Hindi lahat ng pula ay pag-ibig: Mga pulang babala ng pag-ibig

Arriane Grace Villasana 

Pula ang madalas nating iniuugnay sa pag-ibig—kulay ng marubdob, mainit, at punô ng pasyon na pagmamahal. Sa imahinasyon natin, ang pula ang simbolo ng lalim ng damdamin at tindi ng kilig. Ngunit hindi lahat ng pula ay pagmamahal. May pulang nakakapaso, may pulang nananakit, at may pulang unti-unting umuubos. May mga sandaling ang akala nating lalim ng pag-ibig ay sugat na pala, at ang inaakala nating pagtitiis ay pagkawala na ng sarili.

Hindi lang puro kilig ang pag-ibig. Kapag umiibig tayo, ipinapakilala natin ang iba’t ibang bersyon ng ating sarili. Yung matapang, marupok, at yung handang maniwala kahit may takot. Gayundin sa mga iniibig natin. Habang tumatagal, lumalabas ang tunay na kulay ng isang tao: ang ugali, ang paraan ng pakikitungo, at kung paano siya humaharap sa mga sandaling hindi na madali ang lahat.

Sa pagpili na magmahal, binubuksan natin ang puso sa posibilidad ng ligaya, at kasabay nito, sa posibilidad na masaktan. Tinatanggap natin ang ating kapareha kung sino man sila, sa pag-asang panghabang-buhay na. Naniniwala tayo na sa bawat lamat ay may aral na dumarating, sapagkat ang pag-ibig ay hindi lamang pangako ng saya, kundi pati pagtanggap sa mga hinagpis na maaari nitong dalhin.

Ngunit hindi na ito pag-ibig kung masyado nang masakit at unti-unti nilang binabawasan ang tiwala, respeto, at pati ang pagmamahal mo sa iyong sarili. Sa puntong iyon, mahalagang matutong kumilala at tumigil. Kaya narito ang ilan sa mga “red flag” sa isang relasyon.

Hindi ito listahang ginawa para manakot o manghusga. Isa lamang itong paalala na ang pag-ibig, sa anumang anyo, ay hindi kailanman dapat ikinasasakit ng pagkatao mo.

1. Kapag may problema, umiiwas lang siya 

Kapag may hindi pagkakaintindihan, imbes na pag-usapan, bigla na lang siyang nawawala o nananahimik. Hindi nagrereply, hindi nakikipag-usap, o ‘di kaya ay pinapalipas lang ang usapan na parang walang nangyari. Ikaw ang naiiwang nag-o-overthink, naghihintay, at nag-aadjust.

Ang pag-iwas ay hindi solusyon. Ang pananahimik na ginagamit para takasan ang problema ay nag-iiwan ng bigat sa relasyon. Walang naaayos kapag isa lang ang handang humarap.

2. Kapag hindi mo alam kung saan ka lulugar 

Isang araw sweet at clingy, kinabukasan parang wala ka. May mga sandaling ipinaparamdam niya sa ‘yong mahalaga ka, tapos biglang manlalamig na parang hindi ka niya nilambing-lambing. Mixed signals yarn? Nakakalito, nakakapagod, at nakakabawas siya ng tiwala sa sarili.

Ang malinaw na intensyon ay isa ring anyo ng respeto. Kapag palaging magulo ang signal, ang pagmamahal nagiging tanong imbes na kasiguruhan.

3. Kapag ayaw sa label pero gusto lagi ng lambing

Gusto niya ang saya ng may kasama, pero ayaw niya ang responsibilidad ng totoong relasyon. Ayaw sa label, ayaw sa plano, ayaw sa long-term. Ayaw mag-commit. Hindi malinaw kung ano talaga kayo. 

Kapag ganito, aasa ka lang nang aasa hanggang sa ikaw na ang mapagod kaaasa.

4. Kapag puro selos na lang umiiral, hindi tiwala

Tanong nang tanong, bantay nang bantay kung ano ang ginagawa at sino ang kasama mo. Yung tipo bang lahat na lang ay pinagseselosan. Pati mga dating kaibigan mo, pinagbabawalan na kausapin ka. 

Tapos wala ang konsepto ng privacy kasi hindi lang cellphone mo kundi pati social media accounts mo, alam niya ang password. Red flag yan dear, dahil ang tunay na pagmamahal, may tiwala. 

5. Kapag ginagamit ang emosyon para makuha ang gusto 

Kapag ginagawa niyang sandata ang lungkot, galit, tampo o ang pagmamahal mo para sumunod ka. Minsan ito yung, “Kung ayaw mo akong malungkot, gagawin mo to” “Kung mahal mo talaga ako, gagawin mo ito para sa akin.” Na para bang obligasyon mong ayusin ang lahat sa kanya. Kapag nasaktan siya, ikaw agad ang may kasalanan.

Unti-unti, nabubura na ang hangganan kung saan nagtatapos ang responsibilidad mo bilang partner at nagsisimula ang responsibilidad niya sa sarili niya.

6. Kapag hindi pa siya healed pero pumasok na sa relasyon 

Totoo yung sinasabi nila na huwag pumasok sa relasyon kung may dala ka pang sugat. Mapapansin mo ito kapag palaging bukambibig niya si ex, kapag tinitignan pa rin yung mga pictures nila together, o di kaya ay binabalikan pa rin ang mga convos nila. Ginagawa ka niyang pansamantalang pahinga mula sa sakit ng nakaraan.

Hindi ka band-aid. Hindi ka panakip-butas lang. Kung hindi pa siya buo, mahihirapan kayong pareho na mag-move forward.

7. Kapag bare minimum lang ang effort 

Ikaw ang laging nag-aalaga, nag-iintindi, nag-e-effort. Ikaw ang laging nag-aadjust. Siya, sapat lang para hindi ka umalis. Unti-unti, nagiging imbalance ang relasyon.

Ang pagmamahal hindi dapat pinapakiusapan. Dapat pareho kayong nagbibigay, hindi pareho kayong nauubos.

8. Kapag pinipili mo siya kahit nawawala ka na sa sarili mo

Isa siguro ‘to sa pinakamalaking red flag. Kapag palagi mo siyang pinipili, palagi mo syang inuuna at iniintindi sa puntong nakakalimutan mo na ang sarili mo. Puro na lang ang pangangailangan niya, wala na si self. Tipo bang hindi mo na makilala ang iyong sarili dahil naiwala mo na ito kapalit ng pagmamahal sa kaniya.

Hindi ka dapat nawawala sa sarili mo para lang may makasama. Ang pagrespeto at pagmamahal sa sarili ay hindi kalaban ng pag-ibig.

9. Kapag nandiyan lang siya kapag convenient 

Kapag isinisingit ka lang niya sa free time niya. Kapag available o kapag walang ibang nakaschedule, dun ka lang niya. O di kaya kapag naaalala ka lang niya sa tuwing malungkot siya, bored, o may kailangan, nandun siy pero kapag ikaw na ang may kailangan, bigla siyang nawawala.

Hindi mo dapat kalaban ang oras sa kanya dahil ang tunay na pagmamahal hindi ka lang isinisingit sa mga break time, kundi, he or she makes time for you.

10. Kapag nananakit na

Kapag sinasaktan ka na niya sa salita at kilos. Ito na ang malinaw at hindi dapat pinagdadalawang-isipan na red flag. Pero sana, huwag nang umabot sa sakitan bago bumitaw. 

Kapag may paninigaw, pananakot, pangmamaliit o panananikit, kapag pinagbubuhatan ka na niya ng kamay, aba’y hindi na ito simpleng away. 

Walang anyo ng pananakit ang dapat i-justify bilang pagmamahal. Hindi mo kailangang tiisin ang sakit para patunayan na mahal mo ang isang tao. Ang ligtas at mapayapang relasyon ay hindi hinihingi—karapatan ito. Nararapat kang itrato nang tama.

Sa pagitan ng tuwa at luha, hinihingi ng pag-ibig na pumili tayo hindi lang ng taong mamahalin, kundi ng respeto, malinaw na hangganan, at pagmamahal na hindi kailangang ipagpalit ang sarili. Totoo, may sakit ang pag-ibig minsan. May tampuhan, may luha, may mga araw na mahirap. Pero hindi kailanman parte ng pag-ibig ang paulit-ulit at sobra-sobrang sakit na unti-unting binubura ang tiwala, respeto, at pagmamahal mo sa sarili mo. Hindi lahat ng masakit ay normal. At lalong hindi lahat ng tiniis ay pagmamahal.

Hindi naman lahat ng red flag ay ibig sabihin tapos na agad ang relasyon. May ilan na pwedeng pag-usapan, ayusin, at pagdaanan nang magkasama. Pero kapag paulit-ulit na at ikaw na lang nang ikaw ang umiintindi, doon na dapat huminto at magtanong.

Ang pag-ibig ay hindi nasusukat sa kung gaano karaming sakit ang kaya mong tiisin. Nasusukat ito sa respeto—sa ibinibigay at sa tinatanggap mo. Dahil ang tunay na pagmamahal hindi dapat parang survival. Hindi mo kailangang magdusa para masabing mahal ka.

1 Votes: 1 Upvotes, 0 Downvotes (1 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...