
Micah
okay lang na walang makain, basta kasama kita
kuntento na sa daing at kutsinta, basta magkasalikop ang ating mga paa
sa pasko, hindi na natin alintana ang lamig
sapat na rin ang pan de leche bilang handa
dahil wala tayong limang daan, pero ayos lang kasi kinakagat naman natin ito bilang alay ng pagmamahalan
pero naisip mo rin ba,
kung salop ng kaliwang kamay mo ang kanan ko
maaangkin natin ang pasko?
makakalaya ba ang bawat sulok ng katawan ko sa kumot ng kahirapan?
iyong tipong hindi na ako hahamugin
dahil hindi na karton ang bahay natin
hindi na tayo nakikipag-usap sa kalye
at mga regalo na ang ating binubuksan sa halip na mga tirang pagkain
kinumpleto ko ang simbang gabi
at ang wish ko lang: kung hindi ko man maukit ang pag-ibig ko sa balat mo bilang tanda na umabot tayo sa pasko, sana makapulot nalang ako ng limang daan
para mabili ko ang noche buena na sapat sa hapag
hindi naman masama ang mangarap
wala ring batas kay Santa na may hangganan ang antas ng mga bagay sa wish list ko
malay mo, bukas makalawa,
maabot natin ang rurok ng saya sa pasko
at hindi na tayo makukuntento sa tira-tira
matututunan na nating maging ambisyosa
hindi man ngayon, pero baka sa susunod pa
malay mo, bukas makalawa
limang daang pan de leche na ang nasa mesa
You must be logged in to post a comment.
John Miguel
Ang galing grabe, nalungkot na kinilig ako at the same time. Mangyari nawa ang lahat ng mga sana natin, bukas makalawa.