Pangakong napapako: Sa likod ng pawis ng atletang Pilipino

[EXEDPH] QUOTE PUB - 1

Francis Andrei Garcia

Tuwing State of the Nation Address (SONA), tila taunang ritwal na lamang ang pagbibida ng mga pangako: matatamis na salita, matatalinghagang plano, at mga adhikain na mistulang isinulat upang ipangako, hindi tuparin. Isa sa mga paulit-ulit na isinusumpang adhikain ay ang suporta sa mga Pilipinong atleta: mga mandirigmang buwis-buhay sa laban, ngunit madalas ay nauuwi sa pagkalimot.

Sa bawat international competition, mula sa Southeast Asian Games hanggang sa Olympics, hindi lamang personal na pangarap ang isinusugal ng mga atleta. Bitbit nila ang bandila ng bayan, ang dangal ng sambayanan. Subalit sa bawat buhos ng pawis at punit ng laman, barya lamang ang kapalit. Nasaan na ang pangakong suporta?

Sa Palarong Pambansa nitong taon—isang patimpalak na nilahukan ng libo-libong batang atleta mula sa iba’t ibang rehiyon—makikita ang alab at dedikasyon ng kabataang Pinoy sa larangan ng isports. 

Ngunit tanong ng marami: ano nga ba ang napapala ng mga atletang ito maliban sa medalya? Sa ulat ng The Philippine Star, ilang atleta ang umangal na kahit medalya ay walang kasamang insentibo o benepisyo.

Tunay nga bang may kinabukasan sa larangang ito kung mismong pamahalaan ay hindi makapaglatag ng malinaw at sistematikong plano para sa kanila? Training facilities, allowance, nutrition, psychological support—mga batayang pangangailangan na kung minsan ay sagot pa ng pamilya o ng atleta mismo.

Hindi lamang si Hidilyn Diaz ang may kwento ng sakripisyo. Bagama’t siya ang unang nagbigay ng Olympic gold para sa bansa noong 2021, isiniwalat din niya ang kakulangan ng suporta sa kanyang training noon.

Kung ang mga nagwawagi na nga ay kulang sa suporta, paano pa ang mga atleta sa rehiyon na walang access sa maayos na kagamitan? Bakit may mga batang nawawalan ng loob? Bakit ang iba ay mas pinipiling umiwas na lang sa laban?

Panahon nang mapagtanto na ang tunay na suporta sa atleta ay hindi natatapos sa pagbati sa social media. Hindi ito natutumbasan ng palakpakan o tarpaulin. Kailangan ng konkretong plano at pondo, sapat na badyet, at tuluy-tuloy na suporta.

Ang atletang Pilipino ay hindi dapat magmistulang instrumento lamang ng national pride tuwing panahon ng tagumpay. Dapat silang kilalanin bilang mga bayani sa araw-araw na laban nila—sa gitna ng kakulangan, balewalang pasilidad, at minsang pagwawalang-bahala ng sistemang kanilang ipinaglalaban.

Kung ang gobyerno ay patuloy sa pagbalewala, paano pa ang susunod na henerasyon ng atletang Pilipino? Kanino sila kakapit? Paano kung ang susunod na Hidilyn, EJ Obiena, o Carlos Yulo ay mapagod, madismaya, at sumuko?

Ang medalya ay simbolo ng tagumpay, ngunit dapat itong sabayan ng sistematikong suporta at sustainable investment. Hindi sapat ang pasiklab ng SONA, hindi sapat ang retorika.

Ang tunay na pagkalinga sa atletang Pilipino ay nangangailangan ng malalim, tapat, at planadong suporta, hindi patong-patong na pangakong napapako.

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...