
Sa naging pagtitipon ng mga batang manlalaro sa ika-66 na Palarong Pambansa sa Agusan del Sur, nasaksihan ng buong Pilipinas ang angkin nilang galing sa kani-kanilang larangan. Bawat medalya ay testamento ng kanilang walang humpay na pagsasanay–dugo at pawis kapalit ng tagumpay. Ngunit higit sa paligsahan, isang laban pa ang kailangan nilang paghandaan. Isang laban na kanilang haharapin oras na pasukin nila ang mundo ng palakasan sa bansa, kung saan ang kanilang katunggali ay ang mismong sistemang sa kanila ay puwedeng gumapi.
Isa sa mga layunin ng Palarong Pambansa ay upang mas madaling makapamili ng mga batang manlalarong may potensyal upang maging kinatawan ng Pilipinas sa mga internasyonal na patimpalak. Malaking bagay ito lalo na’t karamihan sa mga lumalahok ay nangangarap maging pambansang atleta. Isa ring magandang midyum ang Palarong Pambansa upang ipakilala sa buong bansa ang ilang larangan ng palakasang hindi masyadong sikat at bigyan ng plataporma ang mga manlalarong bihasa rito.
Isa sa mga pinakabagong dagdag sa listahan ng mga palakasan sa Palarong Pambansa ay ang weightlifting, kung saan dalubhasa ang unang Olympic gold medalist na si Hidilyn Diaz. Isang hakbang ito upang makapangalap ng suporta sa weightlifting bilang isang palakasan at matugunan ang mga kakulangan sa kagamitan para dito. Pagkakataon din ito upang makalikha ng ilan pang kabataang susunod sa yapak ni Diaz.
Nakakasabik mang pakinggan para sa kabataang may mataas na pangarap, nakalulungkot sabihin na ang katotohanan ay masalimuot. Bagaman, nakikilala na ang ilan sa mga hindi sikat na palakasan tulad ng gymnastics, weightlifting, o tennis, hamon pa rin ang kakapusan ng gamit para dito. Marami pa ring mga kabataan ang nagtitiis sa gym na walang laman, barbel na gawa sa latang pinuno ng semento, o sa sira-sirang tennis court.
Isa sa mga pinakaugat nito ay ang kakulangan sa suporta ng gobyerno partikular na sa pinansyal na aspeto. Noong 2024 at 2025, hindi umaangat sa ₱1.2 milyon ang nakalaan para sa Philippine Sports Commission na nangangasiwa sa kalagayan ng palakasan sa bansa. Nitong 2026 lang sila nakakuha ng mahigit ₱2 bilyong budget. Dahil sa mga ganitong hamon, ipinapasa sa mga pribadong sektor ang pasanin upang sumuporta ng mga nakikitaan ng potensiyal.
Ang kaso, mas pinapaboran ng mga pribadong sektor na ito ang mas sikat na palakasan, tulad ng basketball o volleyball, dahil doon malaki ang pasok ng pera. Kahit na biyolohiya na mismo nating mga Pilipino ang pumipigil sa atin na manalo sa larangan ng basketball laban sa mga banyagang pangkat, ito pa rin ang pinakapopular sa ating mga Pilipino. Dahil dito, mas lalong napag-iiwanan ang iba pang hindi sikat na palakasan. Walang oportunidad sa mga kabataang hindi piniling magpakadalubhasa sa basketball o volleyball.
Limitado lang din ang magagawa ng mga pribadong kumpanya, kaya malaki ang gampanin ng pamahalaan na maglaan ng sapat na suporta hindi lang sa tuwing may ginaganap na Palarong Pambansa. Marami ang mga kabataang nangangarap ding maging tulad ni Alex Eala na lumilibot sa iba’t ibang sulok ng mundo upang makipagpaligsahan. Pero, karamihan sa kanila ay hindi naman katulad ni Alex Eala na 8 taong gulang pa lang ay may sponsorship na mula sa Globe kung saan dating Chief Financial Officer ang kaniyang nanay. Ang mga kabataang ito ay kailangang patunayan ang kanilang sarili laban sa daan-daan nilang mga katunggali sa pag-asang makarating sa Palarong Pambansa at mabigyan ng pagkilala.
Iba pang usapin ang butas ng karayom na kanilang lulusutan upang mabitbit ang pangalan ng Pilipinas sa mga prestihiyosong paligsahan tulad ng Olympic at SEA Games. Malamang, marami sa mga naging kalahok ng Palarong Pambansa ay daraanan ang landas na tinahak ni Diaz na kailangan pang magmakaawa sa social media upang makalikom ng pinansiyal na suporta. Malamang, marami sa kanila ay makakaranas din ng problema sa pamilya tulad ni Carlos Yulo habang pinipilit na magsanay para sa patimpalak.
Ang pinakamalaking kalaban ng mga kabataang ito sa kanilang pagtahak sa mundo ng palakasan ay hindi kung sino ang grandmaster sa larangang pinili nila. Iyon ay ang mismong sistemang pumipigil sa kanilang makakuha ng mga oportunidad at makamit ang mga pangarap nila bilang mga atleta. Magiging masakit para sa kanilang isipin na ang lahat ng kanilang paghihirap ay mababalewala dahil binigo sila ng pamahalaan ng bansang minsan nilang inasam na bigyang-karangalan sa buong mundo. Magiging masaklap ito dahil alam nating lahat kung gaano katayog ang mangarap ng isang batang namulat sa bagay na nais niyang gawin.
Kaya hiling natin sa pamahalaan na huwag biguin ang mga batang ito. Kung naging inspirasyon ng mga lumalahok sa Palarong Pambansa ang mga atletang nagbigay karangalan sa Pilipinas. Maging inspirasyon sana ng pamahalaan ang matayog nilang hangaring iwagayway ang bandera ng bansa sa pandaigdigang patimpalak. Dahil sila, hindi sila magpapatinag kahit ilang beses silang matalo, kahit paulit-ulit silang madapa. Huwag sana silang bigyan ng isang labang hindi nila maipapanalo at kanila na lamang susukuan.