
Sa bawat sindi ng sigarilyo, natutupok ang katawan sa mga kemikal na nagdudulot ng sakit. Sa harap ng matagal nang panganib na dulot nito, patuloy ang paghahanap ng ilan sa mga alternatibo—mga anyong naiiba man sa nakasanayan, ngunit nananatiling may kaakibat na panganib.
Ang nakitang pamalit sa tradisyunal na sigarilyo ay ang electronic cigarette (e-cigarette), na kumpara sa nakasanayan ay walang tobacco o tuyong dahon ng Nicotiana, ngunit naglalaman ng likidong may nikotina, pampalasa, at iba pang kemikal, at pinapagana ito ng baterya.
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang epidemya sa paggamit ng tobacco ay nagdudulot ng tinatayang higit sa pitong milyong pagkamatay taon-taon. Bukod dito, marami pa itong dala na problema sa kalusugan.
Batay sa iba’t ibang pag-aaral, nakikitang dahilan ang tradisyunal na paninigarilyo sa paglaki at pagdami ng mga bakteryang responsable sa bulok na ngipin, partikular na ang Streptococcus mutans.
Kaya naman, binigyang-diin sa isang pag-aaral na inilathala sa Philippine Journal of Science ang pagsusuri sa epekto ng e-cigarettes sa S. mutans, upang malaman kung may malaking pagkakaiba sa epekto ang dalawang uri ng sigarilyo.
Bibig na lantad sa posibleng panganib
Bagama’t matagal nang kilala ang pinsala ng tradisyunal na sigarilyo, kaunti pa lamang ang pag-aaral sa epekto ng mga alternatibo tulad ng e-cigarette sa kalusugan ng ngipin.
Ang bakteryang S. mutans ay dumidikit sa ibabaw ng ngipin at bumubuo ng biofilm o isang malagkit na layer na nagbibigay-daan sa bakterya na manatili at manirahan sa ngipin.
Kapag may asukal o carbohydrates sa bibig, nagsisilbi itong pagkain para sa bakterya, na naglalabas ng acid. Ang acid na ito ang unti-unting sumisira sa enamel at kalaunan ay nagdudulot ng dental caries o cavities.
Itinuon nina Jann Eldy Daquioag, Luis Miguel Foronda, at Gil Penuliar ang pananaliksik sa paghahanap ng epekto ng likido mula sa e-cigarette pagdating sa paglaki ng bakterya, pagbuo ng biofilm, produksyon ng lactic acid, at kakayahan ng bakterya na makatiis sa stress.
Sa pagsusuri ng grupo, lumalabas sa resulta na habang tumataas ang konsentrasyon ng likido mula sa e-cigarette ay bumababa naman ang antas ng paglaki ng bakterya. Makikita rin na ang mga konsentrasyon na 10% o higit pa ay ganap na nagpapahinto sa paglaki ng S. mutans, kahit pa may nikotina ito sa likido.
Kapag mababa naman ang konsentrasyon ng likido tulad ng 5%, kaunti lamang ang epekto nito sa bakterya dahilan para tuloy pa rin ang pagdikit nito sa ngipin, paggawa ng acid, at kakayahang mabuhay kahit sa mahirap na kondisyon.
Ipinapakita ng resulta na bagama’t napipigilan ang paglaki ng bakterya sa mataas na konsentrasyon ay nananatili pa ring aktibo ang mga prosesong nagdudulot ng tooth decay sa mas mababang antas.
Mariin ding pinaaalalahanan ng grupo ang lahat hinggil sa panganib na dala ng e-cigarettes sa kalusugan at ang kinakailangan pang mga pag-aaral ukol sa pangmatagalang epekto nito.
Mga gawing sasalag sa kapahamakan
Ayon sa isang pananaliksik mula sa National Library of Medicine, ang paggamit ng e-cigarettes ay nakapagdudulot ng pagbabago sa kulay ng ngipin at pagkabulok nito. Posible rin itong umabot sa pag-usbong ng mga sakit sa gilagid (periodontal diseases), sugat sa bibig (oral mucosa lesions), at higit sa lahat ay kanser.
Bagama’t hindi maipagkakaila na mas matimbang ang negatibong epekto ng paninigarilyo, tradisyunal man o elektroniko, maaari naman itong pantayan ng mga gawing makatutulong sa pagpapanatili ng kalusugan ng bibig at ngipin ng tao.
Malaking tulong sa pagpapanatili ng malinis na ngipin ang regular na pagsisipilyo at paggamit ng dental floss. Ugaliin din ang pagpapatingin sa dentista upang maagapan ang anumang pagbabago sa ngipin o gilagid.
Gayundin ang pag-iwas sa paninigarilyo, labis na pag-inom ng kape o tsaa, at matitinding pampaputi ay nakakatulong sa pagpapanatili ng malusog na ngipin.
Kung mapananatili ng tao ang buhay na malayo sa paninigarilyo at isinasagawa ang mga gawi para sa kalusugan ng ngipin, malaki ang posibilidad na ito ang sasalag sa kanila sa anumang kapahamakan.
Sa magkaibang hugis ng sigarilyo ay mapagtatanto na hindi lahat ng pamalit ay tunay na para sa ikabubuti ng tao; madalas ay panibagong mukha lamang ito ng hihithiting peligro.