Pag binato ka ng bato

Kapag binato ka ng bato, tiyak na magugulantang ang siyang nagtatago.


Ang muling paglitaw ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa noong Mayo 11, matapos ang anim na buwang pagtatago, ay hindi isang simpleng pagbabalik-trabaho. Ito ang rurok ng isang planadong operasyon upang mapatalsik ang liderato ng Senado. 

Sa isang eksklusibong panayam, inamin mismo ni Dela Rosa na ang kanyang pagdating ay bahagi ng isang operasyong pinangasiwaan ni Senate President Alan Peter Cayetano upang matiyak ang tagumpay ng kanilang “coup” laban kay dating Senate President Tito Sotto.

Sa loob ng kalahating taon, nanaig ang pagliban ni Dela Rosa sa Senado at pagtatago sa loob ng Pilipinas upang iwasan ang warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC). Ngunit ang pananahimik na ito ay binasag ng isang direktang tawag mula kay Cayetano. Ayon kay Dela Rosa, malinaw ang mensahe ni Cayetano: kailangan ang kanyang presensya noong Mayo 11 dahil siya ang magsisilbing ika-13 o ang huling boto na magpapasya sa kapalaran ng liderato ng Senado.

Inamin ni Dela Rosa na kung wala siya sa session hall, hindi makukuha ng pro-Duterte coalition ang kinakailangang mayorya upang palitan si Sotto. Upang maisakatuparan ito, nagbigay si Cayetano ng logistika: pinasakay niya si Dela Rosa sa isang van na kumpirmadong pagmamay-ari ni Cayetano upang makapasok sa complex nang hindi napapansin ng seguridad.

Bagama’t planado ang pagpasok, nagkaroon ng malaking butas sa intelligence ng kampo ni Cayetano. Hindi nila inaasahan na may mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) na naghihintay na sa pintuan ng Senado. Dahil dito, ang sana’y pagsalisi ay naging isang marahas na habulan. 

Matapos ang matagumpay na pagboto at ang pagkakaluklok kay Cayetano bilang bagong Senate President, agad na isinailalim si Dela Rosa sa protective custody ng Senado. Ang hakbang na ito ay isang gawa-gawang proteksyon upang balewalain ang awtoridad ng ICC. Ang maruming maniobrang ito ay isang pagkanulo ng moral na integridad ng Senado bilang institusyon ng gobyerno. Bakit nila poprotektahan ang isang fugitive? Hindi karaniwang kriminal si Dela Rosa. Bagkus, siya ay nahaharap sa seryosong akusasyon ng human rights violation dulot ng karahasan at inhustisya sa Drug War ng rehimeng Duterte. 

Binigyang-diin pa ni dating Senate President Franklin Drilon na walang legal na basehan  ang Senado upang pigilan ang pagpapatupad ng isang balidong warrant of arrest, at ang ginagawang pagtatago kay Dela Rosa ay isang palabas lamang at hindi batas. Sa pagbibigay ng santuwaryo kay Dela Rosa, ipinapakita ng Senado sa mamamayan na may dalawang uri ng batas sa Pilipinas: isang malupit at mabilis para sa mahihirap, at isang mapagparaya, nagpoprotekta, at nagbubulag-bulagan para sa mga nasa kapangyarihan.

Ang operasyong ito ay hindi lamang tungkol sa upuan ni Cayetano. Sa pagluklok kay Dela Rosa bilang chair ng Senate Committee on Public Order, naging malinaw ang agenda: ang protektahan ang mga kaalyado. Sa katunayan, hindi na naitago ang tunay na motibo na inamin ni Dela Rosa na siya ang nasa likod ng resolusyong nagtutulak na ibasura ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte. Ang Senado, imbes na magsisilbing independyenteng tagapagtanggol ng Konstitusyon, ay naging kasangkapan na lamang ng isang paksyon  upang i-hostage ang hustisya.

Sa huli, ang stealth extraction at ang nagbabadyang coup sa Senado ay nagpapakita ng isang mapanganib na laro ng kapangyarihan. 

Habang ang bansa ay nakatuon sa impeachment trial ng Bise Presidente, ang Senado ay tila nagiging isang kuta ng kawalang pananagutan kung saan ang mga mambabatas ay papalit-palit ng anyo na para bang isang Bato. Ang mga mambabatas ay nagbubuklod at nagkakanlong, hindi upang magsilbi, kundi upang magtulungan na takasan ang matagal nang naniningil na kamay ng batas, lokal man o internasyonal. Kung ang mismong tagapagtanggol ng batas ang nagiging kanlungan ng mga lumalabag dito, kanino pa tatakbo ang mamamayang Pilipino?

3 Votes: 3 Upvotes, 0 Downvotes (3 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...