
Kirsten Flores
‘Kay hirap talunin ng kalaban kung ikaw mismo ay bahagi ng sistemang nagpapalakas sa kaniya.
Kinalakihan ko ang mistulang pagtigil ng mundo sa tuwing may boxing match si Manny “PacMan” Pacquiao. Tahimik ang kalsada, sarado ang mga tindahan, at ang mag-anak ay nagtitipon-tipon sa sala. Hindi mapakali ang sambayanan; na para bang sabay-sabay nating pinipigilang huminga sa bawat suntok at taimtim na nananalangin sa bawat round.
Si PacMan, walang duda, ay isa sa mga pinakamahusay na boksingero sa kasaysayan ng Pilipinas. Isang tagumpay na isinilang mula sa matinding kahirapan, at ngayon ay itinuturing na sagisag ng dangal at tibay ng Pilipino. Ngunit sa likod ng bawat laban, kabilang ang kamakailang majority draw niya kay Mario Barrios, nananatiling bukas ang tanong: Maituturing bang bayani si PacMan? O isa lamang siya sa napakarami pang naipit sa sinturon ng kapangyarihan?
Dobol istrayk!
Iba ang tama ng “Pambansang Kamao”, totoo iyan. Nakakahalina ang mala- tagapagligtas niyang imahe. Ang underdog mula sa laylayan na nakaakyat sa antas ng mga lingkod-bayan. Simbolo ng pag-asa para sa maka-masang pangangasiwa—kampeon ng boksing, at ng publiko.
Ngunit sa kabilang dako, siya’y representante rin ng kung paanong ang popularidad at personal na karisma ay ginagawang panakip-butas sa puwang ng mga kahinaan sa sistema ng pamamahala. Sa halip na ayusin ang gobyerno, tayo’y sumasandig sa mga kinatawang tila kayang ayusin ang lahat gamit lamang ang pangako, kamao, at kamera.
Ayon sa parasocial relationship theory nina Horton at Wohl (1956), ang sobrang pagkakakilanlan at emosyonal na koneksyon ng publiko sa isang media figure katulad ni Pacman, ay maaaring magdulot ng ilusyon ng tunay na ugnayan. Sa ganitong relasyon, nakararamdam tayo ng attachment kahit walang interaksyon at tuluyang lumilihis sa reyalidad na kinagagalawan.
Ang ganitong uri ng koneksyon ay mas lumalakas sa panahon ng kawalang-katiyakan, ayon sa uncertainty reduction theory ni Berger at Calabrese (1975), kung saan ang tao’y may tendensiyang humawak sa pamilyar na mukha sa gitna ng kaguluhan. Dito lumilitaw ang pagsamba sa bayani, na sa katunayan ay produkto ng ating pagnanais ng kontrol, katiyakan, at kaligtasan—kahit sa ilusyon lamang.
Pinapalakas nito ang hero worship, isang anyo ng idolohiyang lumilitaw lalo na sa panahon ng krisis, kung saan ang mamamayan ay mas pinipiling umasa sa superhero kaysa sa mahaba at komplikadong proseso ng reporma.
Ang ganitong pananaw ay salamin ng isang lipunang hindi lamang napagod, kundi naging manhid sa paulit-ulit na kabiguan ng sistemang pampulitika. Kaya sa halip na ipagpatuloy ang pakikibaka, sumusubasob na lamang ang mamamayan sa personalang pithaya. Sa halip na maging aktibo at mapanuring tagapagtaguyod ng demokrasya, naging tahimik tayong manonood na umaasa sa biglaang pagdating ng isang “bayani”.
Ngunit sa bawat suntok na ating pinupuri, nalilimutan nating mas marami ang hindi niya napatama: ang mga batas na walang saysay, ang mga isyung hindi niya kinatawan, at ang mga pananagutan bilang mambabatas na hindi niya lubos na gampanan.
Lakad artista (literal)
Sa pananaw ng agham pampulitika, si dating Senador Pacquiao nagbubunyag ng tinatawag na celebrity populism. Isang anyo ng politika kung saan ang kasikatan ang pangunahing puhunan, kalimitang inuuna kaysa sa malinaw at makatarungang plataporma. Makikita ito sa datos ng Senate attendance records na nagpapakitang madalas siyang lumiban sa mga deliberasyon, na nagpapatingkad sa kaniyang kakulangan sa aktwal na gampanin bilang mambabatas.
Marami ring pumuna sa kalidad ng kaniyang mga panukala: mula sa pagsuporta sa death penalty hanggang sa kontrobersyal at walang solidong batayang mga pahayag laban sa komunidad ng LGBTQIA++, na kadalasa’y hindi nakaugat sa malalim na pananaliksik at makabuluhang konsultasyon.
Masasalamin dito ang pag-iral ng konserbatibong ideolohiya na pinatitibay ng alyansa ng mga elite at makapangyarihang relihiyosong sektor. Lalong makikita ang ugnayang ito sa imahen ng kaniyang asawang si Jinkee Pacquiao na naging simbolo ng conspicuous consumption at social exclusion. Sa gitna ng pandemya, hayagang nakita sa social media ang kaniyang pag-OOTD ng mga luxury brand habang milyon-milyon ang nagugutom at nagdurusa. New bag? Check! Out-of-touch? Ugh, RA 6713 section 4(h) says so check!
At sino ang makakalimot kay Mommy D, nakaluhod sa gilid ng ring, may hawak na rosaryo’t tila nakikipag-karate sa hangin? Siya ang imahe ng bansang taos-pusong nananalig, ngunit madalas ay nananatiling nakaluhod sa halip na tumindig at kumilos. 10,208,499 boto—isang pananampalatayang inilalaan hindi sa prinsipyo, kundi sa kasikatan. Tila mas madali sa atin ang umasa sa milagro kaysa sa mabusising reporma.
Paynal rawnd
Hindi sapat ang pananabik sa bawat suntok, o pagtitili sa bawat panalo. Sa larangan ng pulitika, ang hindi pagkilos ay pagkatalo. Panahon na upang itaas ang antas ng ating kamalayan at baguhin ang anyo ng ating pagsuporta—mula sa pagkahumaling sa personalidad, tungo sa pagkiling sa prinsipyo.
Ang hamon sa atin ngayon ay ito: Huwag lang tayong tumitig sa ring. Lumabas tayo. Tayo’y magtanong, maging mapanuri, gamitin ang boses, at higit sa lahat, kumilos. Tanungin natin ang mga lider: Ano ang plataporma maihahandog mo, ang serbisyo sa likod ng ideyal na inspirasyon? Konkreto ba ang plano para sa masa, at hindi lamang salindila ng mga karanasan ng kahirapan?
Bagong kampeon
Ani ni Max Weber, ang karismatikong liderato ay maaaring magpasiklab ng kilusan, ngunit ang tunay na pagbabago ay nakasalalay sa paglalapat nito sa matatag, makatuwiran, at makatarungang mga institusyon.
Sa halip na maghintay ng susunod na Pacquiao, dapat tayong magpalago ng sistemang hindi nakatali sa isang kamao. Hindi natin kailangang maging boksingero para makipaglaban. Ang laban ay nasa mga paaralan, sa barangay halls, sa social media, at sa ating mga lansangan.
Tumindig tayo bilang mga mamamayang mulat, organisado, at hindi na muling mapapaluhod ng kalabisan ng institusyonal na kapabayaan.
Ang tagumpay ni Pacquiao sa ring ay hindi matatawaran. Ngunit ang ring ng politika ay hindi labanan ng indibidwal na galing, kundi ng kolektibong kakayahang humubog ng sistemang makatarungan. At sa dami ng knockout na kanyang natamo para sa bansa, tila tayo naman ang tuluyan nang bumagsak sa pagsamba sa mga pangalan sa halip na sa prinsipyo.
Ang tunay na K-O ay ang kapag tayo mismo, sabay-sabay, ang humampas sa sistemang matagal nang nananakal sa atin.