Hindi weather-weather lang

Ito ay isang bukas na liham sa mga lider na makupad kung mag-anunsyo ng suspensyon ng klase: Palaging tandaan, ang suspensyon ay hindi basta weather-weather lang.

Ito ay porma ng garantiya sa ating karapatan tungo sa makataong edukasyon, at higit sa lahat, sa ligtas nating pamumuhay na naisakripisyo sa pagwawaldas ng mga nasa kapangyarihan sa perang dapat sana’y nakalaan sa pagkontra sa baha.

Sa pagdaluyong ng Bagyong “Opong” sa bansa, isa lang ako sa mga matang hindi makapikit, nag-aantay sa dis-oras na anunsyo ni Mayor, o kaya’y naghahanda na para lumikas bago pa abutin ng baha. Umabot sa 11 katao ang napaslang ngayon at 14 ang nawawala pa habang halos 400,000 naman ang nasa evacuation centers. Sa gitna ng krisis na ito, parusa sa mga tulad naming binabaha ang paghihintay—kaya dapat na agaran at walang pag-aagam-agam ang pag-suspinde sa mga klase.

Iisa lang naman ang litanya ng mga mayor sa tuwing nagrereklamo tayong mga estudyante: “Huwag puro reklamo,” “Huwag puro asa sa suspensyon,” o kaya’y “Maarte, hindi naman umuulan.”

Totoo naman na bahagi rin ng problemang ito ang ilang estudyante na ipinagdarasal pa ang paglala ng unos upang makansela ang klase—dahilan upang mawalan ng tiwala ang iba sa reklamo ng mga tunay na inaanod ng krisis. Sayang rin naman talaga ang mga araw na lumilipas sa tuwing ipinapagliban ang klase kung ‘di naman uulan.

Pero nanghihinayang din naman siguro ang kalakhan ng mga mag-aaral sa panahong nasasayang imbes na matuto sa silid-aralan.  Hindi ba dapat na sa panahon ng krisis ay nakalinya ang ating mga tugon sa pinakamalalang posibilidad? Hindi ba dapat ay hindi natin pinaglalaruan ang mga pagkakataon? 

Kahit pa may tsansang umaraw mamaya, iaasa mo ba rito ang kaligtasan ng mga mag-aaral? Kung totoo man na umigi ang panahon, maganda—pero maglilikas pa rin ako ng mga gamit namin o kaya’y maglilimas ng putik mula sa baha kahapon. At kung lumala ang panahon? Siguro, nasa evacuation center na kami o kaya’y nasa bahay pa rin, sinusubukang maisalba ang mga maisasalba pa. Kahit ano pa man ang mangyari, talo pa rin kaming mga estudyante.

Sa bawat pagaagam-agam sa suspensyon, ang mga estudyante ang naiipit. Hindi naman talaga natin mahuhulaan ang bugso ng hangin, lakas ng ulan, at daanan ng bagyo. Kung kaya’t imbes na tumuon tayo sa hinuha ng PAGASA, hindi ba dapat na maging empatiko ang ating pagsususpinde ng klase, lalo pa at hindi rin naman perpekto ang ating weather systems.

Kamakailan lang, inako ni Department of Interior and Local Government (DILG) secretary Jonvic Remulla ang problemang idinulot kanilang delayed na suspensyon noong Setyembre 1, dahil hindi niya inasahang magbabago ang timpla ng panahon pagsapit ng alas-tres ng madaling-araw. Dahil dito, naibaba lamang ang pagkansela sa mga pasok kung kailan nakabiyahe na ang karamihan sa ilalim ng masamang panahon. Nitong Hulyo 21 rin, sa bugso ng Bagyong Dante, hapon na naianunsyo ang suspensyon sa trabaho at klase kung kaya’t inabot ng matinding daluyong ang mga pang-umaga sa pasok. 

Kung imbes na sinusubukan nilang hulaan ang panahon ay agaran na lamang kinansela ang pasok, hindi na sana kinakailangan pang sumuong sa krisis ng mga mamamayan. 

Tandaan, iba-iba ang sitwasyon ng mga estudyante sa kani-kanilang tahanan. Maaaring malakas lamang ang ihip ng hangin sa amin, pero binabaha na pala sa ibang lugar—tama bang pagsabihan ang mga humihiling ng suspensyon dahil maaliwalas ang langit sa amin? Hindi. 

Ang pagsususpinde ay dapat nakalaan para sa nasa pinakamaselang kalagayan. Tayo dapat ang umintindi sa kanilang sitwasyon, hindi ‘yong ipagdaramot pa natin ang kaunting pag-intindi sa panahon ng delubyo. 

May mga nagsasabi pang maaari namang hindi papasukin ng mga magulang ang kanilang anak kung sakaling hindi maalwan ang panahon, pero sino ba ang niloloko natin? Lumaki ako sa komunidad na may pagpapahalaga sa edukasyon—at kahit minsa’y masama ang pakiramdam ko, kinakailangan ko pa ring igaod ang pagpasok sa klase. 

Hindi ito pagroromantisa sa aking kalagayan, bagkus pagpapakatotoo lamang sa realidad ng karamihan sa mga estudyanteng nababagabag tuwing tag-ulan. Kung maraming estudyante ang pumasok sa paaralan, mahuhuli ako sa klase, at kung walang konsiderasyon ang aking guro? Malamang hindi ko na mahahabol ang mga hindi ko naabutang aktibidad.

Kung maaga ang suspensyon, marahil ay mas makakatugon ako sa mas agaran kong pangangailangan—makalikas. Hindi na sana mahahati ang atensyon ko sa kung ano ang dapat kong unahin: bakit nga naman kailangan ko pang mamili sa pagitan ng aking kaligtasan at karapatan? 

Para sa isang bansang tila araw-araw na lamang nalulugmok sa baha, bakit nananatiling sarado ang utak ng karamihan sa paghihirap na dinaranas naman nating lahat? Bakit tila dapat ay lunukin na lang, hindi lamang ng mga estudyante, bagkus pati na ang mga empleyado, ang paglusong sa unos?

Ang suspensyon ay isang karapatan. Karapatang unahin ang iyong sarili sa panahon ng kalamidad. Hindi lang ito para sa mga estudyante—para rin ito sa mga gurong kailangan pa ring isuong ang matinding kalbaryo kaysa unahin ang sariling pamilya, para rin ito sa mga empleyadong kailangan pa ring pumasok upang hindi mabawasan ang sahod—para ito sa ating lahat na lugmok na nga sa baha, malulugmok pa sa ibang aspeto ng buhay. 

Kaya huwag rin sana natin, bilang mga kapwa estudyante, gawing laro ang suspensyon. Huwag nating ipagdasal ang pagtindi ng bagyo o kaya’y tratuhin itong bakasyon sapagkat ang maayos na tahanan at ligtas na lugar ay pribilehiyo sa isang bansang laging binabaha. Sa tuwing pinapagaan natin ang bigat ng krisis online, bumibigat ang daluyong nito sa likod ng mga tunay na naaapektuhan. Ito ang dahilan kaya nababahiran ng masamang imahe ang paghiling sa agarang suspensyon ng klase—kaya maraming naiipit sa pagitan ng unos at dekalibreng edukasyon. 

Pero mananatiling nasa kamay ng gobyerno ang responsibilidad sa bawat nahuhuling suspensyon. Sapagkat sa panahong masusuri natin ang kapabayaan ng gobyerno sa pondo kontra baha, wala silang karapatan upang batikusin ang mga mamamayan na naapektuhan ng kanilang kagahaman sa pera. Magsuspinde agad kung kinakailangan. Hindi na ito dapat pagmakaawaan pa.

3 Votes: 2 Upvotes, 1 Downvotes (1 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...