Sa hulma ng katahimikan: Ang ilusyon ng ‘mabuting babae’ ayon sa lipunang patriyarkal

Ano ba ang depinisyon ng “kababaihan” para sa karamihan?

Sino ang may karapatang magtakda kung sino ang maituturing na babae? Ang katawan ba, ang katahimikan, o ang pagsunod?

Ang pagiging babae ba ay nasusukat sa kakayahang magluwal ng buhay? Sa hubog ng katawan na inaasahang umayon sa mata ng lipunan? O sa paraan ng pagkilos— sa pagiging mahinhin, mahiyain, at marunong manahimik?

Sa loob ng mahabang panahon, tila may iisang hulmahan na paulit-ulit na ginagamit upang likhain ang “tamang” babae. Isang hulmahang hindi likha ng kababaihan mismo, kundi ng kasaysayan, kolonyalismo, at isang patriyarkal na lipunang matagal nang nagdidikta kung paano dapat umiral ang kanilang pagkatao.

Tinatayang bilyon ang bilang ng kababaihan sa buong mundo, ngunit hindi pa rin maikakaila na hanggang ngayon, hindi pa rin pantay ang pagtingin sa kanila. Sa isang banda, may mga babaeng nakapamumuno—CEO, lider, tagapagpasya. Ngunit sa kabilang banda, may mga kababaihang nananatiling nakakulong—sa mga batas na hindi sila pinapaboran, sa mga relasyong hindi nila pinili, at sa mga papel na ipinataw lamang sa kanila.

Sa Pilipinas, madalas nating ipagmalaki na “malaya” na ang kababaihan. Ngunit sa likod ng ganitong paniniwala, nananatiling buhay ang isang tahimik ngunit makapangyarihang pamantayan: ang babae ay dapat marunong umayon—dapat ay mahinhin, matiisin, hindi sumasagot. Dapat ay hindi lumalaban.

At sa sandaling lumihis siya sa hulmahang ito, kapag siya ay nagsalita nang malakas, tumindig nang matatag, o namuhay ayon sa sarili niyang kagustuhan, bigla siyang nagiging “sobra,” “bastos,” o “hindi na babae.”

Dito pumapasok ang isang mapait na katotohanan: sa isang patriyarkal na lipunan, tila minamahal lamang ang kababaihan kapag sila ay nakaayon sa iisang hulma: kapag sila ay tahimik, masunurin, at madaling tanggapin. Sa madaling salita, ang pagiging babae ay nagiging kondisyonal. Ito ay isang pagkakakilanlan na kailangang patunayan, na dapat araw-araw laging ipaglaban, na dapat laging panindigan.

Tanikalang Gumagapos 

Mula pa noong unang panahon, kalalakihan ang laging nasa unahan ng kasaysayan. Sila ang naglulunsad ng digmaan, kinikilalang tuklas sa agham, sumasakop sa mga lupain, at nagsusulat ng kasaysayang kadalasa’y pumapabor sa kanilang mga pangalan.

Samantala, ang kababaihan ay unti-unting itinulak sa gilid—ginawang tahimik na saksi, o kaya nama’y mga aninong dapat manatili sa likod ng mga lalaking kanilang pinaglilingkuran. Sa loob ng mahabang panahon, ipinagkait sa kanila ang maraming karapatan: ang makapag-aral, makapaglakbay, makilahok sa lipunan, at higit sa lahat, ang magpasya para sa kanilang sarili.

Ang ganitong sistema ay hindi lang sumulpot kung saan, bagkus ay bunga ng matagal nang umiiral na patriyarka. 

Ang patriyarka (patriarchy) ay isang sistemang panlipunan, politikal, at pang-ekonomiya kung saan ang politikal at ekonomikal na kapangyarihan ay nasa mga palad ng mga kalalakihan. Sila ang nangingibabaw sa pamumuno, sa moral na awtoridad, sa pribilehiyong panlipunan, at sa kontrol ng mga yaman. Sa sistemang ito, ang pagiging lalaki o ang mga katangiang inuugnay dito ang nagiging pamantayan ng kapangyarihan.

Hindi lamang ito tungkol sa mga isang indibidwal o isang paniniwala. Isa itong malalim at istruktural na sistema na humuhubog sa relasyon, pamantayan, at araw-araw na pamumuhay ng mga tao, at madalas ay hindi na natin namamalayan. Sa loob ng pamilya, karaniwan ang ama ang itinuturing na puno ng tahanan, ang pangunahing tagapagtaguyod, at ang huling may desisyon. Ang ina naman, sa kabilang banda, ang inaasahang manatili sa loob ng bahay bilang tagapag-alaga, tagapagsilbi, at tagapagtaguyod ng emosyonal na pangangailangan ng pamilya. 

Sa kultura nating mga Pilipino, malinaw na makikita ang bakas ng patriyarka sa ganitong sistema. Ang ama ang inaasahang kumayod at magpasok ng pera sa pamilya, habang ang ina ang tinatawag na ilaw ng tahanan. Sa unang pagtingin, marangal ang ganitong katungkulan—ngunit sa likod nito, kadalasa’y naitatali ang kababaihan sa walang katapusang gawain at responsibilidad sa loob lamang ng kanilang tirahan.

At kahit pa ang ina ay may sarili ring trabaho, hindi nawawala ang inaasahang papel niya sa tahanan. Pag-uwi mula sa opisina, hindi siya basta makakapagpahinga—sapagkat naghihintay pa rin ang kaniyang tungkulin sa pagluluto, paglilinis, at pag-aalaga sa pamilya. Samantala, ang lalaki ay mas madaling nabibigyan ng espasyo upang magpahinga, tila ba likas na karapatan niya ito.

Ang senaryong ito ay hindi lamang nakikita sa loob ng bahay. Sa mga opisina at institusyon, kadalasan ay sa kalalakihan pa rin ibinibigay ang matataas na posisyon—tila ba mas “natural” para sa kanila ang mamuno. Ang kababaihan, kahit kasing husay o higit pa, ay kailangang magdoble-kayod upang patunayan ang kanilang kakayahan.

Sa ganitong sistema, malinaw na ang kapangyarihan ay hindi pantay na naipamamahagi. At sa likod ng mga payak na eksena ng araw-araw—sa tahanan, sa trabaho, sa lipunan. 

Ito ang tanikalang patuloy na gumagapos at nagpapahirap sa mga kababaihan—ang pagtinging ipinapataw ng lipunang patriyarkal na sila’y dapat manatili sa kanilang “tamang lugar.” 

Sa Sukat ng Pagsunod

Ngunit hindi lamang sa mga istruktura at institusyon nakikita ang epekto ng patriyarka. Mas tahimik itong umiiral sa paraan ng paghusga: sa mga mata, sa mga bulong, at sa mga salitang tila normal na lamang nating binibitawan.

Sa araw-araw na pakikisalamuha, may mga hindi nakasulat na panuntunan kung paano dapat maging babae—mga pamantayang hindi ipinapahayag nang direkta, ngunit tahimik at mahigpit na ipinapatupad ng lipunan sa mga kababaihan.

Para mahalin at gustuhin ang isang babae, dapat siya’y mahinhin, may napatunayan, tahimik, marunong magparaya. Pinapahalagahan siya kapag siya’y maalaga, kapag inuuna ang iba kaysa sa sarili, kapag tikom ang kanyang bibig at hindi nagrereklamo.

Ngunit minamahal nga ba ang kababaihan kapag ganito?

Kung ang pagiging “tamang babae” ang sinasabing susi upang igalang at protektahan, bakit nananatiling mataas ang bilang ng karahasang nararanasan ng kababaihan?

Bakit sa kabila ng lahat, may humigit-kumulang 33,700 kaso ng Violence Against Women and Children (VAWC) pa ring naiuulat? Bakit nananatili sa 2,791 ang mga kasong rape? 

Ayon din sa mga ulat, iilan lamang sa mga kaso ang nairereport, marahil isa sa bawat sampu. Ang ibang mga biktima ay nananatiling nakakulong sa takot, hiya, at sa mapanghusgang mga matang pinipilit silang manahimik kaysa magsalita. 

Kung may tahimik na “batas” ang lipunan kung paano maging tamang babae, bakit may mga babaeng patuloy pa ring inaabuso?

Dahil ba sila’y lumabag sa mga pamantayang ito? Dahil ba sila ang may kasalanan kung bakit sila inaabuso’t pinagsasamantalahan? Dahil ba sila’y naging “masyadong malakas,” “masyadong malaya,” o “masyadong mapanukso”?

O baka naman, kailanman ay hindi magiging sapat ang pagsunod? Dahil ang tunay na problema ay hindi ang mga kababaihan, kundi ang sistemang patuloy na umaabuso at yumuyurak sa dignidad nila?

Kung gayon, malinaw na ang problema ay hindi kailanman ang kababaihan. Hindi ang kanilang pananamit, hindi ang kanilang boses, at lalong hindi ang kanilang pagkatao.

Ang problema ay isang sistemang patuloy na nagtatakda ng mga pamantayang hindi naman nito kayang panindigan—isang lipunang humihingi ng katahimikan mula sa kababaihan, ngunit hindi kayang ibigay ang kanilang kaligtasan.

At hindi lamang cisgender women ang nakakaramdam ng bigat ng mga kondisyong ito. Maging ang mga trans women ay patuloy na hinuhusgahan batay sa kung gaano sila umaayon sa makitid na imahe ng kung ano ang “babae.”

Para sa kanila, hindi lamang asal ang sinusukat—kundi pati ang kanilang mismong pagkakakilanlan. Kailangan nilang patunayan ang kanilang pagiging babae sa isang lipunang mabilis magtakda, ngunit mabagal umunawa.

Sa ganitong kalagayan, ang kanilang pagkababae ay nagiging mas doble ang kondisyon—hindi lamang dapat umayon, kundi dapat ding ipaglaban ang karapatang kilalanin.

Sa huli, iisa ang malinaw: ginagantimpalaan ng patriyarka ang mga babaeng sumusunod, at pinaparusahan ang mga babaeng lumilihis.

Ngunit kahit ang mga sumusunod ay hindi ligtas. Kahit ang mga tahimik ay sinasaktan. Kahit ang mga matiisin ay inaabuso. At sa puntong ito, nabubunyag na ang pagiging “mabuting babae” ay hindi proteksyon, kundi isang ilusyon lamang.

Kung gano’n, bakit kailangang may kondisyon ang paggalang sa kababaihan? Hindi ba sapat ang pagiging tao upang makamit ang dignidad at respeto? 

Panahon na upang kwestyunin ang mga pamantayang matagal nang itinuring na normal. Panahon na upang tigilan ang pagsukat sa kababaihan batay sa kung gaano sila kahusay umayon sa hulmahang hindi naman nila pinili.

Hangga’t ang lipunan ay patuloy na nagtatakda ng makitid na depinisyon ng pagiging babae, mananatiling kondisyonal ang pagkilala sa kanila.

Ngunit ang tunay na pag-unlad ay nagsisimula sa pagtanggi sa mga kondisyong ito—sa pagkilala na ang pagiging babae, sa anumang anyo, ay hindi kailanman dapat patunayan upang igalang.

Sapagkat ang respeto ay hindi gantimpala sa pagsunod—ito ay karapatang dapat ibinibigay nang walang kondisyon.

1 Votes: 1 Upvotes, 0 Downvotes (1 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...