
Makukulay na tarpaulin ang sumasaklaw sa kahabaan ng South Road Properties sa Cebu City, tila binabalot ng lungsod ang maruming ilog sa Barangay Pasil at Ermita sa isang panandaliang ilusyon ng kaayusan.
Sa mata ng motorista at turista, maayos at kaaya-aya ang tanawin; sa ilalim ng mga tolda, nananatiling lumulutang ang basura, dumadaloy ang dumi, at ang mga sapa ay sugatan sa polusyon. Ang tarpaulin ay pansamantalang tabing lamang sa lungsod na patuloy na humihingal sa kakulangan ng wastong waste management at pangmatagalang rehabilitasyon ng ilog.
Bilang host ng ASEAN Tourism Forum 2026, muling inilalagay ang Cebu City sa ilalim ng maliwanag na ilaw ng diplomasya at rehiyonal na pagpapakitang-gilas. Sa loob ng tatlong araw mula Enero 28 hanggang 30, inaasahang dadagsa ang mga delegado, exhibitor, at turista mula sa sampung bansa—lahat para ipagdiwang ang turismo, kalakalan, at kulturang Asyano. Ngunit kasabay ng pagtaas ng bandila ng kooperasyon, muling nalalantad ang tanong kung sino at ano lamang ang binibigyang pansin kapag ang lungsod ay nagiging entablado ng internasyonal na mata.
Sa ngalan ng kahandaan at magandang imahe, inuuna ng pamahalaang lungsod ang pagpapakinis ng mga pangunahing ruta at lugar na dadaanan ng mga bisita. Ang ganitong paghahanda, bagama’t mahalaga sa diplomasya at turismo, ay nagiging hadlang sa mas malalim at pangmatagalang solusyon sa problema ng kapaligiran. Kapag ang aksyon ay inuudyukan lamang ng pagdating ng mga dayuhang panauhin, ang rehabilitasyon ay nagiging pansamantala, at ang pangangalaga sa kalikasan ay nauuwi sa palabas—nakatuon sa kung ano ang makikita, hindi sa kung ano ang kailangang ayusin. Sa ganitong paraan, ang diplomasya ay nagiging tabing, at ang tunay na suliranin ay muling naiiwan sa likod ng kurtina.
Ang mga tarpaulin, bagama’t pansamantalang sumasaklaw sa nakakaakit na kalat, ay malinaw na simbolo ng urban na maskara: isang mabilisang lunas na itinatalikod ang matagal nang sugat ng lungsod.
Hindi man lantad sa mata ng publiko, nananatiling matindi ang suliranin sa kapaligiran sa Barangay Pasil at Ermita.
Sa tala ng Cebu City Environment and Natural Resources Office, mataas ang antas ng solid waste at fecal coliform sa mga ilog at sapa, lampas sa ligtas na pamantayan ng kalidad ng tubig. Lumulutang ang plastik, lata, tira-tirang pagkain, at dumi ng tao—mga kalat na hindi mawawala sa pamamagitan ng simpleng pagtatakip o pansamantalang “pagpapaganda” ng tanawin.
Basura na hindi nakokolekta, kakapusan sa wastewater treatment, at pagkaantala sa rehabilitasyon ng sapa, ito ang nagpapatindi sa polusyon, nagdudulot ng pagbaha, at nagbabantang sirain ang kalusugan ng komunidad. Ang tarpaulin ay panandaliang tabing lamang sa sugatang tanawin; sa ilalim nito, nananatiling pilay ang ilog, humihingal ang kalikasan, at ang lungsod ay nakatayo sa harap ng suliraning matagal nang dapat lunasan.
Ilipat ang mga residente sa maayos na relocation site na may kumpletong serbisyong pabahay, kuryente, at malinis na tubig, upang hindi na sila mapilitan o madagdagan ang polusyon sa sapa. Ang dating basurang daanan ay maaaring gawing eco-park na may luntiang hardin, community compost stations, at maayos na daluyan ng tubig. Maaari rin itong gawing cultural boardwalk na nagtatampok ng lokal na sining mula sa recycled materials at impormasyon sa tamang pagtatapon ng basura, upang ang bawat bisita at residente ay matutong pahalagahan ang kalikasan habang naglilibang at natututo.
Hindi ganito kababaw ang suliranin. Walang saysay ang pagbanggit sa monitoring, pasilidad, at batas kung ang mga ito ay naaalala lamang kapag may bisitang darating o kamera na nakatutok. Habang kapos ang lungsod sa maayos at tuloy-tuloy na sistema, patuloy namang ginagawang tapunan ang sapa ng mga taong alam ang tama ngunit pinipiling balewalain ito.
Ang bawat plastik na sinasadyang ihulog sa tubig ay hindi simpleng kalat kundi tahasang pagwawalang-bahala sa kapwa at sa lungsod. Hindi ito naglalaho; dinadala ito ng agos at ibinubuhos ang pinsala sa mas malalayong komunidad gaya ng Lapu-Lapu at Cordova. Sa ganitong kalagayan, malinaw na ang problema ay hindi lamang kakulangan ng pasilidad o pamahalaan, kundi kultura ng kapabayaang patuloy na hinahayaan, tinatanggap, at inuulit ng mismong mamamayan.
Ang ganitong kilos ay hindi basta usapin ng disiplina, kundi bunga ng matagal nang kulturang hinubog ng kapabayaan, kakulangan, at normalisasyon ng mali. Sa paglipas ng panahon, natutong makibagay ang tao sa sirang sistema, hanggang ang sapa ay itinuring na likas na basurahan at ang dumi ay naging bahagi ng tanawin.
Sa ganitong baluktot ng ugnayang panlipunan at pangkalikasan, ang lungsod ay hindi sumisigaw kundi unti-unting nauupos, pinapasan ang pinsalang paulit-ulit na ipinapamana. Hangga’t hindi binabasag ang siklong ito ng nakasanayan at pananahimik, mananatiling umiikot ang polusyon, at kasabay nitong babalik ang pagbaha, sakit, at tuluyang pagkasira ng kalikasang matagal nang inaabuso.
Sa likod nito, nananatili ang maruming ilog at sugatang sapa, pinapasan ang kapabayaan ng tao. Ang lungsod ay humihingal sa sariling kalat, at ang bawat hakbang ng walang malasakit ay nag-iiwan ng peklat sa lupa at tubig. Ang tunay na pagbabago ay hindi mailalagay sa tela o kulay ng kalsada; ito ay nabubuo sa bawat kamay na naglilinis, sa bawat pusong nagbabantay, at sa bawat desisyong igalang ang kalikasan.
Hangga’t ang aksyon ay nauuna lamang kapag may bisita, mananatiling isang kalat na ‘di mapapawi ang sugatang lungsod.