Protect bato

Kung ibebenta mo ang bato o kidney mo sa black market, posible kang pumaldo ng aabot sa higit $100,000 o P6 milyon. Kaya nga ang biro, kung naghihirap ka, may dahilan kung bakit dalawa ang bato mo sa katawan.

Nakakatawang isipin pero sa kabilang banda, talagang sa pera lang ba natin makikita ang tunay na halaga ng ating mga bato? Hindi tulad ng puso na tumitibok o utak na palaging ginagamit para mag-isip, tahimik kung magtrabaho ang mga bato. Kaya naman, hindi gaanong nabibigyang-halaga ang bato base sa kung ano ang ginagawa nito sa ating katawan. Bibigyan na lang natin ito ng pansin sa oras na magkulay dugo ang ating ihi.

Ngayong Hunyo ay National Kidney Month, at aminado akong hindi ko napahalagahan ang mga bato ko dati. Naalala ko noong 12 taong gulang ako nang maranasan kong lagnatin at umihi nang may dugo. Alam kong hindi iyon normal kaya nagpa-laboratory test kami. Lumabas ang resulta at kinailangan kong mai-admit sa ospital.

Acute glomerulonephritis (AGN) ang findings sa akin. Iyon ay ang pamamaga ng glomeruli na nasa loob ng nephron, ang bahagi ng bato na responsable sa paglilinis ng dugo sa katawan. Partikular, acute poststreptococcal glomerulonephritis (APSGN) o AGN na dulot ng impeksiyon sa lalamunan.  Iyan ang sakit ko na hindi ko alam kung paano basahin noong mga panahong iyon dahil noon ko lang din nalaman na meron palang gano’n. Ang alam ko lang ay Urinary Tract Infection (UTI). Katakot-takot ang haba ng pangalan kaya natanong ko sa magulang ko kung mamamatay na ba ako.

Paano ba naman, masyado pa akong bata para magkaroon ng problema sa bato na hindi UTI. Kadalasan sa edad na 60 pa nagsisimulang humina ang bato kung saan dumadapo ang mga sakit tulad ng Chronic Kidney Disease (CKD). Gayunman, bumabata na rin ang mga nagkakaroon nito. Sa mga may CKD noong nakaraang taon, nakakaalarmang 57.44% sa kanila ay nasa edad 20 hanggang 59. Lagpas kalahati at mas marami pa kaysa mga senior citizen na 40.82%.  Pinangangambahang marami pa ang hindi nada-diagnose dahil walang sintomas ang maagang yugto ng CKD.

Habang nananatili sa ospital, no-fat-no-salt ang diet ko. Kaya ang ilan sa mga pagkain ko noon, itlog na pinrito sa tubig at sinabawang isda na hindi timplado maski ng asin. Malayong-malayo sa tamis ng soft drinks at alat ng pancit canton. Iyon ang maalamat na kombinasyon na paborito nating mga Pinoy. Comfort food, pero kapag nasobrahan ay mamimilipit na sa sakit sa tuwing iihi dahil may bato na sa bato. 

Noong 2022, halos tatlong milyon, o 2.3% ng mga Pilipino ang may ganitong kondisyon na tinatawag na Nephrolithiasis, kaya nga paalala sa atin ng mga magulang natin, iwasan ang pag-inom ng soft drinks at pagkain ng maalat. Dahil kahit na hindi man natin ito ikamamatay kaagad, unti-unti naman nitong sinisira ang bato natin nang hindi natin namamalayan.

Ang bato ay hindi tulad ng baga na may babala kagaya ng ubo sa oras na tamaan ito kahit ng isang simpleng sakit. Ang CKD, patuloy na lumalala lingid sa kaalaman ng taong mayroon nito. Lumalabas lang ang sintomas kapag papalya na ang bato, kaya ito tinatawag na silent killer. 

Hindi lang dahil sa personal nating pamumuhay kung bakit napapabayaan natin ang ating mga bato. Kahit ang mismong World Health Organization (WHO), hindi rin napagtutuunan ng pansin ang sakit sa bato tulad ng CKD at Acute Kidney Injury (AKI). Mas binibigyang prayoridad ang mga sakit sa puso, sakit sa baga, kanser o diabetes—mga sakit na maagang nakikitaan ng sintomas. Ang nakababahala, pumapang-apat ang sakit sa bato sa nangungunang sanhi ng pagkamatay ng mga Pilipino.

Mapalad ako dahil nakalabas ako ng ospital matapos ang isang linggo dahil nalunasan ang aking sakit gamit ang mga antibiotics. Sa paglabas ko, dala-dala ko ang aral na hindi dapat ako maghintay ng senyales mula sa aking katawan bago ko alagaan ang aking bato. Dahil kung hindi, ang naging sakit kong acute GN, maaring maging chronic. 

Kahit pa strep throat ang pinagmulan ng sakit ko, iniwasan ko na ang mga maalat na pagkain. Maging soft drinks, isang beses na lang sa isang linggo ang pagkonsumo ko. Tubig ang lagi kong iniinom. Hindi rin ako nagyoyosi o humihipak ng vape. Kahit mura ang pansit canton, hindi ito dapat araw-arawin dahil mas mahal ang pampagamot. Kailangan kong alagaan ang bato ko dahil kung hindi, ang dati’y isang linggong pagkakaospital, magiging linggo-linggo. Sa halip na gamot lang ang ituturok sa aking mga ugat, makina na para sa dialysis.

Hindi tulad ng puso o utak, dalawa ang ating bato, pero hindi ibig sabihin ay pababayaan natin ito na para bang dalawa rin ang buhay natin. Tahimik kung maglinis ng dugo ang mga bato kaya hindi natin ito napapansin, pero kapag hindi natin ito inalagaan nang mabuti, tahimik rin tayo nitong kikitilin.

3 Votes: 3 Upvotes, 0 Downvotes (3 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...