Singko kayo sa’min

Para sa nakikibakang kapuwa estudyante, kapatid, at kaibigan: hindi kailanman matatawaran ang naging kontribusyon ng kabataan tungo sa demokrasya at kinabukasan ng bansa. 

Sa tuwing sasapit ang ika-17 ng Nobyembre, ipinagpupunyagi ang International Student’s day. Itinatanghal ang pandaigdigang gunita sa mga estudyanteng Czeckoslovakian na pinatay ng mga Nazi noong 1939 dahil sa paglaban sa okupasyon.  Ang diwa nito ay buhay sa puso ng Pilipinas. Sa pamamagitan ng Republic Act 11369 ipinanukala ng dating Presidente Rodrigo Duterte, nagsisilbi ang araw bilang panawagan sa kabataan na yakapin ang pag-ibig sa bayan at pananagutang panlipunan.

Ang araw na ito ay dapat sana’y nagtataguyod ng kolektibong karapatan sa edukasyon at proteksyon ng kalayaang pang-akademiko. Ngunit habang isinasasabit ang mga bandera at isinasagawa ang mga aktibidades bilang pagpupuri, hindi maiiwasan ang palaisipang: “Ito ba ay isang pagdiriwang o isang malaking biro?”

Yari. Mukhang singko tayo rito. Sapagkat ang administrasyon, na dapat namumuno sa patuloy na pagsulong ng sambayanan, ay paulit-ulit bumabagsak sa pagsusulit ng demokrasya, dahil sa aktibo nitong pagsupil sa critical dissent na layong bigyan-pansin ang mga krusyal na isyu.

Pinapatawan mismo ng estado ang mandato nito ng failing grade na tahasang kapinsalaan sa pakikialam, adbokasiya, at pagtindig ng mga mag-aaral.

Sa anong paraan nga ba lalong nalulupig ang mandato ng edukasyon? Kailangan lamang nating pakinggan ang isinisigaw ng mag-aaral. Hindi simpleng reklamo ang mga ito, kundi tugon sa matinding pagbawas ng pondo para sa sektor ng edukasyon. Hindi kulang ang kanilang pagtangis, sadyang nagbibingi-bingihan ang pamahalaan sa kanilang hinaing: ang ₱9.1 bilyong kakulangan sa pondo ng PUP, ang ₱2.08 bilyong bawas sa badyet ng UP, at ang patuloy na pagkabulok ng mga silid-aralan at pasilidad na tila ipinapakitang hindi prayoridad ang karapatan sa de-kalidad na edukasyon. 

Kinakailangang suriin at demandahin ang pananagutan ang estadong tumalikod sa tungkulin. Nakalulugmok na sa loob mismo ng mga pamantasan, nararanasan ang represyon: pinipigilan ang pagkilala sa student councils, binabantaan ang student journalists, at sinasakal ang mismong kalayaang pang-akademiko.

Kung ipinagdiriwang ng estado ang National Students’ Day habang sinisikil ang tinig ng mga estudyanteng naglalantad ng korapsyon at budget cuts, malinaw na hungkag ang selebrasyong ito. Isinasantabi nito ang isang napakahalagang sektor na representante sa boses hinaharap, at bukas ng pinapangarap.

Kung nais natin maging makabuluhan ang ipinapaglaban, kinakailangang kongreto ang magiging hakbang tungo sa tunay na pananagutan. Nararapat na agad ipatupad ang publikong paglalabas ng detalyadong badyet ng bawat SUC. Isang malinaw na itemized list na maiintindihan ng kahit sa sinong mamamayan. Kinakailangan ding obligahin ng Commission on Higher Education (CHED) at Department of Budget and Management (DBM) na makapaglabas ng regular na ulat ukol sa paggamit ng pondo kada ikatlong buwan upang makilatis kung saang lupalop nga pa napupunta ang kaban para sa edukasyon. 

Kasunod ng mga accountability measures na ito, isang malaking bagay ang institusyonalisado, aktibo, epektibo, at episyenteng pakikilahok ng mga estudyante sa gawi ng tunay na kinatawan sa lahat ng policy-making bodies na may boto, papel at kapangyarihang makialam sa mga pagpapasya’t problemang direktang nakaaapekto sa kanila.

Higit sa lahat, dapat maipatupad ang mga repormang ito bago pa tuluyang muling ipasa ang susunod na pambansang badyet. Sumunod dapat sa dedlayn. Hindi sa isang malabong “next year” kundi ngayon. Habang may oras pang maisaayos ang lumalalang krisis sa demokrasya sa edukasyon.

Malinaw ang hatol, at kinikilalang ang estado ang nararapat bumawi. Ang mga pandagdag na gawain ay hindi makakabawas sa paglapastangang ito. Kung hindi sila kikilos, tayo ang gagalaw. Dahil ang kapalaran ng bansa ay hindi hinihintay. Bagkus, ito ay inaagaw mula sa salawa at ipinapaglaban.

4 Votes: 4 Upvotes, 0 Downvotes (4 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...