi ito simpleng pagtitipon ng iilang tinig—may mga ama’t ina, estudyante’t guro, lolo’t lola—lahat nagbuhos ng sariling lakas upang dalhin sa lansangan ang boses na matagal nang binabalewala.
Oo, dama nating lahat, tila pinaglalaruan lamang tayo ng pamahalaan. Para tayong mga kuting na ginagapos ng kanilang mga kamay—mahina, walang ngipin, walang lakas para sugatan ang sistemang sila rin ang naghulma.
Sila ang nagtakip sa ating mga mata, pinilit tayong maging bulag sa hustisyang matagal na nilang biningwit at ibinaon sa katahimikan.
Ngunit mali ang kanilang akala.
Sapagkat kahit ang kuting na pinakamaliit ay likas ang pangil at kalmot. At sa oras na madali ang kamay ng naglalaro, doon nila mauunawaan na sadyang may tulis ang mga ito.
At ang kuting na tinutukoy ay hindi yaong pusang kalye na tahimik na nagtatago sa dilim. Sapagkat ang kuting ay anak din ng leon—tila mahina sa simula, ngunit sa oras ng pagtindig, taglay ang pangil na nanggigil.
Sa harap ng mga nag-aangasang tigre, nagmamatay-mataas na agila, gahaman na buwaya, at baboy na walang kabusugan, nararapat lamang ang babala: huwag maliitin ang libong boses na nagkakaisa.
Hindi man sandata ang tangan, ang bayan ay armado ng galit, pag-asa, at tapang. At sa oras na magsama-sama ang tinig na iyon, hindi na ito pagtangis ng kuting kundi dagundong ng mga leon na handang maningil.
Ngayon ding araw, ginugunita ang deklarasyon ng Martial Law noong 1972—isang aninong nagdulot ng pagdurusa, pagkawala, at takot sa maraming Pilipino.
At ang mga sugat na iniwan nito ay hindi kailanman naibalik sa lupa ng mga yumao lamang; hanggang sa kasalukuyang henerasyon, ramdam ang pinsalang iniukit ng kapangyarihang ginamit sa karahasan.
Walang patay ang tunay na mananahimik kung ang mga buhay ngayon ay patuloy na apektado ng iniwang poot at pang-aabuso.
Kung patuloy na magbibingi-bingihan ang pamahalaan, magpapatay-patayan sa panawagan ng bayan, hindi nila namamalayan: ang kanilang pinaglalaruang kuting ay natututo nang kumalmot.
At ang kalmot na ito—pagpapabagsak sa lideristang makasarili, pagkabuo ng mga dambuhalang kilos-protesta, at muling pagkabuhay ng people power—hindi kasing liit ng kuting ang pagkahalimaw at lalim ng mga kuko nito. Kapag dumating ang sandali, nakamamatay rin.
At kapag dumating ang araw ng paniningil, hindi na ito laro—ito ay laban na sa hustisyang matagal na nilang ipinagkait.
At sa sandaling magising ang leon sa loob ng isang kuting, wala nang hayop sa palasyo ang makakaligtas sa kanyang pangil.