
Carl Kristofe Malinao
Matapos ang paggunita sa ika-10 anibersaryo ng pagkapanalo ng Pilipinas sa 2016 Arbitral Tribunal hinggil sa West Philippine Sea, nagpahayag ng suporta ang 13 bansa sa arbitral ruling at hinikayat ang Tsina na igalang at sundin ang naging pasya ng tribunal.
Kabilang sa 14 na bansa ang Pilipinas, Australia, Canada, Estonia, Germany, Italy, Japan, Latvia, Lithuania, New Zealand, Romania, Slovenia, United Kingdom, at ang Estados Unidos na iginiit na ang pagkilala ay ‘pinal, may bisa ayon sa batas, at dapat sundin ng Tsina’.
“We reaffirm that maritime disputes must be resolved peacefully and in accordance with UNCLOS. We reaffirm that the Award rendered ten years ago by the Arbitral Tribunal is a significant milestone and is final, legally binding, and definitive between China and the Philippines with respect to the maritime entitlements and claims addressed by the Arbitral Tribunal,” ayon sa kolektibong pahayag ng 13 bansa.
Muli namang iginiit ng 14 bansa ang kanilang matinding pagtutol sa anumang aksyong ikasisira sa katatagan o mga unilateral na hakbang, kabilang ang paggamit ng puwersa o pamimilit na nagbabanta sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon.
Bagama’t naipanalo ng Pilipinas ang kaso sa 2016 Arbitral Tribunal, sa loob ng sampung taon ay makikita ang hindi pagsunod ng Tsina sa pagkilala at patuloy na pag angkin ng bansa sa West Philippine Sea.
“China has repeatedly stated the so-called ruling is illegal, invalid, and has no binding force. China neither accepts nor recognizes it, and we will not accept any claims or actions based on the ruling,” ani ni Chinese Foreign Ministry Spokesperson Mao Ning, ukol sa ika-10 anibersaryo ng 2016 Arbitral Tribunal.
Mariin naman itong itinanggi ng Department of Foreign Affairs (DFA). Binigyang-diin ng kagawaran na ang pasya ay inilabas sa ilalim ng isang arbitral tribunal.
“So what is this arbitral award for me now? It’s not just an award for the Philippines, but an award for the world because it institutes the peremptory nature of UNCLOS and it guards UNCLOS against revisionist attempts by selfish and tyrannical, and autocratic powers.” Ani ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr.
Mapapansin na sa 14 na bansang ito, maliban sa Pilipinas, tanging Japan lamang ang nagmula sa Asya. Nananatiling isang sensitibong usapin sa rehiyon ang arbitral award, lalo na sa Timog-Silangang Asya na kinabibilangan ng Pilipinas, dahil na rin sa ugnayang bilateral ng ilang bansa sa China.
Sa kasalukuyan, bagama’t sampung taon na ang nakakalipas ay hindi pa rin kinikilala ng Tsina ang Arbitral award, bagkus patuloy pa rin ang pag angkin ng bansa sa West Philippine Sea.
Hanggang ngayon, patuloy ang panghaharang ng Chinese Coast Guard sa mga mangingisdang Pilipino sa pamamagitan ng water cannon, pagputol ng mga anchor line, at sapilitang pagpapaalis sa kanilang tradisyunal na pangisdaan.
Bunga nito, ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ay apektado ang pamumuhay ng tinatayang 35,000 mangingisda at kanilang mga pamilya na ang pangunahing pinagkukunan ng hanapbuhay ay ang pangingisda sa West Philippine Sea.