
Sa isang bayan na inaasahang pinangangalagaan ng batas at dangal, isang masaklap na katotohanan ang lumitaw mula sa Tinambac. Isang kuwento ng kapangyarihang inabuso at tiwalang winasak. Ang liham ng isang 11-taong-gulang na bata para kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay hindi lamang panawagan ng tulong, bagkus isang matinding sigaw laban sa sistemang nabigo siyang protektahan.
Sa halip na maging sandigan, ang inaasahang tagapagtanggol ng isang opisyal ng barangay ay sinasabing naging salarin. Ang ganitong uri ng karahasan ay hindi simpleng krimen—ito ay paglapastangan sa mismong diwa ng pamahalaan; higit sa lahat, ito ay pagtataksil sa mga kabataang pinaglilingkuran. Sa paggunita ng Araw ng Kagitingan, malinaw ang isang masakit na tanong: kanino ba tunay na umiiral ang kagitingan, kung ang mga dapat nagtatanggol ay siya mismong nananakit?
Sa bawat barangay ay may mga kagawad na may hawak na baston—simbolo ng kapangyarihan at kaayusan. Ngunit sino ang mag-aakala na sa kaniyang anino, makikita ang hubad na anyo ng pagnanasa. Isang paalala na ang kapangyarihang hindi kayang kontrolin ay nagiging sandata ng pang-aabuso.
Kung kayang pamahalaan ang baston, bakit hindi kayang supilin ang sariling pagnanasa?
Ang tanong na ito ay sumasalamin sa mas malalim na problema: hindi lamang kakulangan ng pananagutan at disiplina, kundi isang sistemang nagbibigay-lakas ng loob sa mga nasa posisyon upang mang-abuso sa halip na magsilbing pananggalang ng iba. Hindi sapat ang titulo upang maging karapat-dapat sa tiwala ng mamamayan.
Mas lalong nakakabahala na ang mga inaasahang tagapagbantay ng komunidad ang siyang nagiging banta. Sa ganitong konteksto, ang konsepto ng “public service” ay nagiging hungkag at mapanlinlang. Ayon sa pinakahuling datos ng Philippine Statistics Authority, humigit-kumulang 2,000 kaso ng rape ang naitatala taun-taon sa bansa at pinaniniwalaang mas mataas pa ang tunay na bilang dahil marami pa ang hindi nakaaabot sa batas dulot ng takot, stigma, at kahihiyan. Samantala, ang UNICEF ay nag-ulat na malaking porsyento ng mga batang Pilipino ang nakakaranas ng iba’t ibang anyo ng pang-aabuso bago pa man sila umabot sa hustong gulang. Ang mga numerong ito ay hindi dapat manatiling malamig na estadistika dahil ang bawat isa ay buhay na winasak at kinabukasang marahas na inagaw!
Sa katunayan, hindi ba’t nakapagtataka na kailangan pang umabot sa isang liham bago maaksyunan ang ganitong uri ng karahasan? Paano kung hindi ito nakarating sa Pangulo, mananatili ba itong lihim sa loob ng komunidad? Malalaman kaya ito ng sambayanan, o patuloy lamang na magdurusa ang mga biktima sa katahimikan? Ang ganitong sitwasyon ay nagpapakita ng isang sistemang tila umaasa lamang sa ingay at atensyon bago kumilos.
Ang hustisya para sa mga batang biktima ay hindi dapat maging opsiyonal; ito ay obligasyon. Sa diwa ng kagitingan, hindi sapat ang paggunita. Kinakailangan ang paninindigan upang tiyaking ang kapangyarihan ay nagsisilbi sa proteksyon, hindi sa pananakot. At sa bawat opisyal na nabigong gampanan ito ay hindi karapat-dapat humawak ng kapangyarihan, dahil sa likod ng bawat anino ng pang-aabuso, naroon ang isang lipunang pumayag at isang lipunang maaari pang magbago.
Ang pahayag ng lokal na pamahalaan na sila ay “kumilos na” bago pa man kumalat ang liham ay hindi sapat upang mapawi ang galit at pangamba ng publiko. Kung tunay na may aksyon, bakit kinakailangan pang umabot sa pambansang atensyon ang hinaing ng isang bata? Ang sistemang dapat sana’y mabilis at makatarungan ay tila naging mabagal at bulag. Ang hustisyang naantala ay hustisyang ipinagkait, lalo na sa kaso sa Camarines Sur kung saan lamang nagpadala ng pulis at nagsagawa ng mas masusing imbestigasyon matapos makarating ang liham sa Pangulo, kahit may nauna nang kasong naisampa at nasa korte na noong 2023. Kung gayon, malinaw na hindi ang kawalan ng batas ang problema, kundi ang kabagalan at piling paggalaw ng hustisya. Sa bawat sandaling walang pananagutan, lalong lumalalim ang sugat ng mga biktimang naiwan.
Hindi rin maaaring ihiwalay ang insidenteng ito sa mas malawak na kultura ng pananahimik at pagsasawalang-bahala. Kapag ang mga nasa kapangyarihan ay hindi agad napapanagot, nagiging normal ang pang-aabuso. Kapag ang mga biktima ay natatakot magsalita, nagiging tahimik ang komunidad sa harap ng karahasan. Ito ang siklong dapat putulin. Ang isang tunay na anyo ng kagitingan na hindi ipinagdiriwang sa salita kundi isinasabuhay sa pagkilos. Hindi lamang sa pamamagitan ng batas, kundi sa pamamagitan ng kolektibong paninindigan. Ang katahimikan ay hindi kailanman naging kasingkahulugan ng kapayapaan.
Ang ganitong sitwasyon ay nagpapakita ng isang sistemang huli na kung laging reaktibo. Hindi dapat maging pribilehiyo ang hustisya para lamang sa mga kasong umaabot sa pambansang antas. Higit pa sa proteksyon at agarang aksyon, kailangan din natin ng mas matibay na mga hakbang na nagsisimula sa tahanan—ang pagtuturo sa mga bata ng tamang hangganan, paggalang sa katawan ng iba, at paghubog ng kamalayang hindi kinukunsinti ang anumang anyo ng karahasan. Kung hindi natin ito sisimulan ngayon, paulit-ulit lamang nating haharapin ang parehong mga tanong at ang parehong mga trahedya.
Ang mga katanungan ay hindi lamang hihinto sa kung sino ang may sala, kundi kung anong uri ng lipunan ang pinapayagan nating mabuo. Sa isang panahong ginugunita ang kagitingan, dapat malinaw: ang tunay na tapang ay nasa pagprotekta sa mahihina at pagpapanagot sa makapangyarihan.
Isang lipunang ang baston ay simbolo ng proteksiyon, isang lipunang ang anino nito ay sumasalamin sa karahasan? Panahon na upang ibalik ang tunay na kahulugan ng serbisyo publiko na isang pangakong protektahan, hindi pagsamantalahan. Ang kapangyarihan ay hindi lisensya upang mang-abuso, kundi responsibilidad upang maglingkod, at kung ang mga nasa posisyon ay hindi kayang tuparin ito, sila ang unang dapat managot!