UNANG SINDAK NG MAYO: Ang mataas na singil ng kuryente

Pinaniniwalaang nakapagpapagaling ng sakit at nagdadala ng swerte ang unang ulan ng Mayo. Subalit ngayong taon, hindi pa man bumubuhos ang ulan, una nang bumuhos ang hinaing ng mga tao dahil sa pagtaas ng singil sa kuryente.

Ang kuryente marahil ay isa sa pinakamahalagang pangangailangan ng tao kasama ang tubig, pagkain at iba pa. Lalo pa sa mga bansang katulad ng Pilipinas na may tropikal na klima, kung saan ang tag-init ay hindi lang basta mainit kundi nakakapasong init. Kaya naman para maibsan ang banas, napipilitang tumutok sa electric fan ang iba.

Sa nakalipas na linggo, samu’t saring mga komento at reklamo ang pumutakti sa social media. Mayroong mga hindi makapaniwala, mayroon ding mga nagalit, at ang iba ay nag-aalala kung saan nila kukunin ang ipapambayad. Pero lahat sila ay nasindak sa bill ng kuryente na kanilang natanggap. 

Isa ang pamilya ni Mariom sa mga umiinda ng taas-singil sa presyo ng kuryente. Ayon sa kanya, ang tatlong libong piso na bill ay lumobo ng limang libong piso kahit pa halos parehas lamang ang mga appliances na kinukonsumo nila. Pinapatay pa nga raw nila ang ilaw kapag gabi para lamang makatipid.

Laking gulat naman ni Jocelyn nang makita ang kanilang  bill ng kuryente dahil tumaas ito kahit pa madalas namang walang tao sa kanilang bahay. Nangangamba rin siya kung saan kukuha ng ipapambayad dahil dalawa silang Person with Disability (PWD) na umaasa lamang sa dalawang libong sahod kada linggo.

Epekto ng mataas na singil

Ang pamilya ni Mylene, halos kumpleto ang appliances sa bahay at ang buwanang konsumo ay umaabot sa limang libong piso. Kaya naman nabahala siya nang dumating ang bill nila noong Abril dahil halos dumoble na ito. Ayon pa sa kanya, “Malaki ang epekto, halos di na kami kumain ng karne, puro isda at gulay na lang kasi sobrang mahal pati na mga basic needs dito sa bahay.”

Si Gail naman, nadagdagan ng limang daang piso ang bill sa kuryente, kaya para makatipid, mas pinipili na lang niyang manatili sa bahay at umiwas sa biglaang gastos. Kwento niya pa, “Napipilitan kaming magtipid sa ibang mga bagay tulad ng pag-alis, pagbili ng mga nais namin at mas nahihirapan kaming pagkasyahin ang sahod sa mga bayarin dahil hindi naman nagtaas ang pasahod.”

Tumaas ang singil ng kuryente at patuloy pa rin ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, pero ang sahod ng mga manggagawa, wala pa ring paggalaw. Dahil dito, nahihirapan ang mga katulad ni Mark na mag-budget para sa mga bilihin. Saad niya, “Hindi na rin kami nakakabili ng sariling mga luho.”

Pagsusuri sa bill ng Meralco

Noong ikalawang Linggo ng Abril, nag-anunsiyo ang Meralco na magtataas ng 53 centavos per kWh ang singil sa kuryente dahil sa pagtaas ng generation charges bunsod ng paghina ng piso kontra dolyar. Kaya ang mga tahanang kumukunsumo ng 200 kwh kada buwan ay magkakaroon ng dagdag singil na 107 pesos. 

Subalit hindi lamang ito ang nakadagdag sa mataas na singil ng kuryente. Kung hihimayin, maraming bahagi ang bumubuo sa singil ng kuryente. Ang 64% ay napupunta sa generation charge o sa presyo ng kuryente na binibili mula sa power producers. Sumasaklaw naman sa 8% ang transmission charge na ibinabayad sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) para sa paghahatid ng kuryente mula sa mga power plant patungo sa sistema ng Meralco. 12% ang napupunta sa Meralco bilang bayad sa paggawa, operasyon, at maintenance. Samantalang 5% ang napupunta sa system loss charge. 

Ang natitirang 11% ay napupunta sa iba’t ibang singilin tulad ng Government Taxes,  Feed-in Tariff Allowance (FiT-All), Green Energy Auction Allowance (GEA-All), Universal Charges, at Senior Citizen Subsidy. Kasama rin dito ang kontrobersyal na Lifeline Subsidy na bill discount para sa mga benepisyaryo ng 4Ps.

Sa pahayag naman ni Lawrence Fernandez, ang VP and Head, Utility Economics ng Meralco, hindi na mga bagong charges ang nasa bill at tanging GEA-All lamang ang nagsimula nitong Enero ngayong taon. “Lahat po ng utilities sa Pilipinas, ini-implement ito dahil ito ang mandato ng gobyerno,” dagdag niya pa.

Bukod sa tumaas na generation charge, sinabi ng Meralco na malaking salik din ang mas mataas na konsumo dahil sa matagal na paggamit ng electric fan at aircon,  madalas na pagbukas ng ref, at pagdami ng work-from-home.

Ang tugon ng gobyerno

Ilan sa mga hinaing ng mga konsumer ang mga additional charges na nagpopondo sa ilang programa ng pamahalaan na nakadagdag sa pasanin ng mga Pilipino. Nitong nakaraang ika-29 ng Abril, ipinatawag ng Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) Committee sa Senado ang Energy Regulatory Commission (ERC) at ang Meralco, upang pagpaliwanagin. Sa huli, sinasabing rerebesahin ng Kongreso ang EPIRA o the Electric Power Industry Reform Act of 2001. Ayon din kay Senator Rodante Marcoleta, pag-aaralan ang pagtanggal ng Value-Added Tax (VAT) sa kuryente.

Naghain naman si Senator Risa Hontiveros ng panukalang batas na naglalayong tanggalin ang value-added tax (VAT) sa mga system loss charges na ipinapasa sa mga konsumer.

Ipinag-utos ng ERC sa mga power distribution utilities tulad ng Meralco ang pagsuspinde sa service disconnection ng mga konsumer na hindi makakapagbayad ng bill mula Mayo hanggang Hulyo habang patuloy na tumataas ang presyo ng langis dahil sa krisis sa Middle East. Suspendido rin para sa buwan ng Mayo at Hunyo ang pangongolekta ng additional charge na GEA-All, ayon din sa utos ng ERC.

Sa mga susunod na buwan, bubuhos kaya ang swerte o bubuhos ang konsumisyon na dala ng mataas na singil sa kuryente? Kung hindi tutulungan ang mga mamamayan, lalong bibigat ang kanilang mga pinapasan. Kaya nararapat lamang na higit pa sa pagtugon, aksyunan ng pamahalaan ang mga iniinda ng ordinaryong Pilipino. Para sa susunod, wala nang masisindak at maiiyak sa taas ng presyo.

2 Votes: 2 Upvotes, 0 Downvotes (2 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...