
Christia Chloe Amarilla
Mahigit 32,000 pampublikong paaralan ang hindi pa nakapangalan sa Department of Education, isang legal na isyung may direktang epekto sa pagpapatayo ng mga silid-aralan at pagpapabuti ng imprastraktura ng edukasyon.
Batay sa datos ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2), 32,424 o 69% ng mga pampublikong paaralan sa bansa ang hindi pa nakapangalan sa Department of Education (DepEd).
Samantala, 7,075 paaralan o 16% lamang ang may opisyal na titulo, habang 7,373 paaralan ang nasa yugto pa ng paglilipat ng pagmamay-ari ng lupa.
Bagama’t tila usaping administratibo lamang sa unang tingin, sinabi ng EDCOM 2 na ang kawalan ng legal na pagmamay-ari ng mga school site ay may direktang epekto sa pagpapatupad ng mga proyektong pang-imprastraktura ng pamahalaan.
Ayon sa komisyon, kinakailangang malinaw na nakapangalan muna sa DepEd ang lupang pagtatayuan bago maaprubahan at maisakatuparan ang maraming proyektong pinopondohan ng pamahalaan, kabilang ang pagpapatayo ng mga bagong silid-aralan, laboratoryo, at iba pang pasilidad.
Dahil dito, kahit may nakalaang pondo para sa mga proyektong pang-edukasyon, maaari pa ring maantala ang kanilang implementasyon kung nananatiling walang titulo ang lupang kinatatayuan ng paaralan.
Mas lumalala ang sitwasyon dahil 6,045 sa mga pampublikong paaralang walang titulo ang kabilang din sa mga nakararanas ng matinding kakulangan sa silid-aralan.
Nangangahulugan ito na ang mga paaralang higit na nangangailangan ng karagdagang pasilidad ang siya ring nahaharap sa isa sa pinakamalalaking hadlang sa pagpapalawak ng kanilang imprastraktura.
Dahil sa pagkaantala ng mga proyekto, maaaring magpatuloy ang kakulangan sa mga silid-aralan at iba pang pasilidad sa ilang pampublikong paaralan.
Ipinunto ng EDCOM II na iba-iba ang dahilan kung bakit nananatiling walang titulo ang maraming school site. Ang ilan ay itinayo sa mga lupang ipinagamit lamang ng mga lokal na pamahalaan, idinonate ng mga pribadong indibidwal, o nakapangalan pa rin sa ibang ahensiya ng gobyerno.
Sa ilang kaso, ilang dekada nang ginagamit ang mga lupang ito bilang paaralan ngunit hindi pa rin natatapos ang legal na proseso ng paglilipat ng pagmamay-ari.
Bilang tugon, isinusulong ng komisyon ang Senate Bill No. 1877 o Public School Sites Titling and Protection Act, na naglalayong pabilisin ang paglilipat ng titulo ng mga school site sa DepEd at maprotektahan ang mga ito laban sa mga alitan sa pagmamay-ari.
Ayon sa EDCOM II, ang pagkakaroon ng malinaw na titulo ay hindi lamang magpapabilis sa pagpapatayo ng mga bagong silid-aralan at iba pang pasilidad, kundi magbibigay rin ng pangmatagalang seguridad sa mga pampublikong paaralan at magpapadali sa pagpapatupad ng mga proyektong pang-edukasyon.
Batay sa ulat ng EDCOM II, ang kakulangan sa mga silid-aralan ay hindi lamang bunga ng limitadong pondo o patuloy na pagdami ng mga mag-aaral. Isa rin itong usapin ng legal na pagmamay-ari ng lupa na nakaaapekto sa pagpapatupad ng mga proyektong pang-imprastraktura.