
Inaki Modrix Arejola
Sa gitna ng pakikipagsabayan ng Pilipinas sa lumalawak na industriya ng kalawakan, isa ang pinaplanong satellite network sa mga hakbang na inaasahang magpapatibay sa sistema ng pagtugon sa mga kalamidad na tumatama sa bansa.
Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa 9th Philippine Space Council (PSC) meeting noong Hunyo 2 ang mga plano patungkol sa paggawa at pagpaparami ng mga observation satellites ng bansa sa ilalim ng Multispectral Unit for Land Assessment (MULA) Program.
Ani ng Pangulo, ang naturang programa ay hango sa nangungunang satellite ng bansa sa kasalukuyan na MULA satellite. Ang kagamitang ito ay nilikha upang agarang matukoy ang mga sakunang paparating tulad ng bagyo at masuri ang lagay ng bansa mula sa kalawakan.
Kilala ang Pilipinas bilang isa sa mga bansang pinakamadalas tamaan ng mga sakuna sa buong mundo. Ito ay nagdudulot ng labis na pinsala sa mga buhay, ari-arian, at pangkabuhayan ng mga Pilipino. Sa katunayan, base sa Philippine Statistics Authority (PSA), tinatayang umabot sa ₱463 bilyon ang kabuuang halaga ng pinsalang inihatid ng mga tumamang kalamidad sa bansa sa taong 2010 hanggang 2019.
Dahil dito, dinisenyo at ginawang national priority ng PSC ang MULA program upang mas bigyang-tuon ang usaping disaster response sa Pilipinas. Sa paraang ito, dadagdagan ang MULA satellite upang mabuo ang isang “satellite constellation.”
Sa madaling salita, magtatatag ang bansa ng isang grupo ng mga satellite na iikot sa kalawakan sa magkakaibang posisyon upang mas mapahusay ang pangangalap ng datos ng pamahalaan.
Ayon sa Philippine Space Agency (PhilSA), ang nabanggit na kagamitang pangkalawakan ay nakakapag-monitor lamang ng 73,000 square kilometers sa loob ng isang araw kung kaya’t mas mainam na dagdagan ang bilang nito upang mabawasan ang mga blind spot.
Ang MULA satellite ay hugis parisukat na may bigat na 130 kilograms at nilagyan ng kamerang may espesyal na kakayahang tinatawag na “TrueColor.” Ibig sabihin nito, kaya ng kamera na kuhanan ng imahe ang iba’t ibang bahagi ng bansa depende sa ruta ng pag-ikot nito.
Habang binabaybay ng nabanggit na instrumento ang himpapawid ng Pilipinas, patuloy-tuloy nitong kinukunan ng datos ang hitsura ng ibaba mula sa itaas at ipinapasa ang mga raw data sa mga estasyong nakaposisyon sa bansa. Pagkatapos nito, ang mga ito ay kino-convert bilang dekalidad na larawan.
Kaya naman, layunin ng MULA program na mas palakihin ang sukat na kayang i-monitor ng bansa. Sa paraang ito, mabibigyan ng satellite network ang mga awtoridad ng mas maagap na babala kung sakaling may paparating na kalamidad, mas matutukoy na ang mga lugar na lantad sa panganib, at agad na ring matutulungan ang mga Pilipinong nangangailangan ng tulong.
Dagdag pa rito, nilagdaan din ng PSC ang resolusyong pag-isahin ang mga pamantayan sa paggamit ng mga satellite data ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno upang masigurong pare-pareho ang paraan ng paggamit, pag-aayos, at pagbabahagi ng mga impormasyon sa mga opisina ng pamahalaan.
Ang bawat hakbang sa MULA program ay katumbas sa bawat buhay at ari-arian na maaaring mailigtas ng proyekto. Kaya naman, kinakailangan nito ang masusing pagpaplano upang masigurong makatutulong ito sa paglaban sa mga kalamidad na tumatama sa bansa.