
Tinuldukan ng Ateneo Blue Eagles ang kanilang two-game losing streak matapos walisin ang UE Red Warriors sa straight sets, 25–14, 25–17, 25–20.
Pinangunahan ni Jian Salarzon ang Ateneo matapos kumamada ng 15 puntos mula sa 12 attacks at tatlong blocks, kasama ang anim na receptions.
Nag-ambag naman si Amil Pacinio ng walong puntos, habang sina Kennedy Batas at Rodge Alejos ay nagdagdag ng lima at apat na puntos, ayon sa pagkakasunod.
Muling bumangon ang UE nang makuha nila ang 17–15 na abante sa ikatlong set sa pangunguna ni Raquim Aceron na nagtala ng 14 puntos.
Agad namang nag-rebound ang Ateneo sa pamamagitan ng 8–0 run sa tulong ni Julio Yu upang makuha muli ang kontrol at tapusin ang laban.
Bumagsak ang UE sa 1–6 rekord matapos ang kanilang ikaapat na sunod na pagkatalo sa pagtatapos ng first round.
Tamaraws nanatiling perpekto
Samantala, nanatiling walang talo ang FEU matapos talunin ang University of Santo Tomas Golden Spikers sa apat na set, 28–30, 25–22, 25–17, 25–22.
Pinangunahan nina Dryx Saavedra at Lirick Mendoza ang FEU matapos parehong magtala ng 17 puntos.
Nagpakitang-gilas din si setter Ariel Cacao na nagtala ng 30 excellent sets at limang puntos, kabilang ang apat na blocks.
Nag-ambag si Mikko Espartero ng 14 puntos at 24 excellent receptions, habang sina Amet Bituin at Charles Absin ay nagdagdag ng 12 at 10 puntos.
Sinikap naman ng two-time MVP na si Josh Ybañez ang UST matapos kumanda ng 21 puntos, walong receptions, at limang digs.
Nagtapos ang FEU sa first round na 7–0 habang bumaba ang UST sa 5–2 rekord.