Ateneo, pumagaspas mula sa 6-game skid; UST, rumagasa sa pagtatapos ng women’s volleyball 1st round

Photo Courtesy of Tiebreaker Times/MSN/SPIN.ph
Dinispatsa ng Ateneo de Manila University Blue Eagles at UST Growling Tigresses ang kani-kanilang katunggali upang isara ang first round ng UAAP Season 88 women’s volleyball tournament sa straight-set victories sa Mall of Asia Arena, Marso 14.

Pumailanlang ang Blue Eagles matapos walisin ang University of the East Lady Warriors, 25–19, 25–23, 25–16, sa likod ng 13 puntos ni Jihan Chuatico na sinahugan pa ng 10 puntos ni Zel Tsunashima upang putulin ang anim na sunod na pagkatalo ng Ateneo.

“Today, our team stayed aggressive, played smart, and turned our opportunities into points. We’re not the tallest team, but our blocking and defense played a key role,” ani Ateneo head coach Sergio Veloso.

Dominanteng panimula ang ibinungad ng Katipunan based-team matapos humugot ng pwersa mula sa matinding depensa matapos ibandera ang 9–1 kalamangan mula sa blocks sa pamumuno ni Chuatico.

Sinamantala rin ng Blue Eagles ang malamyang depensa ng Lady Warriors nang magtala si rookie middle blocker Dona De Leon ng apat na kills at isang ace upang itaas ang kanilang bentahe sa 19–14.

Nagpatuloy ang opensa ng Ateneo sa unang set sa tulong ng outside hitter na si Jennifer Delos Santos, na kumamada ng apat na attack points upang kunin ang 25–19 panalo.

Tinangka pang bumawi ng UE sa ikalawang set at umabante ng 22–21, ngunit kumonekta ang Ateneo ng tatlong sunod na puntos mula kina Alex Montoro at De Leon, na nagtapos sa isang block upang ikandado ang 25–23 panalo at 2–0 abante.

Hindi na lumingon pa ang Blue Eagles sa ikatlong set matapos magsanib-puwersa sina Faye Nisperos, Tsunashima at De Leon sa pagpaulan ng crosscourt hits upang selyuhan ang sweep sa 25–16.

“We’re very grateful na nanalo kami, and just like coach said, we’re gonna power through round two, and we’re really gonna focus on building our character and being mature on the court,” saad ni Tsunashima.

Busog na ang mga Tigre sa first round

Samantala, ipinagpatuloy ng UST Growling Tigresses ang kanilang momentum matapos walisin ang Far Eastern University Lady Tamaraws, 25–17, 25–18, 25–20, upang makuha ang kanilang ikalawang sunod na panalo.

Pinangunahan ni Angge Poyos ang UST sa kanyang 16 puntos, siyam na receptions at anim na digs, habang nagdagdag si Regina Jurado ng 10 puntos at anim na digs.

Naging dikit ang laban sa unang set matapos magtabla sa 10-all, ngunit agad rumatsada ang Tigresses sa 9–1 run upang kontrolin ang laro at kunin ang set. 

Sinubukan pang lumaban ng Lady Tamaraws at umabante ng 15–13 sa ikatlong set, ngunit napilayan si Gerzel Petallo dahil sa right-arm injury na nakaapekto sa kanilang opensa.

Mula rito, nalimitahan ang Lady Tams sa third set matapos mamigay ng limang puntos mula sa unforced errors na hindi pinalampas ng España based-squad na kumonekta ng 7–1 run mula sa dalawang ace ni Avril Bron na nagtuloy-tuloy pa bago ang panapos na kill ni Jurado.

“Alam naman namin ‘yung standing namin and alam naman namin na sobrang kailangan naming gumapang para makapasok sa Final Four. Maaga pa pero yun naman yung isa sa goals namin,” saad ni Detdet Pepito na kumabig ng sampung puntos.

Magka-sosyo ang dalawang koponan sa ikatlo at ikaapat na pwesto habang nanganganib sa ikapitong pwesto ang Blue Eagles at ikawalo sa Red Warriors. 

0 Votes: 0 Upvotes, 0 Downvotes (0 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...