Mga anak ng UP Los Baños Komunikasyong Pangkaunlaran, handa nang maglinkod sa bayan

Noong nakaraang taon, mahigit pitong daang libong Pilipino ang nagtapos ng kani-kanilang mga bachelor’s  degree. Marami ang hindi na muling tatapak sa unibersidad matapos ang kolehiyo, sapagkat sa kasalukuyang kalagayan ng daigdig, ang edukasyon ay isang pribilehiyo para sa marami. . 

Lalo na sa programang Development Communication (DevCom) na ginagamit ang agham ng komunikasyon tungo sa indibidwal at panlipunang pag-unlad, ang pagtatapos ay isa lamang paalala na ang pagkatuto at pagsisilbi ay nagsisimula pa lamang sa oras na ilipat ang sablay mula kanan tungong kaliwang balikat.

Sa Unibersidad ng Pilipinas-Los Baños (UPLB) kung saan nagsimulang yumabong ang DevCom, ang mga magtatapos ng bachelor, master at doktor ng agham, at pilosopiya, ngayong taon ay itinuturing na isang “prototype” o Proto:type ayon sa Department of Educational Communication na pinamunuan ang UPLB College of Development Communication (CDC) Testimonial and Recognition Program nitong nakaraang Hulyo 1.

Kuwento ni Renz Frances ‘Ces’ Abagat-Marique, isang gradweyt ng BSDC, ang DevCom ay isang “full circle moment” sa kaniyang mga trabaho.

“Ang saya ng pakiramdam na kung ano ‘yong tinapos ko bilang EdCom major [noon], ‘yon din ang nagagawa ko ngayon. Lahat ng inaral ko at natutuhan ko ngayon while nasa department ay continuous kong inaapply sa research, extension, and public service activities na nilelead o kabilang ako, nandoon ang devcom,” aniya.

Ngayon, siya ay ang University Extension Associate at Affiliate Instructor sa Department of Educational Communication ng  CDC-UPLB kung saan pinangungunahan niya at kinabibilangan niya niya ang maraming partnership projects ng Kolehiyo at Unibersidad sa mga kalapit na paaralang elementarya sa Los Baños.

Sa kasalukuyan, ang non-formal education at pagpapalawak ng akses sa edukasyon  ang dalawa sa binibigyang-diin ng Kagawaran ng Educational Communication at CDC. Ayon kay Dr. Mildred O. Moscoso, Propesor: “Lately, we’ve been working with organizations involved with learning — mayroong adult learning and pambata pero lahat ay focused sa informal at non-formal education.”

Pinaliwanag ni Dr. Moscoso bilang host ang nahulmang tema, “Proto:type: becoming in the service of others,” noong Miyerkules sa harap ng halos dalawang-daang miyembro ng BSDC Class of 2026.  

We take comfort in knowing that we are imperfect human beings, constantly improving, growing, and becoming, striving to become better versions of ourselves in the service of others,” ayon sa post ng Kolehiyo, binibigyang-diin ng temang ito  na sila ay mga anak ng komunikasyong pangkaunlaran at mga magpapatuloy sa diwa ng lingkod-bayan.

Narito ang ilan sa mga magtatapos ng BS at MS in Development Communication at ang bitbit nilang dahilan sa pagtahak sa daang ito at kung saan patungo ang kani-kanilang bersyon ng Proto:type. 

Para kanino nga ba talaga ang DevCom?

Para sa mga kababaihan sa kanayunan! 

Ito ay ayon kay Juthea Anne Gonzales, isang Magna Cum Laude. Aniya, “Lagi’t lagi para sa marhinaladong sektor. Isa na rito ang kababaihan sa kanayunan na hindi pa tunay na natatamasa ang karapatang pantao at boses sa pagdedesisyon. Patuloy ang laban para sa pagkilala ng gampanin nila sa tahanan, pamayanan, at agrikultura.”

Para sa mga bata

Ito naman ang isinaad ng isa pang Magna Cum Laude na si Caitlin Rose Almoro. 

Para sa kaniya, “Ito’y para sa mga bata dahil kung iniimagine natin na isang araw ay magkakaroon tayo ng fulfilled individuals, kailangan, from the very start ay iniinclude na rin natin sila sa mga usapan.”

Siya ang ginawaran ng kolehiyo ng 2026 Outstanding Undergraduate Research Award para sa kaniyang natatanging pagsisikap sa komunikasyong pangklima para sa mga bata at early childhood education. 

Para sa mga magsasaka

Para sa taga-Nasugbu, Batangas na si Arianne Joy de Torres na nagtapos din bilang Magna Cum Laude, ang kaniyang suot na sablay ay hindi lang para sa kaniya kundi para rin sa mga magsasaka mula sa kanilang lugar at sa buong bansa. Nais niyang gamitin ng lahat ang kanilang natutunan sa mas malaking layunin na paunlarin at paalingawngawin pa ang mga batayang sektor. 

Saad niya, “Para ito sa masang ating pinaglilingkuran, sa mga komunidad na binisita at hindi natin binisita sa apat na taon natin sa Development Communication.” 

Para sa mga pangkaraniwang tao 

Ganito naman ang naging sagot ni Paolo Miguel Alpay, Cum Laude.

Para sa pangangailangan ng inklusibong impormasyon

Ibinahagi naman ni Lovely Rhed Sayco na isang Magna Cum Laude na ang programang kaniyang kinuha at tinapos ay para sa lahat ng walang akses sa tama at sapat na impormasyon, anuman ang edad, kasarian, o pinanggalingan. 

“Gamit man ang modernong mobile phones o simpayak man ng papel at lapis, lagi’t laging tutulayin ng devcom ang puwang na naglalayo sa mga tao sa paggawa ng matalinong desisyon,” dagdag niya.

Para sa bakla, babae, at bata

“Ang komunikasyon na ‘to ay para iangat ang mga tao sa laylayan at bigyan ng boses ang mga hindi naririnig mula sa kasulok-sulukan ng lipunan,” wika ni Mervin Delos Reyes, Magna Cum Laude. Iniaalay niya ang kaniyang sablay para sa karapatan ng kababaihan, mga bakla, at edukasyon ng mga bata. 

Para sa mga inaagawan ng boses

Ayon naman kay Josiah David Marcelo, Magna Cum Laude, “Ang development communication ay para sa tao, para sa bayan, para sa publiko, para sa mga walang boses, para sa mga inaagawan ng boses at para sa mga dapat madinig ang kanilang mga boses!”

Para sa pagharap ng stigma at diskriminasyon

Ibinahagi ni Jiana Valerie Buenafe, Cum Laude na ang DevCom ay para sa mga kababaihang naglalakbay sa gitna ng mga hindi tiyak na kondisyon.

“Ito ay para sa mga artisanong patuloy na binubuhay ang unti-unting nawawalang industriya na siya ring kanilang ikinabubuhay. Ito ay para sa mga taong may mga kapansanang hindi nakikita ngunit araw-araw na kinahaharap,” saad niya.

Dahil sa huli, para sa kaniya, ang DevCom ay para sa mga may boses ngunit patuloy na pinatatahimik ng stigma, diskriminasyon, at kawalan ng pagkakataong marinig.

Para sa layong makasama ang taumbayan

Para naman kay Guien Eidrefson Garma, isang instructor at nagtapos ng MSDC, lahat ng kaniyang ginagawa sa DevCom ay inaalay niya sa bata at sa mga mamamayang kaniyang pinaglilingkuran at kasama niya. 

“It’s a field that allows us not just to be for the people, but with the people which is most important in integrating the development that matters,” saad niya.

Lagi’t lagi, para sa bayan

Bilang mga Iskolar ng Bayan at nagtapos ng kursong nakaugat sa pag-aalay ng sarili para sa ikabubuti ng nakararami, lahat ng kanilang natutunan sa loob ng pamantasan at mula sa mga realidad na kanilang nasilayan, mga kuwentong napakinggan, at mga kapuwa Pilipinong nais nilang mapaglingkuran — gagamitin nila ang lahat na  ito para sa ikauunlad ng bayan.

1 Votes: 1 Upvotes, 0 Downvotes (1 Points)

Leave a reply

Previous Post

Next Post

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...