
Shaunte Felicity Ong at Angeline Ashlee Marquez
Sa bawat pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan, nabibigyang diin ang sakripisyo ng mga bayaning nagbuwis ng buhay para sa kalayaang ating tinatamasa ngayon. Sa gitna ng bawat parada, talumpati, at pagwagayway ng watawat, tila nakakalimutan nating bigyang dahilan at isipin kung ano nga ba talaga ang ipinagdidiriwang?
Noong Hunyo 12, 1898, itinalaga ang kalayaan ng ating bansa mula sa mga mananakop na Espanyol. Bagama’t may mga sumunod na mananakop, matagal na ang nakalipas na panahon mula pa nang tayo ay tunay na nakalaya mula sa mga dayuhan. Subalit iba ang kalayaan mula sa mananakop sa kalayaan mula sa paghihirap ng mga Pilipino at ang sistemang patuloy na nang-aapi at nangkakadena sa kahirapan, korapsyon, at patuloy na pag-pabor sa mga oligarki.
Sa pagdaloy ng panahon, nagbago na ang mga lider na namumuno sa Pilipinas, pero nananatili ang maraming problemang dati nang ipinaglaban ng ating mga bayani. Kung ang basehan lamang ay mga datos, tayo ay noon pa mang malaya. Ngunit sa katotohanang bumubalot sa araw-araw nating pamumuhay, marami pa rin ang walang boses, oportunidad, at kakayahang baguhin ang kanilang kalagayan. Masasabi pa ba natin na tunay at ganap ang ating kalayaan? Ang kalayaan na ipinaglaban nina Rizal, Bonifacio, at ng iba pa?
Kung nabubuhay lang ang mga bayani natin, maipagmamalaki ba nila ang Pilipinas ngayon?
Ang himagsikan na hindi natapos
Ang hinarap at nilabanan ng mga bayani ay hindi lamang ang pananakop. Kabilang sa laban ay ang korapsyon ng gobyerno at simbahan, pang-aabuso sa kapangyarihan, at ang mapang-aping sistemang kinikilingan ang mga elitista.
Noong panahon ng Espanyol, ang iilang mga opisyal, prayle, at mayayaman na pamilya ang may kapangyarihan sa Pilipinas. Nakakatakot ang kapangyarihan kung ito ay nakasentro lamang sa piling bahagi ng lipunan. Ang mga ordinaryong Pilipino o ang tinawag na indio, ay hindi binigyan ng representasyon sa pamahalaan sa kabila ng kanilang pagbayad ng buwis at paghihirap dahil sa diskriminasyon. Ang batas noon ay may kinikilingan, kung saan ang may kapangyarihan ay halos hindi nananagot sa kanilang mga kasalanan.
Sa pagsulat ni Rizal sa mga dyaryo at ang kaniyang dalawang nobela, makikita na pang-ibabaw lamang na bahagi ang pagkondena sa mga Kastila. Nakapaloob sa mga ito ang ang kritisismo sa isang bulok na sistema na pinapaboran ang makapangyarihan sa gitna ng paghihirap ng masa. Tinuligsa rito ang naging kultura ng katiwalian, pang-aabuso, at kawalan ng hustisya na nagpapahirap sa mga Pilipino.
Bukod pa rito, ang bawat pakikibaka ni Bonifacio ay para sa tunay na representasyon ng mga Pilipinong matagal nang inaapi. Ang himagsikan ng Kataastaasang Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK) ay hindi natitigil sa kagustuhan ng isang malayang bansa, sapagkat layunin nitong magkaroon ng isang lipunan na may dignidad at pagkakapantay kahit ano pa man ang estado ng buhay.
Hindi namatay ang mga bayani upang mapalitan lamang ang namumuno. Lumaban ang bawat isa at inalay ang kanilang buhay dahil sa paniniwala sa isang pangarap na magbabago ang sistemang nagpahirap sa kanilang mga kababayan.
Lumipas na ang isang siglo mula pa noong nagsimula ang laban na ito. Pero kung susuriin natin ang kasalukuyan, marami sa mga suliranin ay nananatili pa rin, at kung tutuusin ay lalo pang lumalala.
Hindi na dayuhan ang may kapangyarihan. Nagbago na ang kalaban. Ang kapuwa Pilipino na ang nagpapatuloy ng kultura ng katiwalian.
Nag-iba na ang mga mukhang may hawak sa kapangyarihan, subalit nandito pa rin sa kasalukuyan ang isyu ng korapsyon at kawalan ng representasyon — mga isyung dati nang umiiral sa sistema rito sa bansa.
Ang ilusyon ng mapalayang kalayaan
Kung sisilipin, malaya naman ang Pilipinas dahil mayroon tayong gobyerno, sariling batas, at eleksyon kada tatlong taon. Sa katunayan, hindi sapat na maging basehan o sukat ng kalayaan ang mga bagay na iyon dahil iba ang political independence sa tunay na kalayaan ng mga mamamayan.
Lagpas isang siglo na mula pa noong idineklara sa Kawit, Cavite ang ating independensiya, ngunit halos lahat ng Pilipino ay nabubuhay pa rin sa kahirapan. Para sa maraming pamilyang Pilipino, ang bawat araw ay panibagong hamon sa laban ng buhay. Kung nagpapatuloy pa rin ang ganitong kalagayan, hindi mahirap intindihin kung bakit umiikot lamang ang mga paulit-ulit na pangalan at pagmumukha sa gobyerno dahil sa patuloy na paghahari ng mga political dynasty sa bansa. Ang walang katapos-tapos na patronage politics dahil sa minsanang tulong tuwing panahon ng eleksyon at vote-buying sa halaga ng limang daang piso ay nagpapatuloy dahil may mga nagugutom. Tuwing may naghihirap, mas nagiging madali para sa mga makapangyarihan na samantalahin ang mga ito para sa sarili nilang interes.
Malaya ba ang bawat isang Pilipino kung mayroong lunod sa kahirapan, nagbebenta ng boto para sa pagkain ng isang araw, at walang akses sa oportunidad at serbisyong kabilang sa kaniyang karapatang pantao?
Hindi lang kahirapan ang hadlang sa ating kalayaan. Makikita sa mga nakaraang taon ang paglaganap ng historical distortion. Sa patuloy na paglason ng kasinungalingan sa ating lipunan at diskurso, marami ang nahihirapan na gumawa ng matalinong desisyon at ipanagot ang mga taong may pagkukulang.
Hindi tumigil dito ang isyu ng isang sistemang nangmamaliit at nangsasamantala ng mamamayan. Ang patuloy na pagbanta sa kalayaan at buhay ng mga mamamahayag at aktibista, red-tagging sa kapuwa Pilipino, pagkalat ng disimpormasyon, at ang panggigipit at pagparusa sa kritisismo, ay bahagi ng isang sistemang mapang-api at naglalayon na patahimikin ang mga boses na humihiling ng kalayaan at pagbabago.
Sa ngayon, nawala na ang mga prayle at ang kolonyal na gobyerno, ngunit nananatili ang isang sistema na nanggigipit sa Pilipinong naniniwala at nakikilahok sa demokrasya para baguhin ang antas ng pamumuhay.
Kahit makikita na malaya ang bansa sa papel, kung ang mga mamamayan naman ay biktima pa rin ng isang sistema at patuloy na nabubuhay na may takot, masasabi pa ba natin na tayo ay malaya?
Hindi lamang dayuhan ang ating kinakalaban, kundi pati ang ating mga sariling kababayan.
Ang salot na hindi matanggal
Nakaukit na sa ating kultura ng politika ang padrino system, ang baluktot na sistema kung saan hindi kakayahan o merito ang nagbubukas ng pinto sa oportunidad, kundi kung sino ang iyong kilala, kung ang iyong kamag-anak o kapamilya ay may kapangyarihan sa gobyerno, o kung gaano kalakas ang iyong koneksyon sa mga nasa puwesto. Bagama’t nagsimula ito bilang isang inosenteng tradisyon ng pagpapadrino sa binyag noong panahon ng mga Kastila, tuluyan na itong nabulok at naging ugat ng dalawang malalang kanser sa ating burukrasya: ang nepotism at cronyism.
Sa pamamagitan ng nepotism, lantarang pinapaboran ang pamilya at mga kamag-anak sa pagpili at pagtatalaga sa mga posisyon sa gobyerno nang hindi isinasaalang-alang ang kanilang sapat na kwalipikasyon. Kakambal nito ang cronyism, kung saan ang mga bakanteng puwesto ay ginagawang gantimpala o “pabuya” para sa mga kaibigan, kaklase, at malalapit na kaalyado. Ang mapaminsalang tandem na ito ay direktang lumalabag sa prinsipyo ng katapatan at katarungan sapagkat ninanakawan nito ang mga karapat-dapat at mas may kakayahang Pilipino na makapagsilbi sa bayan.
Sobrang pamilyar na sa atin ang ganitong kalakaran, at iyon mismo ang pinakamalaking problema. Unti-unti na itong tinatanggap ng lipunan bilang isang normal na bahagi ng buhay sa halip na ituring na isang krimen o malalang anomalya. Ang kawalan natin ng pagkilos ay nagiging mitsa upang mas lalong magmonopolya ng kapangyarihan ang iilang pamilya, habang ang interes ng mas nakararaming mamamayan ay patuloy na naiisasantabi.
Hindi ito bagong sakit ng Pilipinas, kundi isang malalang kanser na matagal na nating minana mula sa ating mahabang kasaysayan ng kolonisasyon. Sa ilalim ng pamamahala ng mga Kastila, ang mga tradisyunal na datu at lokal na pinuno ay ginawang kasangkapan ng mga mananakop upang mangasiwa at maningil ng buwis sa mga ordinaryong mamamayan. Mga Pilipino nga sila, ngunit hindi sila tunay na nasa panig ng mahihirap na masa. Ginamit nila ang kanilang posisyon upang magkamal ng ari-arian, kung saan ang kanilang kapangyarihan ay hindi pinaghirapan; basta na lamang minana, ipinasa sa pamilya, at pinrotektahan upang mapanatili ang kanilang marangyang estado.
Parang itong isang permanenteng pribilehiyo na awtomatikong ibinibigay sa kanila simula pa lamang ng kanilang kapanganakan. At nang lisanin ng mga Kastila ang bansa, hindi umalis ang mapang-aping sistemang ito.
Nanatili ang istruktura ng kapangyarihan; nagbago lamang ang bihis, pangalan, at mukha ng mga pamilyang namumuno sa ating lipunan.
Sa panahon ngayon, tinatawag na natin sila bilang mga political dynasties. Iba na ang kanilang kasuotan, ngunit pareho pa rin ang kanilang kaloob-looban at pansariling interes. Kung titingnan mo ang mapa ng kapangyarihan sa Pilipinas, makikita mo ang mga pangalan na paulit-ulit na lamang, henerasyon pagkatapos ng henerasyon mula sa mga unang pinuno ng bansa hanggang sa kasalukuyang administrasyon, ang mga naging pangulo ay mula sa iisang puno ng pamilya.
Ayon sa pag-aaral ni Simbulan (2012), may humigit-kumulang 250 political dynasties ang nagmomonopolisa sa pambansa at lokal na antas ng politika sa loob ng mahigit 30 taon. Isipin mo ang tindi ng agwat: ang mga pamilyang ito ay kumakatawan lamang sa kakarampot na 0.00001667% ng kabuuang 15 milyong pamilyang Pilipino.
Magulang, anak, kapatid, asawa, at pinsan – nagpapalit-palit lamang sila ng posisyon parang laro ng musika upang masigurong hindi mawawala ang kanilang pamilya sa larangan ng pulitika. Gobernador ngayon, senador bukas, kongresista sa susunod na eleksyon. At kapag naubos na ang puwesto para sa mga nakatatanda, may anak namang nakapila, may asawang nakahanda, o may kapatid na naghihintay. Trinatrato nila ang serbisyo publiko na parang isang pribadong negosyo at ari-arian.
Tatlong dekada, wala paring panukalang batas
Ang tunay na lunas sana sa malalang sakit na ito ay matagal nang nakasulat sa ating kasaysayan, partikular na sa 1987 Konstitusyon.
Sa ilalim ng Seksyon 26 ng Artikulo II, malinaw na itinadhana na dapat magbawal ang Estado ng political dynasties ayon sa ipapasa na batas. Subalit lumipas na ang mahigit tatlong dekada ng paghihintay at pagtitiis ng sambayanan, ngunit wala pa ring nangyayari. Kahit isang pirasong batas na magpapatupad nito ay walang maipasa sa bansa. Hindi nagkulang sa pagtatangka dahil may mga panukala naman tulad ng Senate Bill No. 2649 ni Senador Miriam Defensor Santiago noong 2011, House Bill No. 9070 noong 2020 ni Kinatawan Teddy Baguilat Jr., at maging ang Senate Bill No. 2730 ni Senador Robinhood Padilla noong 2024. Gayunpaman, lahat ng ito ay nananatiling nakabinbin o tuluyang ibinabasura.
Bakit nga ba tayo humantong sa ganitong kawalan ng aksyon? Ang sagot ay simple ngunit masakit tanggapin. Ang mga taong may mandato at kapangyarihang gumawa ng batas na iyon, na walang iba kundi ang mga miyembro ng Kongreso, ay sila ring pinakamalaking benepisyaryo ng kawalan nito. Isang pag-aaral nga mula sa Ateneo School of Government noong 2019 ang nagbunyag na 80 porsyento ng mga gobernador, 67 porsyento ng mga kinatawan sa Kongreso, at 53 porsyento ng mga alkalde ay nagmula sa mga dinastiya.
Kaya paano mo hihilingin sa kanila na bawasan ang mga pribilehiyong tinatamasa nila ngayon? Paano mo aasahan na babaguhin nila ang baluktot na sistema na naglagay at nagpapanatili sa kanila sa tugatog ng kapangyarihan? Hindi nila gagawin ito, hindi dahil sa hindi nila kayang bumuo ng batas, kundi dahil ayaw nilang bitawan ang kanilang marangyang pamumuhay. Ito ang pinakaharapang anyo ng pagkabulok at kawalan ng delikadesa sa sistema ng ating politika. Para sa kanila, ang bansa at ang pag-unlad nito ay pwede namang maghintay, kahit na marami na ang nagdurusa at naghihirap.
Dito sa gitna ng matagal na pagwawalang-bahala pumapasok ang Dapat Isa Lang Petition. Sa harap ng taong-taon na nakabibinging katahimikan mula sa Kongreso, lumago ang isang makasaysayang kilusan mula sa mismong hanay ng taumbayan.
Ang Isa Lang Petition ay nanghihikayat sa mga ordinaryong mamamayan na magkaisa, pirmahan, at suportahan ang pagpasa ng isang tunay na anti-dynasty law. Ito ay nagsisilbing isang direktang mensahe at babala sa mga lehislador na hindi na tayo puwedeng patuloy na lokohin o patahimikin pa. Hindi ito isang simpleng pirma lamang sa papel; ito ay isang matapang na deklarasyon na nakikita natin ang kanilang mga pansariling agenda at may pananagutan sila sa susunod na henerasyon.
Ngayon, habang lalong nagiging maliwanag sa mata ng publiko kung paano gumagana ang maruming kapangyarihan sa bansang ito — kung paano ito ipinapasa, pinoprotektahan, at ginagamit ng iilang pamilya — ang galit ng bayan ay hindi na kayang itago o itiklop pa. Lalo na sa bahagi ng mga kabataan na lumaki sa panahon ng internet, may malawak na access sa impormasyon, at may matalas na memorya sa mga pagkakamali ng kasaysayan. Mulat na sila sa katotohanan at hindi na basta-basta mabibili ang mga boto nila ng ilang kilong bigas, instant noodles, at t-shirt tuwing sasapit ang eleksyon.
Hanggang kailan natin hahayaang harangin ito ng mga taong pinakanakinabang sa pagharang at sa paghihirap ng bayan? Dahil habang nag-aalinlangan tayo at naghihintay ng sagot, may mga pamilya sa Luzon, Visayas, at Mindanao na kasalukuyan nang nagpaplano kung sinong kamag-anak ang susunod na itatakbo sa halalan. At tiyak, kapareho pa rin ito ng dati at pamilyar na mga apelyido.
Ang tunay na pagpaparangal
Madalas natin masulyapan sa mga aklat ng kasaysayan sina Rizal, Bonifacio, Mabini at iba pang marangal na bayani na lumaban para sa kalaayan ng bansa natin, mga naturing bayani na nakulong na lamang sa malamig na marmol, walang kibo at nakatitig na lang lamang sa kawalan. Ngunit, kung titingan bilang mga totoong taong may ipinaglalaban, mapagtatanto nating hindi pa tapos ang kanilang kuwento.
Kung narito sila ngayon, ano kaya ang mararamdaman ni Rizal, na nagsabing ang kabataan ang pag-asa ng bayan, kung makikita niyang ang mga kabataang iyon ay pinipilit pa ring pumili sa mga pangalang paulit-ulit lang ang laman ng balota, henerasyon pagkatapos ng henerasyon?
Paano titingnan ni Bonifacio — ang Supremong galing sa masa — na makikitang puno pa rin ito ng mga angkan na ipinanganak na may hawak na kapangyarihan, habang ang mahihirap ay nananatili sa labas, naghihintay sa pagbabagong hindi na yata darating?
At ano kaya ang masasabi ni Mabini, ang Dakilang Paralitiko na nangarap ng isang republikang para sa lahat, kapag nakita niyang ang pagbabawal sa dynasties ay nakasulat lamang sa Konstitusyon pero hindi tumutugma sa realidad ng ating bansa? Marahil, ngingitian na lamang tayo nang mapait, dahil makalipas ang mahigit isang siglo, nandoon pa rin ang masang walang-wala na ay lumalaban sa mga taong nasa itaas na walang ibang ginawa kundi hagukin ang kayamanan at kapangyarihan.
Hindi sila nag-alay ng buhay para sa ganitong uri ng Pilipinas. Naniniwala sila na kapag nagwakas ang kolonyalismo, magsisimula na ang tunay na kalayaan. Subalit ang kalayaang iyon — ang kalayaang pang-ekonomiya, pampolitika, at panlipunan ng bawat Pilipino — ay nananatiling isang pangarap hanggang ngayon. At iyan ang pinakamasakit na katotohanang kailangan nating harapin tuwing sasapit ang ika-12 ng Hunyo.
Kaya naman, napakadaling magdiwang. Madaling kumuha ng litrato sa harap ng bandila, mag-post ng “Mabuhay ang Pilipinas,” at magpadala ng mga pagbati na parang tapos na ang tungkulin kapag natapos ang holiday. Ngunit ang pagdiriwang ng kalayaan na hindi sinusundan ng pagkilos ay walang kaibahan sa bulaklak na inilalagay sa libingan ng bayani — maganda at mabango, ngunit patay at walang laman. Hindi iyon pagpaparangal, pero pakitang-tao lamang.
Ang tunay na pagpaparangal sa ating mga bayani ay wala sa mga engrandeng parada o sa mga pistang opisyal na darating at lilipas nang walang nagbabago. Ito ay nasa pagpapatuloy ng laban na kanilang sinimulan.
Sa kasalukuyan, ang isa sa pinakakongkreto at pinakamabisang paraan para gawin ito ay ang suportahan ang Isa Lang Petition. Ang pagpirma rito, pagbabahagi nito, at pagpapatingkad ng ating tinig ay isang malinaw na mensahe sa mga lehislador: ang pagpasa ng anti-dynasty law ay hindi na maaari pang ipagpaliban.
Maliit na bagay lamang ang hinihingi ng pagkakataon: Isang pirma. Isang share. Isang boses na sasama sa libu-libong iba pang boses ng mga Pilipinong pagod na pagod na sa lumang sistema. Subalit kapag nagbuklod ang mga boses na ito, doon sumisibol ang pinakamakapangyarihang puwersa sa isang demokrasya — ang taumbayan na tumatangging tanggaping “normal” ang mga maling kalakaran at tunay na ipagdiwang ang ating kalayaan sa pamamagitan ng paggamit dito nang tama at may kabuluhan.