
Kung ang bawat lungsod ay may sentro kung saan nagkakasalubong ang mga tao at kuwento, mayroon ding ganitong espasyo ang bawat pamantasan. Sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) sa Santa Mesa, Maynila, ang sentrong ito ay ang Lagoon — isang lugar na matagal nang nagsisilbing tagpuan ng mga estudyante at kawani, tahanan ng samu’t saring istoryang nabubuo sa araw-araw.
Habang papalapit ang panibagong taong panuruan, panibagong henerasyon na naman ng mga Iskolar ng Bayan ang matututong tuklasin kung saan matatagpuan ang pinakamurang tanghalian, pinakasulit na pagkain, at pinakamasarap na palamig at iba pang inuming pasok sa kanilang badyet.
Ngunit higit pa sa pagiging lugar-kainan ng pamantasan, ang Lagoon ay tahanan ng maliliit na negosyong matagal nang nagbibigay-kabuhayan sa mga manininda at naging mahalagang bahagi ng kultura at karanasan ng pagiging isang PUPian.
Pantawid-gutom Guide: Mga food stalls sa Lagoon na hindi dapat palampasin
Kung may iisang pangalan na paulit-ulit na lumabas sa rekomendasyon ng mga estudyante, iyon ay ang David’s Wings na matatagpuan sa Stall 24.
Sa halagang 65 pesos, maaari nang makabili ng boneless chicken na may iba’t ibang flavor options gaya ng teriyaki. Kung hanap mo ay pagkaing may mas malaking serving, mayroon din silang burger na nasa 70 pesos lamang — isang pagkain na, ayon sa mga estudyante, ay sulit sa presyo dahil sa laki ng serving nito. Bukod sa lasa, paborito rin ito dahil may kalayaan ang mga mamimili na pumili kung boneless o regular na chicken ang nais nila.
Kapag inumin naman ang usapan, ang karaniwang rekomendasyon ay ang Stall 14.
Kilala ito sa malawak nitong pagpipilian ng drinks — mula sa lychee, mango tapioca, mango graham, matcha, hanggang Milo Cream-O at iba pang flavored beverages na naglalaro sa 20 hanggang 40 pesos.
Mayroon din silang refill station para sa malamig na tubig sa halagang five pesos na malaking tulong na lalo na tuwing matinding init sa campus. Dagdag pa rito, ikinukuwento ng ilang estudyante na may mga pagkakataong namimigay pa ang stall ng libreng inumin sa hapon upang maiwasan ang food waste.
Para naman sa mga naghahanap ng murang kape, isa sa mga madalas na balik-balikan ng mga estudyante ang Kape Kuripot sa Stall 8.
Sa halagang P38 hanggang P48, binabalik-balikan ng mga suki ang de-kalidad nilang kape, lalo na ang Sea Salt Caramel at Matcha Latte.
Bukod sa kanilang puwesto sa loob ng PUP, mayroon na rin silang mga branches sa Adamson Walkway at Dapitan sa University of Santo Tomas (UST), patunay na patuloy na lumalawak ang kanilang munting negosyo habang nananatiling paborito ng mga estudyante.
Kung may isang pagkain na kadikit ng PUP, iyon na siguro ang Footlong with Egg Wrapped Around o mas kilala bilang FEWA.
Mula sa napakaraming must-try food stalls sa loob ng Lagoon, ito ang pagkain na sinubok na ng panahon dahil sa rami ng mga Iskolar ng Bayan na nakatikim na nito. Ang FEWA ay pagkaing nagsimula sa Stall #18 ni Ate Virgin.
Tuwing may bagong batch ng PUPians, ito ang kadalasang unang tinitikman sapagkat bahagi na ito ng kultura na patuloy pang tinatangkilik dahil sa sama-samang danas bilang mga iskolar.
Kung ang hanap mo ay one-stop shop ng mainit at masarap na lutong-bahay at meryenda, huwag nang lumayo pa sa Trina’s Store sa Stall 3!
Siguradong swak sa cravings mo ang kanilang mga ulam — malinamnam na pork steak,giniling, inihaw na liempo, chicken fillet, at marami pang iba! Nagtitinda rin sila ng mga paborito mong pika-pika tulad ng kwek-kwek, french fries, at dynamite.
Lahat ng kanilang paninda ay garantisadong abot-kaya at magaan sa bulsa ng mga nagtitipid na mag-aaral.
Mahilig ka ba sa fried rice, pasta, at iba’t ibang toppings? Sagot ka ng Pepper’s sa Stall 6!
Unti-unting sumisikat at dinudumog ang stall na ito dahil sa pag-viral nito mula sa rekomendasyon ng mga estudyanteng food vloggers tulad nina Em Sevilla at Edison Sorio.
Ang kanilang sikreto? Ang paboritong Chicken Cajun Fried Rice Mix at Chicken Cajun Alfredo Pasta. Nagkakahalaga ng 55 hanggang 80 pesos ang kanilang Fried Rice Mix, samantalang 55 hanggang 60 pesos naman ang kanilang Pasta.
Sulit, mura, at siguradong mabubusog ka!
Tuwing papalapit na ang lunch break, asahan mong mahaba na ang pila sa Stall #25. Mula sa mga inumin hanggang sa mga nakakabusog na pagkain, kumpleto ang stall na ito.
Pagdating sa mga inumin, palaging blockbuster ang Milo Cream-O. Marami pa silang ibang flavor na paninda na mura at pasok pa sa panlasa, kaya talagang binabalik-balikan sila. Naglalagay din sila ng pearl at kung minsan ay cream cheese na nagdadagdag pa sa sarap at pumapawi sa pagod ng mga isko’t iska.
Kung sulit lang din naman ang pag-uusapan, patok din ang mga rice meal na inaalok nila. Nandiyan ang pork chop at boneless chicken nila na hindi tinipid sa laki at maraming flavor ang maaaring pagpilian. Mayroon ding sisig, cordon bleu, at marami pang iba. Bukod sa malaking serving, binabalik-balikan sila dahil mura ang mga ito at palaging bagong luto ang ibinebenta.
Kung usapang sulit at laki, hindi rin mawawala ang Biggie Burger sa Stall #16. Inirekomenda ito ng isa sa mga iskolar mula sa Batsilyer ng Sining sa Pilosopiya na si Samantha. Aniya, sulit ang Biggie Burger dahil bukod sa malaki na, mura pa.
Sa halagang 75 pesos, makakakain ka na ng dalawang malalaking burger na hindi tinipid sa laki at may kasama pang gulay. Kaya para sa mga isko na hindi trip kumain ng kanin, Stall #16 ang kanilang pinupuntahan.
Ang PUP Lagoon bilang isang komunidad
Ayon sa mga estudyante, bagama’t may pananaw ang ilan na tumataas na rin ang presyo sa Lagoon kasabay ng inflation, nananatili pa rin itong mas abot-kaya kumpara sa mga commercial fast food chains sa paligid ng unibersidad. Higit sa lahat, ang pagkaing inihahain dito ay maihahalintulad sa sarap at pakiramdam ng paglasap sa mga lutong-bahay — isang bagay na hindi madaling matagpuan sa mga malalaking establisimyento.
Dagdag pa ni Jeserie Joy Ilao, isang iska mula sa Batsilyer ng Sining sa Pamamahayag, ang pagtangkilik sa mga lokal na food stall sa loob ng Lagoon ay isang paraan ng pagsuporta sa mga maliliit na negosyo. “Maaaring makatulong nang direkta ang pagtangkilik sa kanilang negosyo sa kanilang pamumuhay, at may tsansa pang makabuo ng pagkakaibigan [o pagiging suki] sa nagtitinda o may-ari ng negosyo dahil sa direktang pakikisalamuha sa kanila,” aniya.
Higit pa sa pagiging tindahan, ang mga taong bumubuo sa Lagoon ay kabahagi na ng mga pagsubok na danas ng mga PUPian.
Kapag naging negosyo ang pamantasan, sino ang mapalad at kaawa-awang matatanggalan ng pwesto?
Muling nabuhay ngayong taon ang usapin tungkol sa National Polytechnic University (NPU) Bill sa paghahain ng House Bills Nos. 6266 at 6870, matapos hindi umusad ang naunang panukala noong 2025. Nilalayon ng panukala na gawing National Polytechnic University ang PUP at pagkalooban ito ng mas malawak na institusyonal at piskal na awtonomiya upang magkaroon ng higit na kakayahang lumikha ng sariling pondo.
Kasama sa mga probisyon ng panukalang batas ang pagbibigay ng kapangyarihan sa pamantasan na makipagkasundo at makipagtulungan sa mga pribadong korporasyon at iba pang entidad. Para sa ilan, isa itong hakbang tungo sa modernisasyon. Gayunman, para sa mga tumututol sa panukala, kaakibat nito ang pangamba na lalo nitong mabubuksan ang pinto sa komersiyalisasyon ng pamantasan.
Kapag pinayagan ang mas malawak na pagpasok ng pribadong negosyo sa loob ng pamantasan, maaaring mapunta sa hindi patas na kompetisyon ang mga matagal nang maliliit na food stalls sa Lagoon. Sa isang banda ay ang mga lokal na nagtitiindang umaasa sa araw-araw na kita; sa kabilang banda ay ang mga pribadong kumpanyang may mas malaking kapital, mas aktibong pagmemerkado o active marketing (ito ay isang estratehiya sa pagnenegosyo na gumagamit ng direkta at tuloy-tuloy na promosyon upang maabot ang mas maraming mamimili at mapalawak ang bentahan), at mas malawak na kakayahang mamuhunan.
Para kay John Denrick Lim, ikalawang taong mag-aaral ng Batsilyer sa Sining sa Pamamahayag, hindi lamang administrasyon, mga estudyante, guro, at kawani ang dapat isaalang-alang sa usapin ng NPU Bill. Kaakibat din nito ang katotohanang masasagasaan ang kabuhayan ng mga lokal at maliliit na manininda sa ilalim ng panukalang batas.
“Alam naman natin ang pakay nila — mamuhunan. Pero hindi pantay ang laban ng mga lokal na food stall at maliliit na negosyo laban sa malalaking pribadong korporasyon. Kapag naging komersiyalisado ang PUP, sila ang unang malulugi at mawawalan ng kabuhayan,” giit niya.
Inilahad din niya na walang masama sa modernisasyon. Ang tanong lamang ay kung sino ang nakikinabang dito at kung may mga naiiwan ba sa proseso.
Ganoon din ang pananaw ni John Jerick Garobo, isang iskolar mula sa Batsilyer sa Edukasyong Pansekondarya, Medyor sa Filipino, “Bagaman ang pagpapasok ng mga commercial stall sa loob ng pamantasan ay makadaragdag sa mga pagpipilian ng pagkain ng mga mag-aaral, maaapektuhan nito ang kabuhayan ng ating maliliit na negosyo, na sapat naman ang naibibigay na mga abot-kaya at tunay na student-friendly na pagkain,” saad niya.
Binigyang-diin din ni Jeserie Joy ang kahalagahan ng pagtataguyod sa isang makatao at inklusibong pag-unlad sa loob ng PUP campus, “Ang tunay na progresibong pamantasan ay hindi lamang umuunlad sa akademiko at imprastraktura, ngunit tinitiyak din na walang naiiwan sa sarili nitong komunidad,” wika niya.
Para sa mga PUPians, higit pa sa isang lugar-kainan ang Lagoon
Para sa maraming Iskolar ng Bayan, ang Lagoon ay hindi lamang lugar kung saan maaaring bumili ng murang pagkain. Isa rin itong espasyong naging bahagi ng pang-araw-araw na buhay sa pamantasan — mula sa mabilisang tanghalian bago ang susunod na klase hanggang sa mahahabang kuwentuhan ng magkakaibigan sa pagitan ng mga akademikong gawain.
Para kay Gwen Marianne Portento, ikalawang taong mag-aaral ng Batsilyer sa Agham sa Biyolohiya, ang mga food stall ay higit pa sa mga tindahang nagbebenta ng pagkain.
Ayon sa kaniya, “Hindi lang basta mga pagkain ang makikita sa Lagoon, bahagi na rin ito ng kultura at pagkakakilanlan ng mga PUPian. Ang mga food stall at ang mga taong nagtitinda roon ay matagal nang bahagi ng buhay sa kampus.
Ang pagkawala ng mga ito ay hindi lamang mangangahulugan ng pagkawala ng murang pagkain para sa mga estudyante, kundi maging ng kabuhayan ng mga maninindang matagal nang umaasa sa Lagoon bilang pangunahing pinagkukunan ng kita.
Naniniwala rin si Gwen na ang pag-unlad ng pamantasan ay hindi dapat mangahulugan ng pagtabi sa mga lokal na negosyong matagal nang nagsisilbi sa komunidad.
“Kung uunlad ang PUP, mas maganda kung sabay ding uunlad ang mga lokal na negosyo sa loob ng campus upang walang maiiwan at mapanatili ang natatanging kultura at pagkakakilanlan ng unibersidad,” saad niya.
Higit sa pagiging tambayan, ang Lagoon din ay isang komunidad na bumubuhay sa marami. Para kay Sebastian Janapin, ikatlong taong mag-aaral ng Batsilyer ng Sining sa Pamamahayag, ang pagtangkilik sa mga nagtitinda rito ay isang paraan ng pagtulong sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.
“Kagaya natin for sure ay may mga anak o pamangkin din silang pinapaaral. Sa mga ibinabayad natin, natutulungan natin sila,” paliwanag niya. “Nakikita mo kahit papaano na nagtutulungan din ang mga estudyante at mga nagtitinda sa indirect na paraan.”
Bukod sa halimuyak ng mga pagkaing mabibili sa mga stall, ang Lagoon ay nanatiling buhay na espasyo para sa mga estudyante. Nakatutulong din itong mapanatili ang kabuhayan ng mga manininda at ang natatanging kulturang matagal nang kinagisnan ng mga PUPian. Dito, hindi lang tiyan ang nabubusog — dito rin umuusbong ang sining, ang ‘latag’ ng mga anik-anik, mga kantahan at sayawan, at lunan upang isigaw ng mga Iskolar ng Bayan ang kanilang mga panawagan.
Iba-iba man ang programa, kultura, at pinanggalingan, sa Lagoon, mararamdaman na iisa lamang ang pulso ng mga estudyante. Masasaksihan dito ang kanilang pare-parehong pinagdaraanan, mula sa unang hakbang sa pamantasan hanggang sa pagbuo ng kanilang mga pangarap.
Hindi lamang isang simpleng espasyo ang Lagoon; ito ay isa sa mga nagbibigay-buhay ng pamantasan.