Juliana Isabella Landagan
Madalas na nakikita sa dagat ang mga lumulutang na uri ng plastik at iba pang basurang sumisira dito; hindi namamalayan, unti-unti itong nagiging pandaigdigang basurahan. Gayunpaman, may makabagong pananaliksik ang may potensyal na makabawas sa pinsalang dulot nito.
Natuklasan ng mga siyentipiko mula sa Royal Netherlands Institute for Sea Research (NIOZ) ang kakayahan ng marine fungus o halamang-singaw sa dagat (Parengyodontium album) sa pagbawas ng kalat sa karagatan—degradation o proseso ng pagbawas ng mga plastic particles.
Batay sa ulat ng United Nations Environment Programme (UNEP), humigit kumulang 19 hanggang 20 milyon tonnes na basura ang nasa akwatikong ekosistema—katulad ito sa bigat ng 19 na trak.
“Large amounts of plastics end up in subtropical gyres, ring-shaped currents in oceans in which seawater is almost stationary. That means once the plastic has been carried there, it gets trapped there.”
Ayon kay Annika Vaksmaa, mananaliksik ng pag-aaral, karamihan ng plastik ay napupunta sa mga subtropikal na gyre—malaking bahagi ng anyong tubig na matatagpuan sa mga subtropikal na rehiyon. Kapag nadala ng agos ang plastik sa rehiyon na ito ay mahirap na itong bigyang-solusyon.
Dahil dito, mayroong mga prosesong namataan ang mga siyentipiko hinggil sa halamang-singaw ng dagat.
Pira-pirasong proseso
Ginagamit ang plastik sa karaniwang pambalot, materyales, at lalagyan. Madalas na gawa ito sa materyales na plastic polyethylene (PE).
Ang PE ay isang polymer na kapaki-pakinabang sa karaniwang pambalot—mga kemikal na binuo mula sa isang serye ng monomer. Nangunguna ito sa produkto ng plastik, at ilan sa mga halimbawa nito ang mga plastic bags, bote, lalagyan, tubo, at iba pang mga pang-araw-araw na kagamitan.
Isa sa naging pag-aaral sa pananaliksik ang pagsukat ng proseso ng pagbawas, kakayahan ng halamang-singaw sa pira-pirasong pagbabawas ng PE.
Nataya ni Vaksmaa, kasama ang iba pang mananaliksik, ang kakayahang bawasan ng halamang-singaw ang PE sa bilang na 0.05% sa isang araw. Maliit na sukat ngunit malaking pagbabago.
Ayon kay Vaksmaa, karamihan sa PE na ginagamit ng P. album ay napalitan bilang carbon dioxide (CO2); pagkatapos ay ilalabas ng halamang-singaw ang CO2 pabalik sa kapaligiran.
Hindi ito nakapipinsala sa kapaligiran sapagkat pareho ang halagang inilalabas ng halamang-singaw sa mababang halaga nang paghinga ng isang indibidwal.
Namataan ng mga mananaliksik ang potensyal hindi lamang sa pagbawas sa polusyon ng plastik sa dagat, kundi ang maaaring maging epekto ng proseso sa kalikasan at kapaligiran.
Araw para sa halamang-singaw
Upang maging mabisa ang proseso ng pagbawas, mahalaga ang liwanag ng araw sa halamang-singaw, sapagkat mas epektibo ito kapag nakatapat sa liwanag o nakalantad sa ultraviolet (UV) light.
Ang liwanag ng UV radiation mula sa araw ay nakatutulong sa pagkasira ng plastik sa pamamagitan ng kemikal na pagbabago sa pag-induce ng liwanag na tinatawag na photodegradation. Ngunit hindi lahat ng plastik ay maaaring tamaan ng UV light.
Karamihan sa mga plastik ay matatagpuan sa pinakailalim ng karagatan, hindi na madaling masilayan sa sikat ng araw. Kung kaya’t patuloy pa rin ang pagsisiyasat at pagtuklas ng mga makabagong pananaliksik upang mas mabigyang-daan ang proseso hinggil sa mga iba’t ibang organismo at halamang-singaw.
Sa kabila nito, mayroong iba pang mabisang solusyon upang maiwasan ang polusyon sa karagatan.
Ayon sa World Health Organization (WHO), itinataguyod ang karamihan na iwasan ang pagtapon ng mga basura hindi lamang sa karagatan, kundi sa kapaligiran upang maka-iwas at mabawasan ang panganib hinggil sa polusyon.
Itapon ang mga basura sa tamang basurahan at obserbahan ang kalinisan ng paligid. Iwasan din ang karaniwang paggamit ng plastik upang mabawasan ang labis na pagkonsumo na maaaring humantong sa pagtaas ng polusyon.
Mahalaga ang naging potensyal ng halamang-singaw sa karagatan bilang paraan sa pagbawas pira-pirasong plastik at iba pang basura at kalat. Walang tigil ang pagtuklas ng mga makabagong pag-aaral.
Ang simpleng kakayahan ng halamang-singaw ay patunay na kahit maliliit na hakbang ay may malaking ambag sa pagsasaayos ng kalikasan.