
Shaunte Felicity Ong
Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, mas lalong bumibigat ang bawat biyahe ng mga tsuper. Para kay Mang Toto, na pinipiling bumangon at harapin ang pagsubok ng panibagong araw, hindi lang ito tungkol sa pasada, kundi sa pangarap na maitaguyod ang kanyang pamilya.
Ang bawat pangarap, kahit kinakapos, ay patuloy niyang pilit inaabot para sa pamilya. Sa kalagitnaan ng krisis sa krudo dulot ng giyera sa Middle East at ang usapin ng modernisasyon ng dyip, mas umiigting ang suliranin: paano makaka-usad kung halos wala nang maiuwi?
Kwento ni Mang Toto, apat na taon na siyang namamasada. Ngunit sa mga nagdaang linggo, mas naging mabigat ang bawat biyahe dahil sa sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng diesel. Hindi pa man nakakabawi sa nakaraang pagtaas, may panibago na naman.
Ang kanyang kita ay “[napupunta] lang sa diesel at sa boundary…wala kaming nauuwi sa pamilya,” aniya. Imbes na makaipon o makapag-uwi ng kaunting halaga, umiikot na lamang ang pera sa pang gasolina, at sa katunayan ay kulang pa sa kanyang pag biyahe. Dagdag pa nang walang awang pagtaas ng bayarin ay tila nalulunod na ang mga tsuper tulad ni Mang Toto sa utang.
Ang kasalukuyang digmaan ng Estados Unidos, Israel, at Iran, ay nagkaroon ng matinding pinsala sa suplay ng langis, dahilan sa hindi inaasahang pagsirit ng presyo. Ngunit para kay Mang Toto, hindi na ito balita kundi araw-araw na hamon sa pag pasada.
Para sa pamilya
Bilang isang ama, malinaw ang dahilan para patuloy na kumayod sa kabila ng hirap, “Para sa pamilya po,” wika ni Mang Toto.
Kasabay ng pag-angat ng presyo ng diesel ay ang pagbigat ng mga responsibilidad bilang haligi ng tahanan. Ibinahagi ni Mang Toto na mahirap ang mga sakripisyo sa ganitong panahon na ang kanyang mga anak ay hindi na makapili ng makakain.
Hindi lamang ito dagdag-gastos para sa mga tsuper, ito ang lumalamon sa kanilang kabuuang kita. “Papunta lang palagi sa diesel,” patuloy niyang binabanggit.
Ayon sa mga datos, umaabot ng humigit sa isang daang piso ang kada litro ng diesel, at dahil sa patuloy na pag-angat ng presyo ay hihigit na ito ng doble mula pa nang magsimula ang digmaan. Sa kasamaang palad, hindi kayang sabayan ng kita ng mga tulad ni Mang Toto ang patuloy na oil price-hike.
Sakripisyo sa gitna ng kawalan
Sa hirap ng sunod-sunod na taas-presyo, walang ibang magawa ang mga tsuper kung hindi ay mag-adjust at ipagpatuloy ang pakikipagsapalaran bawat araw.
“Mahirap po…mahirap po,” ani niya. Ang bawat pawis ni Mang Toto ay hindi lamang pagod sa trabaho, kundi ay pati na sa pagharap sa isang katotohanan na kahit maghapon pang bumiyahe, wala pa ring kikitain. Tila ang naiuwi na lamang sa pamilya ay bawas sa pagkain, dagdag sa pangamba, at walang tapos na pamamasada kahit hindi na sapat ang kita.
Sa ganitong sitwasyon, mas lalong naging imposible ang paglipat sa mga modernisadong jeepney. Nung tinanong kung kakayanin ba itong bayaran ng mga tsuper at operator, direkta ang sagot ni Mang Toto, “Hindi po.”
Ang kasalukuyang hirap na patakbuhin ang tradisyonal na jeep bitbit ng mahal na diesel ay tila magdodoble kung lumipat pa sa modern jeepney. Dagdag pa niya na hindi lang mga tsuper ang nahihirapan, “lahat ng operator umiiyak.”
Pagtanggap sa realidad
Dahil hindi sapat ang kita, napipilitan silang umutang. “Nalubog pa kami sa utang,” kwento ni Mang Toto.
Sa kabila ng sitwasyon, ramdam ni Mang Toto na kulang ang tulong mula sa gobyerno. Para sa kanya, mas kailangan munang tugunan ang patuloy na pagmahal ng langis, bago ipilit ang modernisasyon. Para sa kanya, patuloy lamang silang mahihirapan at mababaon sa utang kung hindi maayos ang pundasyon ng kanilang kabuhayan.
Iisa lamang ang panawagan ni Mang Toto, “Dapat ibaba yung presyo ng langis…okay lang sa amin yung pamasahe, basta yung diesel, paki-baba lang po.”
Sa gitna ng digmaan sa ibang bahagi ng mundo, ang epekto nito ay direktang ramdam sa pang-araw-araw na buhay ng mga tsuper. Habang patuloy ang lingguhang pagtaas ng presyo ng krudo, mas lalong nasusubok ang kanilang kakayahang kumita, mabuhay, at mangarap.
Ngunit para kay Mang Toto, mas mataas pa rin ang pangarap niya kaysa sa presyo ng langis. Pero kung magpapatuloy pa ang ganitong sitwasyon, wala nang magagawa si Mang Toto kundi itigil na ang pamamasada.