
Gianne Kahtlein Recilla
Kasabay ng pag-anunsyo ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Francis Tolentino sa ₱85 dagdag sahod kada-araw sa National Capital Region (NCR), sinabi ng IBON Foundation na nananatiling mababa ang datos ng minimum wage sa maraming rehiyon ng bansa ngayong 2026.
Batay sa datos ng IBON Foundation, umaabot lamang sa ₱510 o 39.1% ng family living wage na ₱1,305 ang kinikita ng mga manggagawa sa iba’t ibang rehiyon.
Ayon sa grupo, hindi ito sapat upang matustusan ang pangangailangan ng pamilyang may limang miyembro.
Nangunguna ang NCR sa may pinakamataas na minimum wage na ₱695, habang ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) naman ang may pinakamababang minimum wage na ₱411 kada-araw.
Dahil dito, umaabot sa ₱795 ang wage gap sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Samantala, kinondena ni Kamanggagawa party-list Rep. Eli San Fernando ang ₱85 dagdag-sahod sa NCR, na ipinatutupad pa sa dalawang yugto.
Ayon kay Tolentino, ipatutupad ang ₱60 na umento sa Hulyo, habang ang natitirang ₱25 naman sa Enero 2027.
“Barya na nga lang ang ibibigay, ginawa niyo pang installment. Barat na barat. How can the administration be so proud sa ganitong pambabastos sa mga manggagawa?” giit ni San Fernando.
Ayon pa kay San Fernando, insulto ito sa mga manggagawa na araw-araw na kumakayod, lalo’t bumaba na sa 30% ang purchasing power ng piso kumpara noong 2018, batay sa Philippine Statistics Authority (PSA).
“Applying this to the real value of wages, nasa at least P100 to P200 na ang nawawalang halaga sa araw-araw na sahod ng mga manggagawa. Not to mention that all regional wage rates in the country fall miserably below the poverty threshold. Ibig sabihin, barat na nga ang kasalukuyang sahod at hindi na sapat para mabuhay nang may dignidad, tapos ganitong baryang P85 pa ang ibibigay na umento,” saad ni San Fernando.