Sa labas ng kumpetisyon nagsisimula ang tunay na laban

Apat na kabanata na ang nabuksan mula nang magsimula ang taong 2026.

Ang simoy ng hangin ay muling nagpapahiwatig ng panibagong yugto—kung ito ba’y pagngiti o pagluha—para sa mga batang mamamahayag na sasabak sa isang inaasam na hindi lamang kumpetisyon, kundi isang linggong pag-abot sa matagal nang pinapangarap.

Ang makatapak sa Ormoc, Leyte ngayong Abril 13 -17 ay isa nang bituin na ‘kay tayog upang masungkit. Paano pa kaya ang umakyat sa entablado? Dala-dala mo hindi lamang ang sariling tagumpay, kundi ang sakripisyo ng inyong School Paper Adviser, ang pangarap ng iyong mga kasamang kalahok mula sa parehong eskwelahan, mula sa parehong rehiyon—mga pangarap na kalaunan ay naging iyo na rin.

At sa likod ng lahat ng ito, naroon ang ‘di matatawarang ngiti ng iyong inay at itay na naiwan sa probinsya habang mangiyak-ngiyak na nakatutok sa Facebook Live awarding, pinipigilang sabayan ang hagulgol na litaw sa screen na hindi mo na kayang itago.

Ito na muli ang panahon kung saan ang mga munting mamamahayag ay magpapatagisan—hindi lamang ng nagkikislapan at naglalakihang press ID—kundi ng tapang, determinasyon, at paninindigan.

Ang mga panulat, papel, kamera, at laptop pang-layout ay magsisilbing saksi sa kislap ng kanilang mga mata—mga matang sumisigaw: “Kaya ko ’to. Nandito na ako. Bawal nang umatras.”

Ngunit sa paglipas ng isang linggong tila isang panaginip, ano na ang mangyayari? Iilang pangalan lamang ang pararangalan ng medalyang inaasam ng lahat. Ngunit matapos ang pag-akyat sa entablado—ang pag-iyak, maging ito man ay luha ng pagkabigo o luha ng nag-uumapaw na saya—ano na ang mangyayari sa munting pangarap ng isang mamamahayag?

Kung nanalo o natalo, titigil na ba sa paglaban? Sa pag-ulat? Hindi na ba muling hahawak ng pluma’t papel, ng kamera—ng boses na inatasang maghayag ng katotohanan?

Munting mamamahayag, sa labas ng kumpetisyon, para kanino ka lalaban?

Pangalan mo na lamang ba ang iyong dadalhin? Pangalan ng inyong pahayagan? Ng inyong pamantasan?

O pipiliin mong mamahayag kahit wala sa entablado— dahil ang tunay na laban ay hindi nasusukat sa medalya, sa kislap, o sa taas ng plataporma?

Ang tunay na laban ay nasa tabi ng masa:

sa masang pinagkaitan ng boses,

sa masang pinipiling gawing pipi ng mga nakaupo sa kapangyarihan.

Sa masang karapat-dapat pagsilbihan ng mga tulad nating mamamahayag.

Sa masang umaasa sa ating panulat— sa pluma, papel, tinta, kamera, at tinig— upang maipahayag ang kanilang kuwento, ang kanilang katotohanan.

Ang mamamahayag—manalo man o matalo sa patimpalak na pang-kampus—ay patuloy pa ring suot ang kaniyang press ID, dala ang tinig ng masa.

Hindi lamang sa loob ng air-conditioned na contest proper umiiral ang kanyang paninindigan, kundi sa lansangan—sa ilalim ng tumitinding araw, sa gitna ng rumaragasang ulan, sa harap ng nakamamatay na baha—upang ihayag ang katotohanang hindi madaling makita. 

Munting mamamahayag, naging katulad mo rin ako—tahimik, ngunit gigil na humahabi ng mga salita sa kapirasong papel na dilaw.

At hanggang ngayon, ipinagpapatuloy ko ang paggamit ng tinig at panulat. Hindi para sa medalya, kundi upang isigaw ang katotohanan para sa mga Pilipinong pilit na pinatatahimik. 

Munting mamamahayag, huwag mong hayaang sa entablado magtapos ang iyong paninindigan.

Sapagkat sa labas ng kumpetisyon, doon nagsisimula ang tunay na laban.

Kung ang entablado ay isang bituing kay tayog upang masungkit, ang masa ang langit kung saan ito tunay na nagniningning.

At doon, hindi medalya ang gantimpala—kundi ang paninindigang maghayag ng katotohanan. 

Kahit ito’y mahirap.

Kahit ito’y hindi pabor.

Kahit ito’y hindi palaging nakikita ng karamihan. 

Kahit ito’y hindi palaging pinapalakpakan.

6 Votes: 5 Upvotes, 1 Downvotes (4 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...