Kung galing sa kalawakan ang saksi, masisilip na ba ang mga anomalya sa flood control?

Hanggang ngayon ay matunog pa rin ang usapin sa umano’y anomalya sa mga flood control project. Sa ganitong pagkakataon na ang mga sagot ay mahirap hanapin sa lupa, baka nakamasid lamang sa kalawakan ang makatutulong upang masilip ang katotohanan. 

Sa 9th Philippine Space Council (PSC) meeting noong Hunyo 2 ay iniulat ng Philippine Space Agency (PhilSA) ang paggamit ng satellite imagery bilang suporta sa imbestigasyon ng Office of the Ombudsman sa mga flood control project.

Ang tulong na ito mula sa PhilSA ay sinasabing makapagpapatatag ng pagiging bukas, pananagutan, at serbisyong pampubliko ng mga awtoridad hinggil sa mga proyekto ng pamahalaan sa pamamagitan ng paggamit ng makabagong teknolohiya sa kalawakan.

Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, ngayong taon ay nasa 209 na mga reklamo kaugnay ng flood control project ang kasalukuyang sumasailalim sa fact-finding investigation habang apat na kaso naman dito ay naisampa na sa korte. 

Kung daan-daang reklamo ang sinusuri, maaaring makatulong ang patuloy na umuunlad na teknolohiyang pangkalawakan sa pagkalap ng karagdagang datos at pagbusisi sa mga proyektong iniimbestigahan. 

Sa pamamagitan ng mga datos na nakalap ng satellites sa kalawakan, mabibigyan ng mas malawak na akses ang mga ahensiya ng gobyerno patungkol sa tunay na nangyayari sa kanilang mga proyekto. 

Ang mga datos na ito ay maaaring magbigay ng epektibong pagsusuri sa mga proyekto sa imprastraktura, bantayan ang mga pag-unlad sa kalupaan, suportahan ang pagsasagawa ng desisyon na nakabatay sa nakuhang tunay na ebidensya, at mabawasan ang pagdodoble ng paggamit ng pondo at kagamitan.

Sa isang PhilSA publication na pinamagatang Our Place in Space, inihalintulad ng ahensiya ang mga satellite sa mga kompyuter na inilagay sa kalawakan dahil mula sa mataas at estratehikong lokasyon ng mga ito ay nakalilikom sila ng impormasyon tungkol sa likas at gawang-taong kapaligiran na maaari namang gamitin sa pagbuo ng mas angkop na mga desisyon.

Gamit ang pananaw na ito mula sa itaas, maaaring makakuha ng mas malawak na larawan ng mga lugar na sakop ng mga proyekto sa imprastraktura. Dahil dito, maaari itong magsilbing karagdagang batayan sa pagsusuri ng mga pagbabagong nagaganap sa isang lugar.

Bagama’t nagpapakita ng malaking potensiyal ang teknolohiyang ito, hindi pa rin sapat ang satellite monitoring at geospatial analytics lamang upang matukoy ang mga iregularidad sa mga flood control project.

Higit pa sa papel ng PhilSA bilang teknikal na katuwang sa pagharap sa pambansang problemang ito, kailangan pa rin ang sama-samang pananagutan at pagsisikap ng iba’t ibang ahensiya, tagapagpatupad ng batas, at mga tagaplano ng imprastraktura.

Gayunpaman, kung titingnan ang inisyatibang ito sa mas malawak na perspektibo, makikita na ang kalawakan ay hindi na lamang lugar ng pananaliksik at pagtuklas. Sa halip, nagiging dagdag na mata ito ng bansa sa pagsugpo sa mga hamong kinakaharap mismo sa lupa.

Sa pagpupulong ng PSC ay inaprubahan ang pagsasagawa ng Multispectral Unit for Land Assessment (MULA) constellation upang mapalawak pa ang kakayahan sa pagkuha at paggamit ng satellite data para sa iba’t ibang pangangailangan ng bansa. 

Ang mga makukuhang datos naman galing sa MULA ay magbibigay-suporta sa agrikultura, pagsusubaybay sa karagatan, paghahanda at pagtugon sa posibleng kalamidad, at pangkalahatang seguridad ng bansa.

Bukod sa pagpapaunlad ng mga satellite, tinalakay rin ng PSC ang kahalagahan ng mas organisadong paggamit ng mga datos mula sa kalawakan upang maging gabay ng mga ahensiya ng pamahalaan sa pagbuo, pagsubaybay, at pagsusuri ng mga programa at proyekto.

Habang patuloy na pinalalago sa bansa ang teknolohiyang pangkalawakan, ipinapakita nito na ang mga satellite ay hindi lamang nakatingin sa malawak na kalangitan, kundi nagsisilbi ring karagdagang mata sa mga pangyayaring nagaganap sa ibabaw ng lupa.

Bagama’t hindi lamang ang mga satellite ang makapagbibigay ng buong sagot sa mga kontrobersyal na flood control project, ang bawat datos na nagmumula sa kalawakan ay maaari pa ring maging saksi sa matagal nang paghahangad ng katotohanan.

2 Votes: 2 Upvotes, 0 Downvotes (2 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...