Sa panahon ng mahal na bilihin, bakit mas kumakapit ang mga Pilipino sa 7-Eleven? 

Mig Anishi Zamora

Alas-dose na ng gabi, bukas pa rin ang 7-Eleven sa kanto.

May estudyanteng naghahabol ng deadline habang may hawak na microwaveable sisig rice. May call center agent na kararating lang mula graveyard shift at bumibili ng Crunch Time fried chicken bago umuwi. May manggagawa na imbes magluto ng pangbaon, dumiretso na lang sa ready-to-eat section dahil kulang ng oras.

Dati, “convenience” lang ang dahilan—pagkain kapag walang oras o sarado na ang ibang kainan. Ngayon, para sa marami, ito na ang isa sa pinakamurang paraan para mabusog. At dito mas makikita kung paano tahimik na binabago ng inflation hindi lang ang presyo ng pagkain kundi pati kung ano mismo ang kinakain ng mga Pilipino.

Presyong pataas, budget na pababa nang pababa

Nitong unang bahagi ng 2026, umakyat sa 7.2% ang inflation rate ng Pilipinas—pinakamataas sa loob ng tatlong taon. Sa simpleng salita, inflation ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa paglipas ng panahon. Kapag mataas ito, mas kaunti na ang nabibili ng parehong halaga ng pera.

Ramdam ito halos saanman.

Mas mahal ang bigas at karne. Mas mahal ang pamasahe. Mas mahal ang gasolina. Mas mahal kahit simpleng combo meal.

Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang pinakamalaking dahilan ng inflation spike ay ang pagtaas ng presyo ng pagkain, utilities, at transportasyon. Umabot sa 16.2% ang inflation ng transportation sector matapos tamaan ng global oil shocks at geopolitical conflicts ang presyo ng krudo. Habang 5.7% naman sa food and non-alcoholic beverages sector.

Kaya hindi nakapagtatakang mas maraming Pilipino ang naghahanap ng mas murang alternatibo sa pagkain. Isa sa pinakamadaling puntahan ay ang mga convenience store tulad ng 7-Eleven.

Sa gitna ng pagtaas ng bilihin, mas lumilinaw ang agwat ng kita at gastusin. Ayon sa isang datos ng PSA, kailangan ng isang pamilyang may limang miyembro ng hindi bababa sa ₱13,797 kada buwan para sa batayang pangangailangan. Ngunit kahit ang minimum wage earner mula sa private sector ay kumikita lamang ng ₱366-₱695 kada araw, mabilis din itong nauubos sa upa, kuryente, at pamasahe.

May trabaho, may kita, ngunit kapos pa rin dahil kinakain ng inflation ang tunay na halaga ng kanilang sahod.

Sa ganitong sitwasyon, nagiging praktikal ang bawat desisyon sa pagkain. Mas nagiging madaling pagkasyahin ang mas murang ready-to-eat meals ng 7-11 nang hindi na nangangailangan ng dagdag na gastos o oras.

Ang bagong bersyon ng “Mura lang ‘yan”

Matagal nang bahagi ng urban culture sa Pilipinas ang convenience stores.

Bukas sila 24/7. Nasa halos bawat kanto. May aircon, microwave, kape, at handang pagkain anumang oras ng araw. Maging mga kinakailangan sa bahay ay mayroon sila.

Kaya noong una, ang ready-to-eat meals ng 7-Eleven ay para lang sana sa kaginhawaan—pagkain kapag walang oras magluto o kapag sarado na ang ibang kainan. Ngunit ayon mismo sa Philippine Seven Corp. (PSC), iba na ang nangyayari ngayon.

Sa investor briefing ng kumpanya, sinabi ni Lawrence de Leon, Head of Finance and Investor Relations ng PSC, na lumalakas ang benta ng kanilang ready-to-eat meals dahil mas maraming consumers ang “down-trading.” Ang down-trading ay nangyayari kapag lumilipat ang consumers sa mas murang alternatibo dahil hindi na kaya ng budget ang dati nilang binibili.

Ayon kay de Leon, “Instead of people going to casual dining restaurants, going to the quick-service restaurants, they’re getting our Crunch Time instead and our ready-to-eat rice meals.”

Ngunit hindi maliit na pagbabago ito dahil sa loob ng maraming taon, fast food ang itinuturing na “pinakamurang kain sa labas” para sa ordinaryong Pilipino. Gayunpaman, sa ilalim ng inflation, pati ang tradisyunal na karinderya na itinuturing pinakamurang opsyon para sa lutong bahay na pagkain ay napipilitang magtaas ng presyo o bawasan ang serving.

Araw-araw silang bumibili ng sangkap sa palengke, kaya agad nilang nararamdaman ang pagtaas ng presyo ng karne, gulay, at kahit sibuyas. Nagreresulta ito sadating “pinakamurang ulam” ay hindi na ganoon kamura.

Sa ilalim ng ganitong sitwasyon, nagiging malinaw ang paghahambing sa pagkain sa labas: 

  • sa karinderya, nasa ₱70–₱100 ang bawat ulam tulad ng adobo, kung saan ang ₱200 ay humigit-kumulang dalawang kain lamang; 
  • ang fast food value meals ay nasa ₱75–₱119 dahil sa kanilang bulk supply systems; 
  • habang ang 7-Eleven ready-to-eat meals—tulad ng Busog Meals at Crunch Time—ay nasa ₱46–₱119.

Sa puntong ito, nagiging tatluhan ang laban—karinderya, fast food, at convenience store. Ngunit sa isang ekonomiyang tumataas ang presyo ng lahat, ang pinipili ay kung alin ang may pinakamababang hadlang sa pagitan ng gutom at busog. 

Malapit at mura

Hindi lang presyo ang dahilan, sapagkat malaking salik din ang accessibility.

Sa magkahiwalay na economic briefings, sinabi ni PSC Chair Victor Paterno na habang tumataas ang pamasahe at presyo ng gasolina, mas kaunting tao ang gustong bumiyahe pa papuntang palengke o supermarket para lang bumili ng pagkain. Mas praktikal nang bumili kung ano ang pinakamalapit.

At dahil halos nasa bawat lungsod, terminal, at kanto ang 7-Eleven, natural itong nagiging “fallback option” ng maraming Pilipino. Mayroon na itong higit 4,400 branches sa bansa at nakatuon ito sa “on-the-go” consumption sa pamamagitan ng ready-to-eat meals, 24/7 access, at madaling puntahan—kaya sila ang natural na takbuhan kapag kapos sa oras at budget ang mga mamimili.

Kung susuriin lamang ang per-serving cost, mas mura at mas masustansya ang lutong bahay. Ngunit sa reyalidad ng isang ordinaryong manggagawang Pilipino, hindi ganito kasimple ang matematika ng pamamalengke. 

Batay sa 2026 price monitoring ng Department of Agriculture, nananatiling mataas at pabagu-bago ang presyo ng mga pangunahing sangkap—kamatis (₱250–₱300/kilo), sibuyas (₱150–₱220/kilo), carrots (₱165–₱195/kilo), talong (₱95–₱120/kilo), at karne tulad ng pork giniling. 

Sa papel, maaaring umabot sa tatlo hanggang limang serving ang mga ito, ngunit nangangailangan ito ng hindi bababa sa ₱150–₱200 na panimulang gastos bago pa makapagluto. 

Dagdag pa rito ang mga nakatagong gastos ng pagluluto tulad ng LPG, mantika, condiments, at pamasahe papuntang palengke, na lalo pang nagpapataas sa tunay na halaga ng lutong bahay. 

At para sa may ₱50-P100 na lamang ang natitira, mas praktikal kung iisipin ang sumusunod:

  • Magluto sa bahay:
    • ₱150–₱200 para makapagluto 
    • dagdag pa ang LPG at ibang gastos. 
  • Fast food:
    •  ₱46 na Sisig Busog Meal
    • ₱81 na Crunch Time Chicken. 

Kapag kapos ang oras at kita, dito kumakapit

Hindi nakababahala na maraming Pilipino ang kumakain sa 7-Eleven. Ang nakababahala ay kung paanong ang mga pagkaing ginawa para sa kaginhawaan—mabilis, madali, pansamantala—ay nagiging pang-araw-araw na kapalit ng mas murang pagkain. 

Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin, lalo na ng pagkain, lumiit ang kayang bilhin ng parehong sahod; ang lutong bahay na dati’y pinaka-matipid ay unti-unting nagiging magastos. 

Kapag ang ready-to-eat meal ang pumalit sa lutong bahay, hindi ito simpleng pagbabago ng gawi—ito ay epekto ng ekonomiyang hindi na kayang sabayan ng kita. Hindi dahil iyon ang mas gusto, kundi dahil iyon na ang kasya; at habang dumarami ang umaasa rito, mas nagiging malinaw na ang “convenience” ay hindi na kaginhawaan, kundi huling opsyon.

Kung ang pagkain na ginawa para sa dali ang nagiging kapalit ng murang kain araw-araw, gaano pa kaliit ang natitira nating pagpipilian?

1 Votes: 1 Upvotes, 0 Downvotes (1 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...