
Ang kasaysayan ng pagkamit ng kalayaan ng Pilipinas ay hindi lamang isang simpleng petsang ginugunita, kundi isa itong mahabang proseso ng rebolusyon, pananakop, at digmaan — isang simbolo ng dugo’t pawis ng ating mga ninunong Pilipino. Sa kabila ng hangaring makamit ang kasarinlan, ito ay binuo rin ng lupon ng mga batas at kasunduang isinagawa sa pagitan ng iba’t ibang makapangyarihang bansa, kung saan ang ating bansa ay hindi laging direktang kasangkot sa pagdedesisyon sa sarili nitong kapalaran.
Sa likod ng Araw ng Kalayaan tuwing Hunyo 12 ay isang mas malalim na kuwento ng pakikibaka, kompromiso, at pagtutol laban sa mga kolonyal na kapangyarihan.
Bago pa man pag-usapan ang kalayaan, unti-unti munang nabuo ang ideya ng “bansa.”
Sa loob ng mahigit 300 taong pananakop ng Espanya, hindi agad nakita ng mga Pilipino ang kanilang sarili bilang iisang bansa, kundi bilang magkakahiwalay na pamayanan. Ngunit habang tumitindi ang pang-aabuso at hindi pagkakapantay-pantay, unti-unting nagbago ang pananaw ng nakararami.
Dito nagsimulang mabuo ang isang ideya — na may karapatan ang mga Pilipino na mamuhay nang walang kumukontrol na dayuhan.
Sa puntong ito, ang kalayaan ay naging isang damdamin at paniniwala para sa maraming Pilipino.
Isa sa mga naging hamon sa kalayaan ng Pilipinas ay ang katotohanang hindi lamang ang mga Pilipino ang nagdedesisyon tungkol sa kinabukasan nito. Habang ipinaglalaban ng mga rebolusyonaryo ang kasarinlan, pinag-uusapan naman ng mga dayuhang bansa ang kapalaran ng kapuluan sa mga negosasyong wala tayong representasyon.
Dahil dito, naging malinaw na ang kalayaan ay hindi lamang laban sa isang mananakop kundi sa isang pandaigdigang sistemang nagbibigay ng kapangyarihan sa malalakas na bansa upang magpasya para sa mas mahihinang teritoryo.
Bagama’t nakalaya na tayo sa nakaraan, hindi pa rin natatapos ang ating pakikibaka tungo sa aktuwal na kalayaan. Hanggang ngayon, nananatiling tanong kung gaano nga ba kalaya ang ating bansa kung may iba pang kapangyarihang nakikialam sa mga mahahalagang desisyon nito.
Samu’t saring isyu pa rin ang kinakaharap ng bansa — mula sa flood control projects na hindi pa nabibigyang solusyon at sa patuloy na gulo sa Senado, dito mawawari kung tunay nga bang malaya na tayo o nakakulong pa rin tayo sa siklo ng kahirapan?
Hanggang ngayon, nananatiling buhay ang tanong kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng kalayaan. Para sa ilan, ito ay ang pagtatapos ng kolonyalismo. Para sa iba, hindi pa ganap na malaya ang isang bansang nakararanas pa rin ng kahirapan, korapsyon, dayuhang impluwensiya, at hindi pagkakapantay-pantay.
Nakuha man ng bansa ang kasarinlan mula sa mga dayuhan — hindi pa rin ganap na malinaw kung ang kalayaang ipinaglaban noon ay tunay ngang nararanasan ngayon.