Maskarang mapagkanulo

Naging usap-usapan sa buong bansa ang pahayag ni Senador Imee Marcos sa isang malaking pagtitipon ng Iglesia Ni Cristo (INC) kamakailan dahil sa kaniyang matinding akusasyon na umanong “drug addict” ang kanyang sariling kapatid, si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. Agad na kumalat ang mga usapin na ginawa raw ito ni Imee bilang isang nag-aalala na kapatid upang tulungan ang pangulo na magbago at tumigil na sa paggamit ng droga.

Hayaan niyo akong maging prangka at diretso: huwag tayong magpaloko. Hindi bayani o ulirang kapatid si Imee Marcos. Siya ay isa lamang oportunista na handang itago ang katotohanan hangga’t nakikinabang siya, at ibubulgar ito sa sandaling makita niyang mas makapangyarihan ang bago niyang alyansa.

Kung tunay na nagmamalasakit si Imee sa kalusugan ng kanyang kapatid, bakit niya hinayaan at sinuportahan pa itong tumakbo bilang presidente, gayong malinaw na alam niya ang akusasyong matagal na itong gumagamit ng droga bago pa man ang halalan? Ang kanyang pananahimik sa gitna ng halalan noong 2022 ay isang malinaw na pag-amin na mas mahalaga ang kapangyarihan at pagbabalik sa Malacañang kaysa sa katotohanan at kapakanan ng kanyang kapatid. Naging kasabwat siya sa pagtatago ng malaking sikreto para lamang sa pansariling tagumpay.

Ang biglaang pagsisiwalat ni Imee ay hindi maituturing na ‘late realization’ o ‘pangungumpisal’ ng isang nagmamalasakit. Ito ay isang kalkuladong hakbang na may malinaw na timing at agenda. Ang paglantad ay dumating sa kasagsagan ng pampublikong hidwaan ng mga Marcos at mga Duterte, kung saan tahasang kumakampi at umaanib si Senador Imee Marcos sa huli.

Ang paggamit ng ‘drug use’ bilang bala laban sa kaniyang kapatid ay ang pinakamalaking katibayan ng kanyang oportunismo. Ginamit niya ang plataporma ng INC rally upang gawin ang pasabog matapos tuluyan nang masira ang relasyon ng dalawang pamilya.

Higit pa rito, isa sa pinakamalaking isyu ay ang nakalilitong moralidad ni Imee at ng kanyang mga kaalyado. Si Imee Marcos ay kaanib ng mga Duterte, ang administrasyong nanguna sa isa sa pinakamarahas na War on Drugs sa kasaysayan. Kung tunay na drug user si BBM sa panahong iyon at alam nila ito, bakit hindi siya hinuli? Malinaw ang kasagutang may double standard ang kanilang War on Drugs kung saan ligtas ang mayayaman at magiging bangkay ang mahihirap. 

Panahon na upang mamulat tayo at buksan ang ating isipan sa katotohanan. Sa ilalim ng maskara ni Imee Marcos, mas malaki at mas malalim ang dapat nating makita: ang isyu ay hindi lamang kung ‘adik’ ba talaga si Bongbong Marcos, kundi ang kawalan ng integridad at prinsipyo ng mga taong nasa kapangyarihan. Sa pagtanggal ng maskara, malinaw na nakikita na si Imee Marcos ay hindi nagpakita ng pagmamahal sa kapatid o pagmamalasakit sa bansa. Sa halip, nagpakita siya ng ganid na ambisyon at handang gawin ang lahat para sa kanyang pansariling interes.

Kailangang maging bukas at tapat ang Malacañang sa pamamagitan ng isang malaya at mapagkakatiwalaang pagsisiyasat, sapagkat walang sinuman ang dapat na makaligtas o makalampas sa batas. Hindi dapat magpagamit ang taumbayan sa mga kunwari’y nagmamalasakit na kapatid, dahil ang paninindigan sa katotohanan ay hindi dapat nagiging isang taktika lamang. Nararapat lamang na managot ang mga nagpatupad ng War on Drugs na naging mapamili at walang prinsipyo tulad ni Imee, na nagpapakita lamang na ang kanilang kampanya ay hindi tungkol sa katarungan kundi tungkol sa pagpapalakas ng kapangyarihan.

13 Votes: 13 Upvotes, 0 Downvotes (13 Points)

Leave a reply

Previous Post

Next Post

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...