Bakit palpak lahat ng impeachments sa Pilipinas?

Ang mga impeachment trial sa Pilipinas ay madalas na nagpapakita ng sistemang  nakapako sa anyo ng katarungan, ngunit hindi laging nagtatagumpay sa pagpapatupad nito. Dahil dito, ang laban para sa katarungan ay nagiging mas laban ng impluwensya kaysa sa ebidensya.

Sino ang tunay na may kontrol?

Ang prosesong ginawa upang panagutin ang mga makapangyarihan ay madalas ding nasa kamay ng mga  makapangyarihan . Ang impeachment ay dapat sana’y patunay na walang sinuman ang higit sa batas. Sa ilalim nito, ang mga opisyal ng gobyerno ay maaaring maharap sa mga kaso gaya ng:

  • Culpable Violation of the Constitution
  • Treason
  • Bribery
  • Graft and Corruption
  • Other high crimes, or 
  • Betrayal of Public Trust

Gayunpaman, ang mga impeachment trial ay kadalasang hindi nauuwi sa pinal na hatol, at tila ang mga opisyal ay naipapanalo na ang kaso bago pa man din ito magsimula.

Katarungang hindi naisasakatuparan

Noong Disyembre 7, 2000, si Joseph Ejercito Estrada ang kauna-unahang Pangulo ng Pilipinas na na-impeach ng House of Representatives at nilitis sa Senado. Kinasuhan siya ng:

  • Bribery
  • Graft and Corruption
  • Culpable Violation of the Constitution
  • Betrayal of Public Trust

Ngunit noong Enero 16, 2001, muling naging sentro ng kontrobersiya ang tinaguriang “ikalawang sobre,” na pinaniniwalaang naglalaman ng ebidensya sa umano’y mga lihim na bank account ni Estrada.  Sa halip na buksan ito sa ngalan ng pananagutan, bumoto ang mayorya ng Senado upang manatili itong nakasara.

Ang desisyong ito ang naging mitsa  sa pagbagsak ng impeachment trial. Umalis ang House prosecution panel bilang protesta, senyales ng lumalalang pagkadismaya sa sistemang tila hindi na nakatuon sa katotohanan. Sa kalaunan, nauwi ito sa panibagong People Power na sumasalamin sa pagkawala ng tiwala sa institusyon.

Nag-iisang nahatulan

Ilang taon ang lumipas, si Chief Justice (CJ) Renato Corona lamang ang natatanging opisyal sa kasaysayan ng Pilipinas na nahatulan sa impeachment trial. 

Noong Mayo 29, 2012, sa ilalim ng dating Presidente Benigno Aquino III, hinatulan siyang guilty sa kasong paglabag sa tiwala ng publiko dahil bigo niyang maisapubliko  ang lahat ng kaniyang mga ari-arian sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN). 

Ngunit ang hatol kay CJ Corona ay higit pa sa simpleng paglabag sa tiwala ng publiko. Isa sa mga pangunahing alegasyon laban sa kaniya ang umano’y “partiality at subservience,” o pagiging pabor umano sa administrasyong Arroyo. Dahil dito, itinuring siya ni dating Pangulong Benigno Aquino III bilang isang malaking hadlang sa kanyang administrasyon.

Lalo pang lumalim ang tensyon matapos pigilan ni CJ Corona ang pagpapalabas ng P10 bilyong pondo para sa Hacienda Luisita, ang asyenda ng pamilyang Aquino.

Sa huli, napatalsik pa rin si CJ Corona sa pamamagitan ng botohan sa Senado na noon ay dominado ng mga kaalyado ng administrasyong Aquino.

Gayunpaman, iniulat ni Sen. Jinggoy Estrada na ang mga senador na bumoto para sa impeachment ni CJ Corona ay nabigyan umano ng tig-P50 milyon. Kinumpirma rin ng dating Budget Secretary na si Florencio Abad na naghati-hati sa P1.107 billion na pork barrel funds ang mga bumoto laban kay CJ Corona. Sa gitna ng mga paratang na ito, malinaw na ang resulta ay hindi nakasalalay sa ebidensiya lamang dahil madalas sa madalas ay hinuhubog din ito ng pera at kapangyarihan. 

Umuulit naman ang kasaysayan dahil makalipas ang ilang taon, muli na namang sumailalim sa impeachment ang isa sa mga namumuno sa bansa — si Bise Presidente Sara Duterte. Kinakaharap niya ang iba’t ibang impeachment complaints sa House of Representatives, isa noong 2024 at isa pa  ngayong 2026. Nakasentro ang mga reklamo sa umano’y maling paggamit niya ng kaniyang confidential funds sa Office of the Vice President (OVP) at  Department of Education (DepEd), paglabag sa tiwala ng publiko, pagbabanta sa mga pulitiko, at mga kasong graft at korupsyon. 

Ngunit anuman ang maging laman ng mga reklamo, tila paulit-ulit na lamang na nauudlot ang proseso bago pa man ito tuluyang umusad.

Pagdating naman ng 2024, isa sa apat na reklamong impeachment laban kay Bise Presidente Sara Duterte ang inusad ng Kamara. Ngunit pagsapit ng 2025, naging usapin ito ng konstitusyon dahil hindi maaaring sumailalim muli sa impeachment process ang parehong opisyal sa loob ng isang taon. Sa botong 19-4 na pabor sa pagbasura ng impeachment complaint laban kay Duterte, kapansin-pansin ang umiiral na kampihan sa Senado.

Sa ilalim ng 1987 Constitution isinasaad na, “impeachment proceedings [cannot] be initiated against the same official more than once within a period of one year.” At dahil ang naunang tatlo na inireklamong impeachment laban kay Duterte ay ibinasura matapos walang aksyon na ginawa dito ang House, ibig sabihin ay sumailalim na si Duterte sa tatlong impeachment process. 

Ngunit sa kabila ng kaniyang due process, ang pagkaantala ng kaso ni Duterte ay patunay na mabilis ang hustisya sa iba pero bumabagal kapag ang taong nakaupo na ang sangkot.

Ngayong 2026, muling nabuhay ang usaping impeachment laban kay Duterte sa gitna ng tensyon sa Senado, kabilang ang kontrobersiya kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa. Mahatulan man o mapawalang-sala si Duterte, hindi maikakailang may pagkakatulad ang kaniyang kaso sa mga naunang impeachment kina Estrada at Corona — nahahati ang Senado sa pagitan ng mga magkakaalyado.

Ang hahatol sa lahat: alyansa

Dumaan na ang maraming taon, nagpalit na ang mga pangalan, pero paulit-ulit pa rin ang kalakaran sa Senado. Iyan ang ipinapakita ng mga impeachment case sa Pilipinas,  

Mahatulan man o mapawalang-sala si Duterte, kaparehas pa rin ng kaso niya ang mga naunang impeachment kina Estrada at Corona — nahahati ang Senado sa pagitan ng mga magkakaalyado.

Sa huli, hindi batas kundi bilang at alyansang pulitikal ang madalas nagpapasya kung sino ang mapapanagot at sino ang makakaligtas.

3 Votes: 3 Upvotes, 0 Downvotes (3 Points)

Leave a reply

Stay Informed With the Latest & Most Important News

I consent to receive newsletter via email. For further information, please review our Privacy Policy

Loading Next Post...
Follow
Search Trending
Popular Now
Loading

Signing-in 3 seconds...

Signing-up 3 seconds...